Martes, Hunyo 10, 2008

Proteksyon o Rebolusyon - ni Ka Popoy Lagman

Proteksyon o Rebolusyon Laban sa Salot na Globalisasyon

ni Ka Popoy Lagman

Isang salot ang naghahasik ngayon ng kilabot sa uring manggagawa. Ito’y ang salot ng Globalisasyon.

Sa buong daigdig, milyun-milyon ang sinisipa sa trabaho. Dati’y paramihan ng empleyado. Ngayo’y “downsizing” at “redundancy” ang uso. Epidemya sa lahat ng bansa ang “contractualization”. Lipas na ang terminong “job security”. Ang sikat ay “retrenchment”. Pinapalitan ang regular ng contractuals at casuals. Ipinapasa sa “subcontractors” ang dati’y regular na mga trabaho sa principal na mga planta.

Iisa ang rason kung bakit ito’y nauuso: Baratin ang “labor cost”. Sa tindi ng kompetisyon, ginigiba ang mga unyon para mapamura ang paggawa. Inaanunsyo ng mga propeta ng Globalisasyon na hindi na uso ang unyonismo. Sintensyado na raw ang unyonismo: Wala na raw lugar ang unyon sa Globalisadong Planta, sa Globalisadong mundo.

Dito sa Pilipinas, pati Konstitusyon ay gustong ipabago. Iangkop sa Globalisasyon ng ekonomya. Kung ang mismong Konstitusyon ay gustong ihulma sa Globalisasyon, laluna ang Labor Code. Idinadaing natin ang kakulangan sa proteksyon. Baligtad naman ang reklamo ng kapital. Ang gusto’y tanggalin ang mga proteksyong ito. Sawatahin ang unyonismo. Ipatupad ang strike ban. Pairalin ang wage moratorium. Bawasan ang mga benepisyo. Ibaba ang labor standards. Suspindihin ang CBAs. Baklasin ang job security. Gawing pleksible ang araw paggawa. At iba pang hakbang na pawang anti-manggagawa. Ito ang gusto nilang mangyari dahil ito raw ang kailangan para maging “competitive” ang Pilipinas. Laos na ang “proteksyonismo” bilang doktrinang pang-ekonomya. Laos na rind aw dapat ang “unyonismo” bilang porma ng “proteksyon” sa paggawa. Patagusin hanggang sa paggawa ang aplikasyon ng “liberalization”, “deregulation” at “privatization” – ang tatlong haliging patakaran ng Globalisasyon.

Ang ibig nilang sabihin ng “liberalization” ay maging maluwag ang estado sa mga batas paggawa. Ang “deregulation” ay huwag gaanong manghimasok ang estado sa mga usapin sa paggawa. Ang “privatization” ay pribado nilang pag-aari ang lakas-paggawa bilang kalakal. Ang merkado, hindi ang estado, ang mapagpasya sa relasyon ng kapital at paggawa. Ganito raw ang Globalisasyon. Ito raw ang paraan para mapamura ang mga produkto sa Pilipinas at makaungos sa pandaigdigang kalakalan. Ito raw ang paraan para maengganyo ang mga dayuhang imbestor: Hindi lang mura kundi maamo ang manggagawa sa bansa. Walang unyon, walang welga. Sa buong daigdig ay dinidilubyo ng Globalisasyon ang uring manggagawa. Pero lumalaban ang mga manggagawa, nagpuputukan ang general strikes sa iba’t ibang bansa. Kahit sa US – ang kuta ng konserbatibong unyonismo – ligalig ang mga manggagawa, umaagos ang unyonismo, kumikislap ang militansya, sumisiklab ang mga welga. Namumuno ngayon ang globalisadong pakikibaka laban sa pangkalahatang opensiba ng kapital. Nagpapanibagong sigla ang mga kilusang mapagpalaya laban sa rekolonisasyon ng mundo sa anyo ng Globalisasyon.

Lahat ng unyon sa Pilipinas ay dapat umalerto at umaktibo laban sa opensibang ito ng kapital. Kapag tinulugan natin ngayon ang pagbabantay, magigising na lang tayo na wala na tayong mga karapatan. Kinain nang lahat ng Globalisasyon. Dama na halos ng lahat ang epekto nito. Paano pa kaya ang kapatid nating mga manggagawa na di unyonisado? Gaano kagrabe ang kanilang sitwasyon? Dapat tandaan na wala pang 5% ng mga manggagawa sa Pilipinas ang unyonisado. Ang 95% ay walang kalaban-laban dahil kahit unyon ay wala sila.

May unyon man o wala, ang totoo’y wala nang gaanong bias ang paglaban kung tayo’y kanya-kanya, kung mayroon mang “laos” na sa panahon ng Globalisasyon, ito;y hindi ang mismong unyonismo kundi ang lokalisadong unyonismo. Ang unyonismong nakalululong sa kanya-kanyang planta. Kung dati nang hirap ang isang lokal na unyon na harapin ang kanyang indibidwal na kapitalista, ngayon ay sandaang ulit na mas mahirap ang lokalisadong paglaban. Ang kalaban kasi ay hindi na lang ang indibidwal na kapitalistang may-ari ng kompanya. Ang kabangga ay ang nagaganap na Globalisasyon ng buong ekonomya. Ang mga patakaran ng gubyerno na nagsusulong nito. Wala na lang sa loob ng planta, opisina o plantasyon ang prinsipal na problema. Nasa labas – nasa pangyayari sa buong bansa, sa buong lipunan, sa buong daigdig.

Panahon nang paigpawin ang kilusang unyon sa bago’t mas mataas na antas. Panahon nang ikintal sa diwa ng bawat unyon ang kaisipang makauri, ang pagkakaisang makauri, ang pakikibakang makauri. Kailangang mag-isip tayo hindi na lang bilang empleyado ng ganitong kompanya o myembro ng ganitong unyon. Mag-isip at tumindig tayo bilang bahagi ng uring manggagawa.

Maraming pagbabagong nagaganap sa ating paligid. Mga pagbabagong mas nakasasama kaysa nakabubuti sa ating kalagayan bilang manggagawa. Pag-aralan natin ang mga pagbabagong ito, at sa proseso, baguhin rin natin ang ating sarili. Kung hangad natin ay pagbabagong makabubuti sa atin bilang mga manggagawa, kailangang baguhin rin natin ang ating mga kaisipan at pananaw na sagka sa pagbubuo ng pinakamalawak na pagkakaisa ng ating uri.

Unahin natin ang pananaw na wala tayong pakialam kung “nasusunog” na sa impyerno ng Globalisasyon ang mga kauri nating mga manggagawa dahil di pa naman inaabot ng apoy ang sarili nating pabrika. Sa ganitong pananaw, siguradong isa-isa tayong masusunog sa apoy ng Globalisasyon. At humahalakhak ang kampon ng kapital sa ating pagkakawatak-watak.

Ang pangontra sa salot na Globalisasyon ay makauring kamalayan, makauring pagkakaisa at makauring pakikibaka. Dumadaloy sa ating kamalayan ang diwang makabayan bilang Pilipino. Kailangang gumuguhit rin sa ating kaisipan ang diwang makauri bilang manggagawa. Sa pagkakaroon ng kamalayan sa ating pagiging uri sa lipunan, mabubuo ang tunay na makauring pagkakaisa ng masang manggagawa. Ito ang pundamental na rekisito sa pakikibaka laban sa salot na Globalisasyon.

ANO ANG GLOBALISASYON?

Ang ekonomya raw ng bansa ay di na pwedeng umabante ng separado sa ekonomya ng daigdig. Kabit-kabit na raw ang mga ekonomya ng mga bansa. Tanda ng interkoneksyon at integrasyon ng mga ekonomya ang naganap na krisis sa Asya noong 1997. Nang biglang tamaan ng pinansyal na krisis ang Thailand, nadamay ang maraming bansa, kabilang ang Pilipinas. Daig pa ang malakas na lindol, inuga nito pati ibang sulok ng mundo.

Paano nagkadugtong-dugtong ang mga ekonomya ng mga bansa sa panahong ito ng Globalisasyon?

Una’y ang pandaigdigang kalakalan. Ang ekonomya ng mga bansa ngayon ay lubusang nakasalalay sa pandaigdigang kalakalan – sa pagluluwas ng sariling mga produkto at sa pag-aangkat ng mga produkto ng ibang bansa.

Ikalawa’y ang pandaigdigang pamumuhunan. Para makasabay sa internasyunal na kalakalan, kailangang tumaas ang produktibidad ng isang bansa. Para dito, kailangan ang sustenadong pagpasokng imbestment.

Bago nauso ang “Globalisasyon”, umiiral na ang pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Ano, kung gayon, ang kaibhan ngayon kumpara sa nagdaang mga panahon?

Ginigiba ngayon ang lahat ng restriksyon sa galaw ng kalakal at kapital. Bukas na ang mga ekonomya ng mga bansa para sa “malayang” kalakalan at pamumuhunan. Sa walang restriksyong pagpasok at paglabas ng mga kapital at kalakal. Ito ang tinatawag na “liberalisasyon”. Kung may depinisyong naglalarawan sa Globalisasyon, ito’y ang ganap na liberalisasyon ng mga ekonomya. Ang sukdulang pagbaklas sa mga restriksyon sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan na walang kaparis sa kasaysayan ng kapitalismo.

Ano ang direktang epekto ng liberalisasyong ito?

Ito’y ang pag-igting ng pandaigdigang kompetisyon. Kumpetisyon ito sa pamurahan ng mga kalakal. Kumpetisyon sa pag-akit sa dayuhang pamumuhunan. Para makalaban ang eksport ng isang bansa sa pandaigdigang merkado, kailangang mapamura ang gastos sa produksyon kumpara sa kumpetensya. Para mahigop ang dayuhang imbestment, kailangang mas kaakit-akit ang mga insentiba ng isang bansa sa kanyang mga karibal.

Sa madaling salita, ang Globalisasyon ay hindi nagpupundar ng matiwasay na pandaigdigang komunidad na ang relasyon ng mga bansa ay nakabatay sa pandaigdigang kooperasyon. Kabaligtaran ang nagyayari. Naggigitgitan ang mga bansa sa walang kasintinding kompetisyon. Laslasan ng lalamunan. Walang tigil na nagsusulutan ang bawat isa ng merkado at imbestor. Pabagsakan sa presyo ng mga kalakal. Pagandahan ng insentiba sa imbestor.

PARA KANINO ANG GLOBALISASYON?

Agresibong ikinakampanya ng ating gubyerno ang Globalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas. Kung ito’y iprisinta, para bang ito lang ang nag-iisang daan ng Pilipinas sa pag-unlad. Ang nag-iisang sagot sa kahirapan ng mamamayan.

Pero kapag naiipit sa mga kritisismo laban sa Globalisasyon, ang laging paliwanag ng gubyerno ay di natin ito ginusto pero obligado nating gawin. Ito raw ay isang pandaigdigang pangyayari na labas sa ating control. Para daw mag-survive ang Pilipinas sa panahong ito, kailangang sumabay sa agos ng Globalisasyon. Kung ayaw nating lumubog bilang isang bansa, kailangang lumangoy tayo sa dagat ng Globalisadong mundo.

Sino, kung gayon, ang promoter at arkitekto ng Globalisasyong ito ng mga ekonomya ng mga bansa? Walang iba kundi ang US – ang numero unong kapitalistang bansa sa daigdig – at ang iba pang industriyalisadong mga bansa. At sila rin, o mas eksakto, ang kanilang mga korporasyong transnasyunal, ang principal na tumutubo at tumitiba sa Globalisasyon.

Di kailangan maging eksperto para makita na ang industriyalisadong mga bansang gaya ng Amerika ang principal na nakikinabang sa Globalisasyon. Kaya’t sila rin ang principal na nagtutulak at nanunulsol nito. Isinasalaksak sa lalamunan ng mga bansang gaya ng Pilipinas.

Sa pagbaklas sa mga restriksyon sa kalakalan at pamumuhunan, sila ang principal at ultimong makikinabang. Ang kanilang mga korporasyon ang may sobrang kalakal, sobrang kapital at sobrang produksyon na nangangailangan ng dadapuang mga merkado at ekonomya.

Ang kabuuang bilang ng mga bansa sa daigdig ay 191. Alisin sa bilang na ito ang ekonomya ng 9 na pangunahing bansa sa mundo, lalabas na pagsamahin man ang ekonomya ng natitirang 182 bansa, mas malaki pa rin ang total sales ng 200 pangunahing korporasyon sa daigdig! Mayorya sa top 200 ay mga korporasyong Amerikano at Hapon (117) at mahigit sa kalahati ng total sales ay kanila (67%). Ang headquarters ng 200 korporasyong ito ay nasa siyam lang na bansa pero ang operasyon ay buong mundo.

Mas mayaman pa ang mga korporasyong ito sa karamihan ng mga bansa. Kapag inihanay ang mga bansa at korporasyon sa buong daigdig batay sa laki ng pondo, 51 sa top 100 ay hindi mga bansa kundi mga korporasyon. Ang Philip Morris ay mas malaki pa ang pondo kaysa New Zealand. Ang Wal-Mart ay mas malaki pa kaysa 161 bansa, kabilang ang Israel, Poland at Greece. Ang Mitsubishi ay mas malaki kaysa Indonesia, ang pang-apat na bansa sa dami ng populasyon. Ang General Motors ay mas malaki pa kaysa Denmark. Ang Ford ay mas malaki kaysa South Africa. Ang Toyota ay mas malaki kaysa Norway.

Magdududa pa ba tayo kung para kanino ang Globalisasyon? Kung sino ang artikekto at promoter ng Globalisasyong ito?

Pinatatanggal ng industriyalisadong mga bansa ang mga restriksyon sa malayang pagpasok at paglabas ng kapital at kalakal para sa interes ng 200 kompanyang ito. Bagamat may 53,000 korporasyon ngayon na ang operasyon ay internasyunal sa pamamagitan ng 450,000 na foreign affiliates, ang bulto ng pang-ekonomyang aktibidad sa buong mundo ay dominado ng mga higanteng kompanyang kabilang sa top 200. Pero 200 man o 53,000 o 450,000 – ang realidad ay ang mga korporasyong ito ang nakikinabang sa Globalisasyon. Hindi ang mayorya ng mamamayan ng daigdig. Hindi ang mayorya ng mga manggagawa.

Di maikakaila na inaambunan rin ng “grasya” ang ibang bansa sa pagsigla ng kanilang mga ekonomya bunga ng liberalisasyon. Pero ang mamamayan ba ang ultimong nakikinabang o mas ang uring kapitalista sa mga bansang ito? Katunayan, hindi rin ang buong hanay ng uring kapitalista. Isang seksyon lang nito ang totoong nakikinabang. Ang marami ay nababangkrap dahil sa tindi ng kompetisyon. Kahit sa mga bansang industriyalisado, hindi rin ang kanilang mga mamamayan at manggagawa ang tunay na nakikinabang kundi ang uring kapitalista ng kanilang mga bansa, laluna ang mga korporasyong multinasyunal.

Ang pinakasimpleng panukat ng pagsigla ng ekonomya ay ang tinatawag na GDP. Ipinagmayabang ni Ramos na sa kanyang termino, lumaki ng 5% ang GDP, patunay ng matipunong pag-unlad ng ekonomya sa tulak ng globalisasyon. Sumigla nga ang negosyopero umunlad ba ang kabuhayan ng masa? Mula 1994 hanggang 1997, ang parte sa pambansang yaman na nakuha ng pinakamayamang 10% ay lumaki ng 4.2%. Samantalang kumonti ang napunta sa lahat ng iba pang Pilipino – mula sa panggitnag uri hanggang sa masang maralita. Mula 1988 hanggang 1997, positibo ang netong paglaki ng GDP. Pero ang parte sa pambansang yaman ng pinakamahirap na 30% ng populasyon ay lumiit mula 9.3% noong 1988 tungong 7.8% noong 1997. Ang bahagi naman ng pinakamayamang 10% ng mga Pilipino ay lumaki mula 35.8% tungong 39.7%. Ibig sabihin, sa kabila ng pagsigla ng ekonomya – o mismong bunga nito – lalo lang yumaman ang mayayaman at naghirap ang mahihirap! Hindi porke’t gumanda ang negosyo ay gumaganda ang buhay ng masa. Katunayan lalo lang lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa at sa buong daigdig makikita ang pag-unlad ng ekonomya kasabay ng ibayong pagdarahop ng nakararami at pagyaman ng iilan. Ang GDP ng buong mundo ay lumaki ng siyam na beses nitong huling 50 taon. Kung pantay-pantay na paghahatian ito, dapat ay lumaki ang kinikita ng bawat tao ng tatlongulit. Subalit dahil hindi pantay ang hatian ng yaman, hanggang ngayon 1.3 bilyon ang nagdidildil sa kitang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kasingdami rin ang walang mainom na malinis na tubig. Humigit-kumulang naman 840 milyon ang malnourished. Isa sa bawat pitong bata ang wala sa paaralan. Samantala ang pag-aari ng pinakamayamang 200 tao ay lumobo mula $400 bilyon tungong $1 trilyon sa loob lamang ng apat na taon mula 1994 hanggang 1998!

Ang agwat sa pagitan ng 20% pinakamayayamang bansa at 20% pimakamahihirap na mga bayan ay lumawak mula 30:1 noong 1960 tungong 60:1 nitong 1990 at 74:1 sa 1995. Kahit sa maunlad na mga bansa, ang pinakamayamang 20% ng populasyon ang nakikinabang sa 82% ng sumisiglang kalakalan at 68% ng sumisigabong pamumuhunan. Samantala ang pinakamahirap na 20% ay naghahati sa 1% ng benepisyong dulot ng liberalisasyon.

ANG GLOBALISASYON AY ANTI-MANGGAGAWA

Kadalasan, ang ordinaryong manggagawa ay walang pakialam kung magpayaman nang magpayaman ang mga kapitalista. Pabor pa nga na umasenso ang kompanya sa pag-asang may balatong umento at benepisyo.

Samakatwid, hindi tututol ang ordinaryong mga manggagawa sa Globalisasyon kung ang ibig lang sabihin nito ay ang ibayong paglago ng kayamanan ng uring kapitalista. Pero ibang bagay kungang kapalit ay ang interes ng mga manggagawa. Kung para lang umandar ang negosyo ay isasakripisyo ang mga manggagawa. Kung para lang ipundar ang Globalisadong ekonomya ay aapakan ang ulo ng manggagawa. Yuyurakan ang kakapiranggot na nga nating mga karapatan sa ilalim ng kapitalistang sistema.

Pero ganito ang Globalisasyon. Ito’y purong-purong anti-manggagawa. Ito’y ipinatutupad nang walang bahagyang konsiderasyon sa kapakanan ng manggagawa. Mas masahol, ang tahasang isinasakripisyo sa pagpapatupad nito ay ang kapakanan ng ating uri.

Unahin natin ang unang punto: Isinasaalang-alang ba ang kapakanan ng manggagawa sa Globalisasyon ng ekonomya?

Dahil ang ating lipunan ay isang kapitalistang sistema, natural, ang laging principal na konsiderasyon ay ang interes ng uring kapitalista. Pero kasali ba tayo sa konsiderasyon sa pang-ekonomyang mga desisyon ng kapitalistang estado na gaya ng Globalisasyon? Dapat sana’y kasali tayo dahil “myembro” rin tayo nglipunang kapitalista. Hindi ba’t may dalawang haligi ang kapitalistang sistema – ang kapital at paggawa? Ang sabi, “partner” daw ang uring kapitalista at uring manggagawa sa pagpapaunlad ng industriya, sa pagpapaandar ng ekonomya. Pero anong klaseng “partnership” ito na hindi na nga tayo kasali sa pagdedesisyon sa tatakbuhin ng ekonomya, hindi pa kinukunsulta? Kailan kinunsulta ng estado ang uring manggagawa kung anong tingin natin sa Globalisasyon, kung payag ba tayo sa Globalisasyon ng ating pambansang ekonomya? Ni hindi nga ipinaliliwanag sa atin ang buong katotohanan sa Globalisasyong ito.

Hindi tayo kinukunsidera ni kinukunsulta dahil ang totoo’y hindi tayo tinatratong kapantay na myembro ng lipunan. Ang turing sa atin ay “segunda klaseng” mamamayan. Ang kailangan lang sa atin ng gubyerno ay ang ating boto at buwis. At ang ating lakas-paggawa, ang ating kapasidad na magtrabaho. Ang trato sa atin ay simpleng mga trabahador. Mga ignoranteng hampas-lupa at patay-gutom na madaling pakainin ng bola at blakmeyl.

Panahon nang komprontahin ang ganitong realidad. Manggagawa ang mayorya ng lipunan. Pero mayroon ba tayong boses sa sinasabing “demokratikong” pamahalaan? Pero hindi lang tayo ang mayorya. Ang ating lakas-paggawa ang bumubuhay sa bansa. Ang nagpapaandar ng ekonomya. Ang lumilikha ngyaman ng lipunan. Paano mabubuhay ang lipunan kung wala ang ating lakas-paggawa? Narito ang masaklap na katotohanan. Ang importansya ng manggagawa sa pananaw ng kapitalistang estado, kapitalistang sistema at kapitalistang uri ay katumbas lang ng halaga ng ating sahod. Kung gaano kaliit ang ating sahod ay ganoon rin kaliit ang pagtingin sa ating mga manggagawa. Kakarampot ang ating sahod dahil ganito rin kalinggit ang pagtingin sa atin bilang mga manggagawa.

Hindi ba’t ito ang pinakamaliwanag na sukatan ng pagtingin sa atin ng kapitalismo – ang halaga ng sahod na ating tinatanggap? Bakit ikinukunsidera, bakit pakikinggan ang opinyon ng isang tao na nabibili sa miserableng halaga ng minimum wage?

Ang totoo’y ni hindi tayo itinatratong “segunda klaseng” tao ng kapitalismo. Ang totoong turing sa atin ay ordinaryong mga “kalakal” na nabibili ng por ora kaparis ng por kilong karne sa tindahan. Hindi ba’t ito ang doktrina ng Globalisasyon na iginigiit ng sector ng kapital: Ang hayaan daw ang merkado, hindi ang estado ang magtatakda ng presyo ng paggawa. Ibig sabihin, iparis tayo sa ordinaryong mga kalakal na “supply at demand” ang nagtatakda ng presyo. Kung simpleng mga kalakal ang pagtingin at pagtrato sa ating mga manggagawa, huwag tayong magtaka, kung gayon, kung bakit hindi tayo kinukunsulta, hindi tayo kasali sa pagdedesisyon.

Ang masakit na katotohanang ito ng pagiging ordinaryong kalakal ng manggagawa sa kapitalistang lipunan ang esensya ng ikalawang punto. Hindi lang tayo hindi kinukunsidera kundi tayo’y isinasakripisyo sa altar ng Globalisasyon.

Ang kapitalismo ay para sa kapitalista. Ang Globalisasyon ay para sa kapitalismo. Sa ilalim ng sistemang ito, tayong mga manggagawa ay itinuturing na simpleng sangkap sa produksyon na binibili ng may-ari ng kapital kaparis ng makinarya, materyales at planta. Kinakapitalan ng kapitalista ang pagtatayo ng planta at pamimili ng makinarya at materyales hindi para magkaroon tayong mga manggagawa ng trabaho. Ang mga kapitalista ay hindi mga pilantropo kundi mga negosyante. Sila’y nangangapital para magnegosyo at sila’y nagnenegosyo para tumubo. Ang motibasyon sa tubo ang pinakamotor ng Globalisasyon.

Sa ilalim ng Globalisasyon, lalong pinapait ang katotohanang ito. Inilantad ang pinakamasahol na mukha ng kapitalismo. Binuyangyang ang sukdulang kalupitan ng sistemang ito. Sa tindi ng kumpetisyon na sinigaan ng Globalisasyon, ang laging ultimong agrabyado, kinakastigo at isinasakripisyo ay ang uring manggagawa. Ang mga negosyanteng hindi makasabay sa kumpetisyon ay nagbabawas ng empleyado kundi man tuluyang nagsasara ng kompanya. Wala silang pakialam kung mawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Magutom ang mga pamilya. Ang mga negosyante naman na disididong sumabay sa kumpetisyon ay nagpapalago ng kapital para sa modernisasyon ng produksyon. Bumibili ng bagong mga makinarya. Wala silang pakialam kung gaano karaming manggagawa ang obligadong i-retrench sa aplikasyon ng bagong makinarya. At dahil ang kanilang mga karibal ay sumasabay rin sa modernisasyon, parehas na makinarya’t materyales ang ginagamit, ang ultimong magiging mapagpasya sa kompetisyon ay kung sino ang makakabili ng mas murang halaga ng lakas-paggawa. Ang makakapiga ng mas malaking tubo sa mas murang paggawa. Ito ang batayan kung bakit nagiging epidemya ang ontractualization, ang union busting, ang pambabarat sa sahod at benepisyo. Katunayan, mas maraming kompanya ang di makasabay sa modernisasyon ng produksyon. Lumalaban lang sila sa kompetisyon sa pamamagitan ng murang paggawa at sagarang pagpiga sa manggagawa.

Walang ibang pupuntahan ang Globalisasyong ito kundi dilubyo para sa uring manggagawa at internasyunal na kompetisyon sa pamurahan ng paggawa na tutungo’t tutungo sa direktang anihilasyon ng unyonismo. Hindi pwedeng magtatabla ang nagaganap na mga kompetisyon. May mananalo at may matatalo. At siguradong paparami nang paparami ang matatalo. Papalaki ng papalaki ang iilang mananalo. At sino talaga ang talo sa kompetisyong ito ng mga kapitalista? Walang iba kundi ang mga manggagawa. Sa bawat kapitalistang humina o magsara ng negosyo, ilan ang manggagawang apektado? Ang kapitalista ay mawawalan o magpapalit lang ng negosyo. Pero ang manggagawa ay gutom ang pamilya. Mawawalan ng trabaho. Walang kasiguruhan kung makakatagpo ng trabaho. Walang kasiguruhan sa matatagpuang trabaho.

Habang lumalago ang kayamanan ng iilang kapitalistang nakalalamang sa kompetisyon, lumalago naman ang hanay ng mga manggagawang walang trabaho o walang sapat na trabaho. Resulta ito ng dumaraming kapitalistang di makasabay sa kompetisyon. Pero dahil hindi titigil ang kompetisyon sa pagitan mismo ng mga dominante at higante sa bawat industriya, wala rin tigil ang kompetisyon sa pamurahan sa presyo ng paggawa at sa modernisasyon ng produksyon na ang ultimong isasakripisyo ay ang mga manggagawa. At dahil ang kompetisyon ay hindi na lang sa loob ng bansa kundi sa pagitan ng mga bansa, at dahil umaagos ang imported na mga kalakal na mas mura kaysa lokal na mga produkto, walang tigil na maglalagablab ang kompetisyong ito. Ang impyernong ito ng Globalisasyon.

Ang agos ng puhunan sa ilalim ng Globalisasyon ay humanap ng murang paggawa. Kaya’t mismo ang mga manggagawa sa industriyalisadong mga bansa na mataas ang istandard sa pasahod ay nag-aalsa dahil ang kapital ay umaagos palabas ng kanilang mga bansa patungo sa mga bansang mura ang lakas-paggawa. Pero nag-aalsa rin ang mga manggagawa sa di industriyalisadong mga bansa dahil ginagawang patakaran ng kanilang mga gubyerno ang ibaratilyo ang lakas-paggawa para maengganyo ang dayuhang puhunan. Ang pinagkukumpetensya ng mga gubyerno sa ilalim ng Globalisasyon, sa ultimong pagsusuri, ay ang mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa pamurahan ng paggawa habang humahalakhak ang mga korporasyong multinasyunal na may pakana ng Globalisasyong ito.

PROTEKSYON O REBOLUSYON?

Sa bawat araw ng pag-inog ng daigdig, walang tigil ring umiinog, pabilis ng pabilis, angGlobalisasyon ng mga ekonomya ng mga bansa, pabilis ng pabilis ang paggiling sa masang paggawa. Sa unang mga taon ng Globalisasyon, halos hindi pinapansin ang nagaganap na mga pangyayari. Hindi gaanong naaalarma ang mga unyon kung saan ito patungo. Hindi maitsurahan ang dilubyong ihahatid nito sa hanay ng paggawa. Pero sa nakalipas na ilang taon – nang magkahugis na ang halimaw ng Globalisasyon, kumagat na ang pangil at parang epidemyang kumalat ang kamandag sa katawan ng uring manggagawa – nagsimula nang maligalig ang paggawa sa halos lahat ng bansa.

Ang sumiklab na “Battle in Seattle” na dumiskaril sa kumperensya ng World Trade Organization (WTO) ay senyales na tumitindig na, kahit ang konserbatibong mga unyon sa Amerika, laban sa Globalisasyon. Itinatayo na ang mga barikada ng pakikibaka laban sa pandaigdigang salot na ito.

Sa ngayon, ang umaalingawngaw na sigaw ng mga manggagawa sa buong daigdig ay “Proteksyon!” laban sa epekto at perwisyo ng Globalisasyon sa masang anakpawis. Pero sa likod ng kahilingang ito ay ang babala ng “Rebolusyon!”, ng rebelyon ng uring manggagawa sa buong daigdig laban sa Globalisadong sistema ng kapitalismo.

Tutol ang uring manggagawa sa Globalisasyon sapagkat ito’y purong-purong para sa uring kapitalista at purong-purong anti-manggagawa. Pero kung hindi magpapaawat ang mga kapitalistang estado sa direksyong ito, obligasyon nitong protektahan ang uring manggagawa. Kung hindi, maoobliga ang masang manggagawa na maghimagsik at mag-alsa para ibagsak ang sistemang ito. Isang sistema na walang ibang iniintindi at inaaruga kundi ang interes ng kapital.

Hinahamon ng islogang “Proteksyon o Rebolusyon!” ang buong sistema ng kapitalismo. Kung may bahagyang katotohanan ang ipinagmamalaki ng kapitalismo na ito ang ultimong sistema ng lipunang may pantay na karapatan ang bawat myembro, isang sistemang mas superyor kaysa alinmang sistema ng lipunang sumibol sa kasaysayan, patunayan ito ng kapitalistang estado: Protektahan nito ang uring manggagawa sa salot na Globalisasyon! Pero kung imbes na protektahan ay babaklasin pa ang umiiral na mga proteksyon, isasakripisyo ang manggagawa sa altar ng Globalisasyon, ibig sabihin, ang kapitalismo, ang sistemang ito, ay dapat nang ihatid sa kanyang huling hantungan, sa basurahan ng kasaysayan. Palitan ng bago na mas nakatutugon sa kapakanan ng mayorya ng populasyon.

Nang sumisibol pa lang ang kapitalismo sa daigdig – mga apat na daang taon na ang nakararaan – sukdulan ang pang-aapi at pagsasamantala sa unang mga henerasyon ng uring manggagawa. Grabe ang haban ng araw ng paggawa. Umaabot ng 16 na oras. Kulang na kulang ang pasahod. Obligadong pami-pamilya ang nagtatrabaho. Pati mga batang edad pitong taong gulang. Hanggang sa bago mag-1900, halos walang mga batas paggawang pumuprotekta sa manggagawa. Walang mga istandard sa paggawa, walang mga benepisyo. Iligal ang mag-unyon, iligal ang magwelga.

Dahil sa sukdulang kahirapan at kaapihan, lumaganap ang mga rebelyon ng mga manggagawa sa huling dekada ng 1800 at unang dekada ng 1900. Sumabog ang general strikes. Lumawak ng lumawak ang organisadong paglaban at paghihimagsik ng mga manggagawa. Hanggagang sa maobliga ang mga kapitalistang estado na aprubahan ang mga batas na pumuprotekta sa paggawa.

Mula sa 16 na oras, pinaiksi ang araw ng paggawa sa 14, 12, 10 hanggang sa maging 8 oras. Ang pakikibakang ito para sa 8-oras na araw paggawa ay naging sentral na islogan ng mga kilusang manggagawa pagpasok ng 1900 sa halos lahat ng bansa. Isa-isang ring naipanalo, matapos ang mahabang sakripisyo ang karapatang mag-unyon at magwelga at ang iba pang mga karapatan at benepisyo na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon ng uring manggagawa.

Bakit natin isinasalaysay ang kasaysayang ito?

Una, para pahalagahan natin ang bawat piraso ng karapatan na tinatamasa natin sa kasalukuyan. Lahat ng ito ay pinaghirapang ipagtagumpay ng unang henerasyon ng uring manggagawa. Pinagbuwisan ng libu-libong buhay ng kilusang manggagawa sa buong daigdig. Huwag akalain ng kasalukuyang mga lider manggagawa na ang mga karapatang ito ay kusang-loob na ibinibigay ng mga kapitalistang estado. Lahat ng ito’y ipinagwagi ng manggagawa sa buong daigdig sa paraan ng matindi pakikibaka.

Ikalawa. Ipakita na para lang ipagwagi ang simpleng kahilingang 8-oras na araw paggawa, para ipagwagi ang simpleng legal na mga karapatang mag-unyon at magwelga, umabot pa sa antas ng mga rebelyon at insureksyon ang unang mga henerasyon ng manggagawa. Ibig sabihin, noon at hanggang ngayon,ganito kakunat, karamot at kalupit ang uring kapitalista at kapitalistang estado sa pagkakaloob sa uring manggagawa ngganito kasimpleng mga karapatan at benepisyo. Palibhasa’y namumuhay na parang mga hari sa ibabaw ng lipunan, ang trato nila sa uring manggagawa ay kaparis ng mga alipin at alila ng sinaunang panahon.

Ngayon – sa panahong ito ng Globalisasyon – ay parang bumabalik tayo sa yugtong dinaanan ng unang mga henerasyon ng manggagawa, sa yugto ng istorikal na pakikibaka para sa proteksyon ng ating makauring interes. Ang kaibhan, tayo ngayon ay makikibaka sa panahong nasa rurok na ng pag-unlad ang kapitalismo samantalang ang ating mga ninuno ay nakibaka sa panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo.

Ipnapakita lang nito kung anong klaseng sistema ang kapitalismo. Matapos ang ilang daang taon, kahit nasa rurok na ng pag-unlad ang kapitalismo, ang kanyang hamak na mga manggagawa ay nasa yugto pa rin ng pakikibaka para sa kanyang simpleng mga karapatan at kabuhayan. Walang kaparis ang inabante ng kapasidad ng kapitalismo na lumikha ng yaman. Ang isang taong produksyon sa kasalukuyang panahon ay katumbas ng libu-libong taon ng produksyon ng sinaunang mga lipunan. Bawat dekada ng produksyon mula 1950s ay katumbas ng ilang milyong taong produksyon ng sangkatauhan sa naunang mga panahon. Pero hanggang ngayon, ang malawak na mayorya ng mga manggagawa sa buong daigdig, kabilang ang mga manggagawa sa Amerika at mga industriyalisadong bansa, ay nakikibaka pa rin para sa simpleng karapatan sa “living wage” – ang sweldong sapat na makabubuhay ng pamilya.

Matapos ang ilandaang taon ng akumulasyon ng kayamanan ng uring kapitalista – kayamanang walang kaparis sa kasaysayan kahit sa panahon ng mga hari at emperor, kayamanang nanggaling sa pawis ng uring manggagawa – imbes na ang uring manggagawa naman ang magtamasa sa biyaya ng pagsulong ng industriya at teknolohiya, ang uring manggagawa na naman at ang uring manggagawa pa rin, ang unang pinagsasakripisyo. Pinakahuling nakakatikim sa gapatak na grasya ng modernong pag-unlad.

Panahon nang harapin at hamunin ng uring manggagawa ang kapitalistang sistema. Kung tayo’y itinuturing na “myembro” ng kapitalistang lipunan, kung may katuturan ang mga pretension nito sa pagiging sibilisado, disente at demokratiko, obligasyon ng kapitalistang estado na hindi lang protektahan at pangalagaan ang ating kapakanan. Isakripisyo na ang lahat sa altar ng Globalisasyon huwag lang ang kapakanan ng manggagawa. Kung hindi makakaisip ang kapitalistang estado ng paraan kung paano isasagawa ang Globalisasyon nang hindi isinasakripisyo at pineperwisyo ang manggagawa, ibig sabihin, walang kwenta ang sistemang ito na ang pag-andar at pag-unlad ay kalbaryo’t kastigo sa uring manggagawa. Hindi lang bangkarote kundi immoral ang isang sistemang ang isinasakripisyo sa pagnenegosyo at kompetisyon ng mga kapitalista ay ang kabuhayan at karapatan ng ordinaryong mga manggagawa. Kung ang isasagot sa atin ng gubyerno ay wala itong magagawa, talagang ganito ang kapitalismo, talagang ganito ang kalikasan ng negosyo, samakatwid, walang ibang alternatiba ang uring manggagawa kundi ibagsak ang sistemang ito.

Globalisasyon at CBA ng Uri - ni Ka Popoy Lagman

Globalisasyon at CBA ng Uri
ni Ka Popoy Lagman

NAGWAWALA sa daigdig ang Apat na Kabalyero ng Apokalipso: Gutom, Salot, Digma at Kamatayan. Nag-iwan ng bakas sa bawat sulok ng mundo.

a. Gutom. Isa sa bawat tao sa mundo (1.3 bilyon sa 6.5 bilyon) ang lugmok sa ganap na karukhaan.

b. Salot. Laganap ang epidemya ng mga dati at bagong sakit na walang lunas – kolera, tuberculosis, yellow fever, AIDS.

c. Digmaan. Apatnapu’t apat na milyong tao ang war refugees ng sumisiklab na digmaan sa iba’t ibang bayan. Sa huling 10 taon, lumipol ito ng 2 milyong bata, nanlumpo ng 5 milyon, at nang-ulila ng 1 milyon pa.

d. Kamatayan. Araw-araw, 40,000 bata ang namamatay dahil sa gutom.

Ito ang naaagnas na mukha ng higit isang siglong pag-iral ng Kapitalismo sa mundo. At ang pagkaagnas na ito ay nagbabantang magpatuloy pa sa susunod na millennium.

Sa daigdig ngayon, lumitaw ang makabagong mga propeta na nagbabandong ang ebanghelyo raw ay matatagpuan sa tinatawag na “globalisasyon”. “Globalisasyon” raw ang lunas sa mga problema ng mundo.

“Globalisasyon” ng ano?

Tambol ng mga propeta, globalisasyon ng komersyo at industriya. Economic growth para sa maraming bayan. Magpapalaki ng employment. Magpapamura ng presyo ng mga bilihin. Sa kooperasyon raw ng maraming bayan, aangat ang lahat sa ganap na modernisasyon.

Pero tandaang ang mga propeta ng globalisasyon ay sila ring mga kapitan ng industriya at mga pinuno ng kapitalistang bayan. Mga kapitan ng transnational corporations (TNCs) na ang puhunan ay naglalayag sa buong mundo. Mga pinuno ng imperyalistang bayan, pangunahin ng United States na tangan ang halos kalahati ng kalakalan sa mundo.

Nagtipon-tipon sila sa mga ahensyang gaya ng General Agreement on Tariff and Trade (GATT), World Trade Organization (WTO), at Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Itinayo ang mga ito bilang punong-himpilan na nagtutrumpeta ng globalisasyon.

Pero ang globalisasyong sinasabi nila ay maliwanag na globalisasyon lamang ng kanilang operasyon. Globalisasyon ng pagkamal ng tubo, ng pagsasamantala sa mga manggagawa ng lahat ng bayan. Ang globalisasyon ng kapitalismo.

Ang mga propeta ng globalisasyon ay nagkakaisa ngayon – hindi para wakasan ang laganap na kagutuman, hindi para puksain ang mga salot, hindi para itigil ang digmaan, at hindi para iligtas sa kamatayan ang maraming kabataan.

Ang mga propetang ito ay tagapagsulong ng dati nang misyon ng kapitalismo: ibayong tubo para sa ibayong paglago ng kapital. Ito ang dahilan kung bakit kailangang isulong nila ang “globalisasyon” ngayon.

Hindi dahil sa batid nilang umaabot na sa sukdulan ang krisis ng mahihirap sa mundo. Ang dahilan nito’y sila na mismo ang tinatamaan ng krisis ng kapitalismo.

Una, tumutumal ang tantos ng tubo (rate of profit) kahit ng pinakamalaking kapitalista simula 1970s. Limpak-limpak na tubo pa rin ito, pero ang porsyento ng kanilang tubo ay lumiliit na kumpara sa “Golden Years” ng Kapitalismo noong 1950s at 1960s.

Hinihila pababa ang porsyento ng tubo ng mga kapitalista habang lumalaki ang gastos sa teknolohiya at nagpapantay ang antas ng teknolohiya ng mga dambuhalang TNCs sa daigdig.

Ikalawa, dahil inabot na ng mga dambuhalang korporasyon ang ganap na paglaki sa kani-kanilang bayan, kailangang sumakop na ito ng iba pang palengke o teritoryo sa pagpapalawak ng kapital. Kung hindi, mabuburo ang kanilang kapital na lalo pang magpapahina ng sikad ng kapitalismo.

Katunayan, higit isang trilyon ng dolyares ang umiikot ngayon sa financial market at hindi nagagamit sa pagpapalago pa ng industriya. Kung malulutas ang pagtaas ng tantos ng tubo, tiyak na isasalang ito sa panibagong ekspansyon ng industriya.

Ikatlo, para makapagpalawak, kailangang lansagin ang itinayong mga restriksyon ng iba’t ibang grupo ng kapitalista sa kani-kanilang bayan. Sa maraming bansa, hindi basta-bastang makapasok ang dayong kapital o kung makapasok man, hindi ito makalaban “nang patas” sa kompetisyon ng lokal na puhunan.

Katunayan, may tatlong sentro ng malalaking kapital sa daigdig na matagal nang nambabakod sa isa’t isa. Kinakatawan ng grupo ng mga kapitalista sa United States (nakatipon sa NAFTA), grupo ng kapitalista sa Europe (nasa ilalim ng Euopean Community), at mga kapitalista ng Japan (may birtwal na dominasyon sa maraming bansa sa Asya). Ito ang dahilan sa islogan ng globalisasyon nag awing “patas ang labanan”, at isulong ang “free market” at “borderless economy”.

Ikaapat, kung noong araw nilulutas ang kanilang kompetisyon sa pamamagitan ng digmaan, hindi na maaaring ilunsad ang total war ng mga imperyalista para isagawa ang ekspansyon ng kani-kanilang kapital. May panganib na tumungo ito sa isang gyera nukleyar na magiging katapusan na ng mundo.

Ito ang dahilan kung bakit ang globalisasyon ay hindi totoong nakapundar sa kooperasyon ng mga kapitalistang bayan. Globalisasyon pa rin ito ng kapitalistang kompetisyon. Kung mayroon mang “kooperasyon”, ito ay idinaan sa pamimilipit ng kamay, sa pamamagitan ng economic at political pressures ng pinakamalalaking TNCs at imperyalistang bayan.

Ang lahat ng mga nabanggit ang magkakaugnay na mga dahilan kung bakit “globalisasyon” ang idinidiin ng malalaking kapitalista ngayon. Katunayan, rekolonisasyon ito ng daigdig sa ilalim ng dominasyon ng mga dambuhalang TNCs at ng numero unong imperyalistang bansa sa daigdig, ang United States.

Pagpapalaki ng tubo at ekspansyon ng malalaking kapitalista ang pangunahing layunin ng globalisasyon ngayon.

Pero kung pagpapalaki ng tubo ang pag-uusapan, hindi lamang ito makukuha sa pamamagitan ng “rekolonisasyon”, laluna kung ang pamamaraan nito ay mas pambabrasong pang-ekonomya kaysa isang gyera.

Dahil magkakapantay halos ang antas ng tknolohiya ng magkakalabang TNCs, lumiliit ang porsyento ng tubo na hinahamig ng bawat isa. Lumiliit ang tantos ng tubo ng lahat ng kapitalista. Batas ito ng pag-inog ng kapital na hindi maiiwasan ng mga kapitalista.

Pero isa pa ring dahilan sa pagliit ng rate of profit ang paglaki ng sahod at benepisyo na naipagwagi ng mga manggagawa sa abanteng kapitalistang bayan. At sa pananaw ng mga kapitalista, bagay ito na maaari pang bawiin, kaya’t siyang pinagdidiskitahan nila ngayon. Pansinin:

a. Sa US, bumaba ng $100 bawat buwan ang tunay na halaga ng sahod (real wages) ng manggagawang Amerikano kumpara noong 1977.

b. Sa Latin Amerika, bumagsak ang sahod sa industriya ng 5% at 20% naman sa agrikultura.

c. Sa Turkey, bumagsak ang real wage ng 50% mula 1977 hanggang 1987.

d. Sa Eastern Europe, dumausdos ang sweldo ng halos 50% sa Bulgaria, 26% sa Czechoslovakia, at 20% sa Romania sa loob lamang ng dalawang taon mula 1990.

e. Sa Rusya, ang real wage noong 1992 ay katumbas na lang ng 40% noong 1991.

f. Sa Pilipinas, ang kasalukuyang minimum wage sa NCR ay katumbas lamang ng P73 noong 1988.

Maliwanag na ang isa pang layunin ng globalisasyon ay paliitin ang halaga ng sahod ng mga manggagawa sa daigdig.

Paano naman magagawang ibagsak ang halaga ng sahod ng mga manggagawa?

Maraming paraan para gawin ito. Sa ilalim ng globalisasyon, mas nauso ang mga pamamaraang ikinumpol sa tinatawag na “flexibilization of labor”. Ang simpleng kahulugan nito ay matipid na paggamit ng manggagawa – ang paggamit kung kailan lamang sila kailangan sa takbo ng produksyon.

Sa ngalan ng flexibilization, ipinatupad ang “casualization” at “contractualization” ng paggawa. Pinamura o ipinako nito ang sweldo ng maraming manggagawa. Laganap din ang sistema ng “subcontracting” sa maraming industriya. Ipinasa naman nito ang overhead cost ng isang pabrika sa maraming kapitalista, at pinanatiling mababa ang sweldo sa buong industriya.

Nagagawa ito dahil na rin sa makabagong teknik sa produksyon at paggamit ng bagong teknolohiya, laluna sa komukikasyon, transportasyon at micro-electronics. Hindi na kailangang manatili sa loob ng pabrika o sa buong panahon ng produksyon ang lahat ng manggagawa. Madali nang naitatayo ngayon ang mga korporasyon sa subcontracting na ang produksyon ay batay sa order ng mga core corporations.

Sa sandaling gamitin ang bagong teknik sa isang pabrika, sumisirit ito na parang apoy sa buong industriya. Inoobliga nito ang lahat ng kapitalista na gamitin rin ito para manatili sa kompetisyon.

Halimbawa, naunang “magpauso” ng “contractualization” ng salesforce ang SM. Sa isang iglap ay naging kalakaran ito sa lahat ng department stores. At dahil uso na sa ibang bansa ang “subcontracting” sa garments industry, obligado ang mga kompanya ng damit sa Pilipinas na pairalin ito.

Ang natitirang proteksyon ng mga manggagawa laban sa pagpapabagsak ng kanilang kabuhayan ay ang mga unyon. Pero dahil alam ito ng mga kapitalista, natural na adyenda nila ang paglumpo sa unyonismo.

Ang globalisasyon ay union-busting sa pandaigdigang saklaw.

Kaya bago pa gawing islogan ang “globalisasyon”, matagal nang sumambulat ang epidemya ng union-busting sa maraming panig ng mundo. Nagaganap ito sa marami paraan.

Sa mismong balwarte ng kapitalismo, tinawag ng AFL-CIO – ang sentrong unyon sa United States – na “virtual holocaust” ang globalisasyon para sa mga unyon. Itinulad ito sa paglipol ni Hitler sa mga Hudyo noong Second World War. Kanilang patunay:

a. Sa pagitan ng 1978 at 1991, ang Steelworkers ay nalagasan ng 827,000 na miyembro. Ang United Auto Workers ay 659,000. Ang teamsters ay kalahating milyon. Ang mga unyon sa konstruksyon ay higit isang milyon.

b. Noong 1993, ang bilang ng mga kasapi ng AFL-CIO ay sindami na lamang nang ito’y magsimula noong 1955.

Ang pagkalagas ng mga unyon sa Amerika ay bunga ng kombinasyon ng globalisasyon, ng kamay na bakal ng gobyerno (gaya ng pagbuwag ni Reagan sa air controllers union noong ito’y nagwelga), at ng kainutilan ng AFL-CIO.

Dito sa atin, kahit iniuulat ng DOLE na lumalaki ang mga rehistradong unyon (7,274 na noong 1994 mula 1,804 noong 1984) at dumarami ang mga unyonisado (3.5 milyon mula 1.9 milyon) – ang mapait na katotohanan ay ito:

c. Sa 7,274 unions, ang may CBA ay 4,497 na may kabuuang myembrong 532,185. Kulang-kulang sa tatlong milyong manggagawa na “unyonisado” ang walang benepisyon ng CBA!

d. Taun-taon, papaliit nang papaliit ang bilang ng manggagawang sinasaklaw ng CBA. Noong 1990, ang bilang ng bagong narehistrong CBA ay 2,431 na sumasaklaw sa 230,025 manggagawa. Noong 1994, numipis ito hanggang 762 CBA na ang saklaw na manggagawa ay 56,942 lamang! Pinakamaliit ito mula 1974.

Kaya hindi lang indibidwal na mga kapitalista ang kumikilos para pahinain ang mga unyon. Determinado ang buong uring kapitalista, at ang mga kapitalistang gobyerno sa iba’t ibang bayan, na lumpuhin ang unyonismo.

e. Sa Australia, sinimulan ito sa tinatawag na “enterprise bargaining”. Ibinalik ang CBA negotiations sa mga lokal na kompanya sa halip na sa antas ng industriya na dati-rating nakapagtatakda ng mataas na pasahod sa industriya. Ngauon naman ay inilulusot ng Parliament ang “individual bargaining” ng mga manggagawa sa kanilang kapitalista.

Para sa mga kapitalista, hindi maaaring sabay na umiral ang unyon at kapital. Pinaliliit ng unyon ang paglago ng kapital. Sa pagwasak ng unyon, maaari nang baratin ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Mahihila na ito sa presyong latumbas ng pinakapayak na pangangailangan ng manggagawa para mabuhay at bumalik sa trabaho kinabukasan.

Ang hubad na anyo ng globalisasyon ay tunggalian ng Paggawa at Kapital

Ang kahihinatnan ng globalisasyon ay nakabatay sa magiging resulta ng tunggalian ng uring manggagawa at uring kapitalista.

Kung hindi kikibo ang mga manggagawa, magpapatuloy ang atake ng mga kapitalista para tuluy-tuloy na ibagsak ang kanilang kabuhayan. Ang tuon ng atake ay ang kanilang unyon dahil, sa isang banda, bawat unyon ay balakid sa pagsusulong ng globalisasyon at banta sa pang-aalipin ng kapital. Bawat bigwas nito ay sampal rin sa kapangyarihan ng kapital.

Dapat mabatid ng mga manggagawa na ang kaharap nila ay hindi lang ang indibidwal nilang mga kapitalista. Ang kaharap nila ay ang buong lakas ng buong uring kapitalista, kabilang ang kapitalistang gobyerno at mga ahensya nila. Kaya’t ang paglaban nila ay hindi maaaring hiwa-hiwalay.

Sa kadulu-duluhan, ang magpapasya ng kanilang hinaharap ay ang pagkilos ng buong uri laban sa pagsasamantala ng uring kapitalista. Ang pagkilos para tuluyang puksain ang pinag-uugatan ng kanilang kahirapan – ang sistema ng pagsasamantala sa pabrika. Ang sistema ng sahurang pang-aalipin.

Sa ilalim ng globalisasyon, hindi malayong pumutok ang global na paglaban ng pandaigdigang uring manggagawa

Kung aalalahanin natin ang mga makasaysayang tagumpay ng kilusang manggagawa, naganap ito sa pagsiklab ng pandaigdigang paglaban. Nagsimula ito sa paglaganap ng mga welga’t protesta sa hiwa-hiwalay na mga bayan. Tumungo ito sa sabay-sabay na pagkilos ng mga manggagawa sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Ganito nakamit ang 8-oras na trabaho, karapatang mag-unyon at magwelga, karapatang bumoto, at “social wage” o mga benepisyo ng mga manggagawa sa lahat ng bayan. Ganito rin ang hinihinging pagkilos para mapigil ang panghahalihaw ng globalisasyon sa mundo.

Ipinasisilip na ito sa pagbangon ng kilusang unyon sa maraming panig ng mundo. Kahit ang mga konserbatibong seksyon ng kilusang manggagawa ay naoobligang gumalaw sa tindi ng opensiba ng kapital:

a. Kahit sa US ay muling bumabangon ang mga unyon. Noong 1993, naampat ng konserbatibong AFL-CIO ang isang dekada ng pagkalagas at nakarekrut ng 200,000 bagong myembro. Nanawagan rin ito ng opensiba laban sa globalisasyon. Sa harap ng pagtutol ng organisadong paggawa, muntik nang hindi makalusot ang NAFTA sa Kongreso ng US.

b. Sa Pilipinas, sinalubong naman ng malakas na protesta ang APEC Summit sa Subic. Sa lahat ng Summit, dito lamang ito nakasagupa ng pinakamilitante at pinakamalawak na protesta.

c. Senyales ng pagbangon ang nakapipilay na mga pangkalahatang welga sa South Korea, France, Israel, Ecuador, Bangladesh, at iba pa.

Hinahamon ang manggagawang Pilipino. Hahanay ba tayo sa nagaganap na pagkilos ng mga kauri natin sa ibang bayan o hahayaan na lang nating maipatupad ang adyenda ng globalisasyon sa sarili nating bayan?

Ang laban sa globalisasyon ay laban ng uri.

Ang ating pag-asa ay nasa pakikibaka ng buong uri, kabilang ang malawak na bilang ng di-organisadong manggagawa.

At para sumiklab ang laban, kailangang daanan pa ng maraming manggagawa ang karanasan ng pakikibakang papanday sa kanila sa mapagpasyang labanan.

Ang karanasan na ito ay nagmumula sa karanasan nila sa lokal na pakikibaka. Sa karanasan ng sariling welga. Kaya nga bawat welga ay paaralan ng uri.

Pero sa kalagayan ngayon na mismong ang mga lokal na pakikibaka ay pinahihina ng globalisasyon – sa unti-unting pagkabuwag ng mga unyon at paglaki ng bilang ng mga manggagawang di-organisado – hinihingi ng kondisyon ang mga pakikibakang hahatak sa pinakamalaking bilang ng mga manggagawa.

Magagawa ito sa mga kampanyang nakatuon sa interes ng buong uri. Maaaring lahukan ng buong uri. Ng lahat ng manggagawa, organisado man o hindi. Isang kampanyang bibigkis sa kanilang kagyat na interes. Dedepensahan ang kanilang hanay para di-tuluyang maigupo ng opensiba ng kapital. Kukuha ng mga kongkretong tagumpay na lalo pang magpapalakas sa kanila.

Ito ang kampanya sa Labor Legislative Agenda na nabigkis natin sa anyo ng “CBA Proposal ng Uri” noong Mayo Uno. Ito ang listahan ng mga karaingan na ihaharap natin kay Fidel Ramos, “chairman of the board” ng uring kapitalista sa Pilipinas, sa pagbubukas ng Kongreso.

Ang CBA ng Uri ay unang listahan pa lamang ng ating mga karaingan. Unang trenchera ng mga manggagawa sa panghahalihaw ng globalisasyon. Ito ang minimum na programa ng kilusang unyon ngayon.

Binubuo ang CBA ng Uri ng mga kagyat at matatalas na karaingan ng mga manggagawa laban sa globalisasyon. Napakakagyat ng mga ito, subalit napakatatalas din para ulusin ang “adyendang globalisasyon” ng mga kapitalista:

1. Patawan ng parusang kriminal ang mga paglabag ng kapitalista sa batas paggawa laluna kaugnay ng pasahod, labor standards, ULP at union busting. Itayo ang mga ispesyal na labor court na maglilitis ng mga kasong gaya nito.

2. Sugpuin ang salot ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon sa pamamagitan ng komprehensibong mga batas na maka-manggagawa.

3. Ireporma at ireorganisa ang DOLE at NLRC. Pabilisin ang resolusyon ng mga kasong isinampa ng manggagawa sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paglilitis at sagkaan ang pag-abuso ng mga kapitalista sa “due process”.

4. Ipatupad ang batas sa mimimum na pasahod batay sa prinsipyo ng living wage. Gawing standard ng minimum na sahod o take-home pay ang arawang gastos ng isang pamilya. Lusawin ang mga Regional Wage Board at balikatin ng Kongreso ang pagtatakda sa mga pagtaas ng sahod.

5. I-exempt sa income tax at sa kontribusyon sa SSS o GSIS, Pag-ibig at Medicare ang lahat ng sumasahod nang di labis sa itinakdang arawang gastos sa buhay. Palakihin ang take-home pay sa pamamagitan ng diskwento sa buwis. Itaas ng 50% ang overtime premium.

6. Ipatupad ang mga batas na nagbabawal at nagpaparusa sa run-away shop, illegal lock-out, illegal closure, illegal shutdown, illegal dismissal at lahat ng bagay na kaugnay ng unfair labor practice at union-busting.

7. Ipauna ang economic claim ng mga manggagawa sa mga kompanyang nagsasara. Isabatas ang obligasyon ng mga kompanya na magpundar ng trust fund para sa retirement, severance, gratuity at separation pay ng mga manggagawa.

8. Amyendahan ang probisyon ng batas paggawa kaugnay ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at pagwewelga. Maaari lamang i-regulate, at hindi maaaring ipagkait, ng “assumption” ng Secretary of Labor ang konstitusyonal na karapatang magwelga, pati sa mga susing industriya. Wakasan ang pagpapasa ng mga labor dispute sa NLRC. Tanggalin ang probisyon ng “free ingress-egress” ng mga produkto at personnel ng kompanya sa panahon ng welga.

9. Pabilisin ang proseso ng pag-uunyon mula rehistrasyon hanggang certification election. I-criminalize ang company unions at “sweetheart contracts”. Ipinatupad ang komprehensibong labor code para sa pag-uunyon ng public sector at pagbubuo ng mga national unions laluna sa mga industriya o sector na di angkop ang mga lokal na unyon. Iwasto ang infirmities ng mga patakaran ng gobyerno at ng batas paggawa para sa mga manggagawang overseas, agrikultural, sebisyo, at mga manggagawang kababaihan at child labor.

10. Buuin ang “Labor Inspectors” mula sa hanay ng mga lider manggagawa at aktibong unyonista. Itayo ang Ombudsman for Labor na uusig ng mga tiwaling opisyal ng DOLE at lider-unyon. Itatag ang Labor Investigation Bureau na tipong-NBI para tulungan ang mga manggagawa at unyon sa pag-iimbestiga at paglilitis ng mga lumalabag sa batas paggawa.

Mga kasama!

Kung paanong pinagsanib natin ang sama-samang pagkilos ng unyon at ang negosasyon sa kapitalista para isulong ang ating CBA, ganoon din dapat ang pagsasanib ng pakikibaka ng buong uring manggagawa at ng negosasyon sa Kongreso’t gobyerno para isulong ang CBA ng Uri.

Kung madadala sa kadulu-duluhan ang laban ng CBA ng Uri, bubuksan nito ang mainam na mga kondisyon para higit na mailantad ang kabulukan ng sistemang kapitalismo at mapakilos ang buong uri para sa pagbabagsak nito.

Kung magkakagayon, masasalubong natin ang mga puta-putaking putk ng kilusang manggagawa sa iba’t ibang bayan. Maisasanib natin ang ating sarili sa pandaigdigang paglaban ng pandaigdigang uring manggagawa.

Kung lalahukan ng maraming manggagawa, ganito ang senaryo na hinaharap natin sa pagdadala ng CBA ng Uri. Isang sustinadong kampanya ng “Negosasyon” kay Ramos at sa Kongreso. Puputok nula pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 28. Kung pagdating ng katapusan ng taon ay walang mararating na “Agreement”, idedeklara natin ang “CBA Deadlock”. Ihahanda natin ang isang “Strike Vote” pagpasok ng bagong taon sa anyo ng pinakamalaking “General Assembly” ng masang anakpawis.

Pangkalahatang welga ang maaaring patunguhan nito.

Kasama ang bayang Pilipino, isasanib natin ang ating pagkilos sa iba pang demokratikong kahilingan na tiyak na sisigabo sa susunod na taon (sa kondisyon ng isang halalan o sa kawalan nito). Kasama ang pandaigdigang uring manggagawa, isasanib natin ang ating pakikibaka laban sa globalisasyon at kapitalismo.

At hakbang-hakbang na susulong tayo para sa huling paglaban, sa huling makauring pakikibaka na wawakas sa lahat ng makauring tunggalian sa lipunan.

Susulong tayo sa mapagpasyang labanan na ang sigaw: Kasaganaan, Hindi Kagutuman! Kalusugan, Hindi Kapestehan! Kapayapaan, Hindi Digmaan! Katubusan, Hindi Kamatayan! Sosyalismo, Hindi Kapitalismo!

Bukluran ng Manggagawang Pilipino
4 Hulyo 1997

Pagkakaisa - ni Ka Popoy Lagman

PAGKAKAISA
ni Ka Popoy Lagman

Sinumang nag-iisip ng tunay na pagbabagong panlipunan ay dapat lutasin ang saligang paraan kung paano kakamtin ang malawak na pagkakaisa ng prinsipal na pwersa ng pagbabagong ito – ang uring manggagawa.

Hanggang ngayon, malaking mayorya ng manggagawang Pilipino ay hindi organisado kahit sa unang grado ng makauring pagkakaisa sa anyo ng lokal na unyunismo. Samantalang ang manipis at hati-hating hanay ng organisadong paggawa ay nahaharap naman sa lumalaking banta ng anihilasyon sa panahong ito ng makabagong globalisasyon.

Sa ganitong kalagayan, ang tungkulin ay hindi lang paano ang saligang paraan ng pag-oorganisa kundi paano ito mapapabilis para tumugon sa mabigat na hamon ng kasalukuyang pakikibaka.

MAKAURING PAGKAKAISA

Di dapat ipagkibit ng balikat ang mabagal na pag-oorganisa. Hindi ito simpleng problema ng kakapusan ng sapat na dami ng mga bihasang organisador. Ang mismong kakapusang ito ay resulta ng parehas na problemang siya ring dahilan ng mabagal na pag-unlad ng pagkakaisa ng masang manggagawa.

Dapat nating repasuhin ang nakagawiang mga paraan ng pag-oorganisa. Ito’y hindi supisyente at epektibong nakatutugon sa pangangailangang malawakang pagkaisahin ang masang manggagawa bilang isang uri.

Ang tinutukoy natin ay ang pag-oorganisa sa anyo ng lokal na mga unyon para sa pang-ekonomyang pakikibaka. Ang pag-oorganisang pang-unyon at pakikibakang pang-ekonomya ay ginawa nating nag-iisang daan at natatanging paraan para pasimulan ang pagkakaisa ng mga manggagawa.

Liwanagin natin na wala tayong anumang intensyong maliitin o bawasan ang importansya ng pang-unyong pag-oorganisa at pakikibaka. Isang makamandag na kapitalistang propaganda ang inilalakong pananaw na lipas na ang unyunismo sa panahong ito ng globalisasyon.

Ito’y nananatiling pinakasaligang organisasyon ng uring manggagawa at pinakamabisang proteksyon ng masang anakpawis sa kapitalistang pang-aapi laluna sa panahong ito ng globalisasyon.

Pinakamalinaw na katibayan ng nagpapatuloy nitong bisa’t halaga ay ang paghuhumiyaw at paggugumiit ng sektor ng kapital at nga kapitalistang estado na sagkaan at sugpuin ang unyonismo dahil balakid ito sa landas at batas ng globalisasyon.

Ang ating pinupuna ay hindi ang mismong unyonismo at ang importansya nito kundi ang nakagawiang paraan na halos idinadaan at isinasakay ang buong tungkulin ng makauring pag-oorganisa sa kaparaanan ng unyonismo.

Kung tayo’y ordinaryong mga unyonista na ang nilalayon lang ay mag-unyon, natural lang na ikonsentra ang buong atensyon at paraan sa unyonismo. Kaso’y hindi tayo simpleng mga unyonistang ang nilalayon ay simpleng mapabuti ang kalagayan ng pagiging sahurang-alipin ng manggagawa at makipagtawaran na lang sa presyo’t benepisyo ng pagpapaalipin sa kapital.

Ang pinakalayunin natin ay wakasan ang sistemang ito ng sahurang pang-aalipin, wakasan ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa at wakasan ang paghahari ng kapital sa lipunan sapagkat narito ang pinakaugat ng kahirapan at kaapihan ng uring manggagawa at masang anakpawis.

Para sa layuning ito, ang pinakasaligang rekisito ay mapagkaisa ang masang manggagawa bilang uri. At magaganap lamang ang makauring pagkakaisang ito kung sila’y magkakaroon ng kamalayan na sila’y nabubuhay sa kapitalistang lipunan bilang isang depinidong uri na may depinidong makauring mga interes.

Narito ang malaking depekto ng ating saligang paraan ng pag-oorganisa. Nawawaglit sa ating kamalayan ang pinakalayunin ng ating pag-oorganisa – ang palawakin at palalimin ang makauring pagkakaisa ng masang manggagawa. Kung mulat tayo sa layuning ito, sa bawat sandali ng ating pagkilos, di mangyayaring maiimbudo ang pag-oorganisa sa kaparaanan ng pag-uunyon, at siguradong ikokombina ito sa iba pang paraan.

Ang ibang paraan na ito, na siyang mas esensyal na paraan ng makauring pag-oorganisa, ay ang pampulitikang pag-oorganisa, ang pag-oorganisa sa masang manggagawa bilang pwersang pampulitika. Ito ang tunay na kahulugan ng pag-oorganisa sa masang manggagawa bilang uri.

KAMALAYANG MAKAURI

Ilang daang libong manggagawa sa Pilipinas ang organisado sa mga unyon samantalang milyun-milyon, humigit-kumulang sa 95 porsyento ng uring manggagawa ang hindi organisado.

Ilan sa kanila ang mulat-sa-uri? Ibig sabihin, paano ang turing ng isang manggagawa sa kanyang sarili bilang isang manggagawa, paano ang kanyang tingin sa pagiging manggagawa sa umiiral na lipunan.

Mabuti pa ang kapitalista sapagkat malinaw ang kanyang turing at tingin sa uring manggagawa. Alam ng bawat kapitalista na para umandar at lumago ang kanyang negosyo, hindi sapat na mayroon siyang mga makina, materyales, atbp., bilang puhunan. Balewala ang lahat ng ito kung hindi makakatagpo ang kanyang kapital ng lakas-paggawa – ang natatanging kalakal sa mundo na hindi lang nagpapaandar kundi nagpapalago sa kapital. Ang nag-iisang kalakal sa buong mundo na nag-aangkin ng kakayahang lumikha ng halaga. Isang kalakal na habang kinukunsumo ay lumilikha hindi lang ng katumbas ng kanyang presyo kundi ng halagang sobra sa kanyang naging presyo na ang katawagan ay sweldo, ng sobrang halagang ang katawagan ay tubo.

Narito ang sikreto’t mahika, ang kamandag at bagsik, ng sistemang pang-ekonomyang tinatawag na kapitalismo. Kailangan ng kapitalismo ng isang uri sa lipunan na ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa. Ito ay isang seksyon ng populasyon na dapat ay walang ibang ikabubuhay kundi ang magpaupa ng lakas-paggawa. Walang ibang ikabubuhay dahil wala silang anumang pag-aari na maaaring magamit para sa kanilang kabuhayan kundi ang kanilang lakas-paggawa.

Isang lakas-paggawa na nagkakaroon lang ng silbi sa umiiral na sistema kung bibilhin ng may-ari ng kapital at gagamitin sa produksyon. Gagamitin sa produksyon ng mga kalakal na siyang porma ng ekonomya ng tinatawag na kapitalismo. Produksyon ng samu’t saring kalakal na tumutugon sa samu’t saring pangangailangan ng tao. Mga kalakal na pawang likha ng lakas-paggawa. Lakas-paggawang tagapaglikha ng lahat ng kalakal sa mundo pero walang tigil na binabarat ang presyo sa pinakamurang halaga at hinahamak ang dignidad sa pambubusabos. Lakas-paggawa na galing sa pawis at dugo ng mayorya ng tao sa kapitalistang lipunan na ginagawang modernong mga alipin ng iilang panginoong may kapital.

Ngunit hindi ganito ang turing at tingin ng mayorya ng mga manggagawa sa kanilang sarili, sa kanilang paggawa, sa kanilang pagiging manggagawa. Para sa isang manggagawang hindi mulat-sa-uri, ang tingin niya sa pagiging manggagawa ay simpleng hanapbuhay, isang porma ng okupasyon. Ang turing niya sa kanyang mga kapwa manggagawa ay simpleng katrabaho o kaparehas ng trabaho, namamasukan sa may-ari ng kapital para kumita ng sahod o sweldo kapalit ng kanyang pagtatrabaho.

Madaling makita ng mga manggagawa ang katusuhan at kalupitan ng kapitalista. Pero tinatrato nila ito bilang naturalesa ng tao at hindi naturalesa ng kapitalismo. Sa batayang ito, hinahangad niya ang pagkakaroon ng unyon para sa pansariling proteksyon at para ipaglaban ang kanyang mga karaingan. Pero kadalasan ay hanggang dito lang ang kanyang pananaw sa pagkakaisa. Magkaroon ng isang lokal na unyon para pangalagaan ang interes bilang mga empleyado ng isang kompanya – ang kanilang seguridad sa trabaho, ang kanilang regular na umento, ang kanilang mga benepisyo. Ngunit lahat ng ito ay para lang mapabuti ang kanilang kalagayan bilang trabahador ng kapitalista, hindi ang mapalaya ang sarili bilang sahurang-alipin ng kapital.

Ni hindi nga niya tinatanaw ang kanyang sarili bilang alipin ng kapital, bilang alipin ng sahurang sistema ng kapitalismo. Hindi niya tinitingnan ang kanyang sarili bilang alipin dahil ang konsepto niya ng pagiging alipin ay pwersahang pinagtatrabaho. Walang kalayaan, walang karapatan. Napaniwala ang manggagawa na siya’y namasukan sa isang kapitalista nang kusang-loob. Anumang oras na ayaw na niyang magtrabaho para sa kanyang kapitalistang amo, siya ay may ganap na kalayaang umalis at maghanap ng ibang pagkakakitaan. Alam rin niya na mayroon siyang mga karapatang ginagarantiyahan ng mga batas, at mas ang problema’y ang implementasyon ng mga ito.

Ngunit ang hindi niya namamalayan ay ang katotohanang ang ginagarantyahan lang ng mga karapatang ito ay ang kanyang kalayaang paiigihin ang kondisyon ng kanyang pagiging alipin. Hindi ang kalagayang baguhin ang mismong sistemang ito ng modernong pang-aalipin. Totoong hindi siya aliping pag-aari ng isang indibidwal na kapitalista. Ang hindi niya namamalayan ay pag-aari siya ng buong uring kapitalista dahil hangga’t wala siyang ibang pagkakakitaan bukod sa pagpapaupa ng kanyang lakas-paggawa, obligado siyang mamasukan sa ibang kapitalista, obligado siyang magpailalim sa kapangyarihan ng kapital.

Maari ring mangyaring sa sikap o swerte ay makaipon ang isang manggagawa. Makapagpundar ng maliit na negosyo, at sa ganitong paraan, makaahon sa pagiging ordinaryong sahurang manggagawa. Maaring “palarin” na umasenso ang sinumang indibidwal na manggagawa ngunit absolutong hindi pwedeng “umasenso” ang buong uring manggagawa at makawala sa tanikala ng pagiging manggagawa sapagkat anong mangyayari sa kapital kung wala ang paggawa, paanong magkakaroon ng kapitalista kung walang uring manggagawa. Maaring mabuhay ang isang lipunan nang walang uring kapitalista at ito ang sosyalismo, pero hindi pwedeng magkaroon ng kapitalismo nang walang uring anakpawis na panggagalingan ng murang lakas-paggawa.

Narito ang kasagutan kung bakit hindi mabuo ang pagkakaisa ng manggagawang Pilipino. Hangga’t hindi umaabot ang kamalayan ng mga manggagawa sa kanilang pag-iral sa kapitalistang lipunan bilang uri, imposible ang kanilang malawak at matatag na pagkakaisa at pagkakaorganisa bilang pangunahing pwersa ng pagbabagong panlipunan. Hangga’t wala ang ganitong kamalayan sa uri, obhetibong umiiral ang mga manggagawa sa lipunan ngunit hindi masasabing ganap na umiiral bilang uri dahil ito ay dapat mangahulugan ng kamalayan sa pagiging isang uri, kamalayan sa kanilang komunidad ng interes bilang uri.

Maaring maorganisa sa mga lokal na unyon ang mga manggagawa, maaring maorganisa sila sa malalaking pederasyon. Ngunit mananatili pa ring biyak-biyak ang kanilang hanay, mananatiling mailap ang tunay na pagkakaisa ng manggagawang Pilipino hangga’t ang organisadong mga manggagawa ay hindi mulat sa kanilang pag-iral bilang uri, hangga’t hindi ang kamalayang makauri, ang kamalayan sa kanilang makauring mga interes ang nagbibigkis sa kanilang pagkakaisa at pakikibaka.

PAG-OORGANISANG PAMPULITIKA

Ang pagkakaorganisa ng mga manggagawa bilang uri ay di maiiwasang maging pulitikal ang katangian sapagkat ang tunay na kamalayang makauri ay pulitikal ang nilalaman. At ito ang tunay na pinangingilagan ng uring kapitalista at ng kapitalistang estado at ginagawa nila ang lahat ng paraan upang sagkaan ang ganitong pag-unlad ng kilusan ng uring manggagawa. Ang mismong mapanupil na reaksyon ng kapital at estado sa banta ng makauring pagkakaisa ng anakpawis kahit sa porma ng unyonismo ay agad nang nagbibigay ng pulitikal na katangian sa pagkamulat ng manggagawa bilang uri sa kapitalistang lipunan.

Imposibleng hindi maging pulitikal ang makauring pagkamulat ng masang manggagawa bilang uri sapagkat imposibleng matanggap ng manggagawa ang kanyang pagiging kabilang sa isang uri nang hindi nauunawaan ang posisyon ng manggagawa sa sistema ng produksyon ng lipunan. Kapag nailugar niya ang kanyang sarili sa posisyong ito, imposibleng hindi mahagip ng kanyang pananaw ang mapagsamantalang relasyon sa produksyon ng kapitalistang sistema, ang kabuuang katotohanan ng sistema ng sahurang pang-aalipin, ang batas ng paglitaw, pag-unlad at pagbagsak ng kapitalismo bilang isang sistema.

Kung ang pagbubuo ng unyon ang labis na kinasisindakan ng bawat indibidwal na kapitalista, ang kinahihindikan naman ng kapitalistang estado ay ang pampulitikang pagkamulat ng masang manggagawa bilang isang uri, bilang isang pwersang pulitikal na may pulitikal na partido sa pinakauluhan nito. Ang transpormasyon ng kilusan ng uring manggagawa sa isang kilusang pampulitika, ng kaisipang pang-unyon sa kamulatang pampulitika, ng pang-unyong pagkakaisa sa pampulitikang pagkakaisa ng uri ang simula ng paglaya ng uring manggagawa sa kapangyarihan ng kapital – ang paglaya ng kanyang kaisipan mula sa kaisipan ng naghaharing sistema. Hindi lang ang katawan ng manggagawa ang inaalipin ng kapital kundi pati ang kanyang kaisipan. Ang kasunod ng ispiritwal na paglaya ng uring manggagawa ay ang transpormasyon nito sa materyal na pwersang pisikal na magbabagsak sa reaksyonaryong sistema.

Ang pampulitikang pag-oorganisang ito ang nawawaglit at napag-iiwanan sa pagkilos. Nangangarap tayo ng pagdami ng unyonisadong mga manggagawa pero nawawala sa ating isip ang paglago ng kanilang pampulitikang pagkakaorganisa bilang uri. Sa likod ng ating isip ay para bang madali na ang pampulitikang pag-unlad ng mga manggagawa sa batayan ng kanilang pang-unyong pagkamulat. Ito ay may aspeto ng katotohanan ngunit may peligro rin na mabahura sa antas ng unyonismo na siyang nagaganap. Kaswal masyado ang pagtrato natin sa pampulitikang pag-oorganisa habang ang ginagawang krusyal ay ang unyonismo.

Baliktarin natin ang ating pamamaraan sapagkat ito ang tuwid na pamamaraan. Mas sigurado ang pang-unyong pag-unlad ng masang manggagawa kung ito’y nagaganap sa batayan ng pagsulong ng kanilang pampulitikang pag-unlad. Mas dadami ang determinadong mga organisador kung konsolidado ang pampulitikang kamulatan ng mga unyon. Mas gagaan ang pang-araw-araw na pag-aasikaso ng mga unyon kung titining ang kanilang pulitikal na konsolidasyon.

Dapat lamang pag-ibayuhin ang paglawak ng unyonisadong hanay ng mga manggagawa. Bawat unyon na ating maorganisa o maugnayan ay dapat kagyat na asikasuhin ang pampulitikang pagkamulat. Ngunit hindi dapat mangyayaring mapako, maimbudo o mabahura ang pampulitikang pag-oorganisa sa kaparaanan ng unyonismo. Tuklasin at paunlarin natin ang paraan ng pampulitikang pag-oorganisang mabisa at malawakan nating naisasagawa nang independyente sa pag-oorganisang pang-unyon habang tinitiyak na ang pang-unyong pag-oorganisa ay kagyat na naisusulong sa pampulitikang pagkakaisa ng manggagawa.

Kung tutuusin, dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri.

Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka. Lagumin natin ang karanasan sa pagbubuo ng Kauri at iangkop at paunlarin ito sa pagbubuo ng mga buklod. Ikonsentra natin ang Kauri sa mga pook ng tirahan ng masa samantalang ang mga buklod ay mas sa mga pook ng trabaho natin itayo.

Ang ekspansyon ng mga bagong kompanyang tatayuan ng buklod ay dapat tuloy-tuloy na dumaloy at dumaan sa mga natural na koneksyong gaya ng mga kamag-anak at kaibigan ng ating mga aktibong pwersa na kung pipigain natin ang potensyal na ekspansyon ay siguradong tumatagos sa napakaraming kompanya. Ang ispesyalisasyong ito ng BMP sa ganitong tipo ng pag-oorganisa ay mangangahulugan ng pagpapakahusay sa gawaing propaganda, ahitasyon at edukasyon.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paglawak ng organisadong network ng mga buklod ng BMP at mga pulitikalisado nating mga unyon, ipakilala natin ang BMP bilang militanteng ekspresyon ng pampulitikang pagkakaorganisa ng uri at behikulo ng kanilang pampulitikang pakikibaka. Itransporma natin ang BMP sa isang organisadong makinarya ng pampulitikang propaganda at pakikibaka ng sosyalistang kilusan sa bansa na ang araw-araw at oras-oras na inaasikaso ay ang pagpapalawak at paghihinang ng makauring pagkakaisa ng manggagawang Pilipino at ang pangunguna ng uring ito sa pampulitikang pakikibaka ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya.

Magasing TAMBULI, Disyembre 1998