Martes, Hunyo 10, 2008

Paninindigan Laban sa Globalisasyon - ni Ka Popoy Lagman

Ang Aming Paninindigan Laban sa APEC At Globalisasyon

ni Ka Popoy Lagman

Saligang prinsipyo ng kilusang manggagawa ang internasyunalismo – ang pagkakaisa ng mga bansa at mamamayan ng buong mundo para sa paglaya’t pag-unlad ng masang anakpawis. Kaya’t sa maraming bansa, ang popular na awit ng manggagawa ay ang “Internasyunal”. Ang bandilang islogan, “Manggagawa ng lahat ng bansa – Magkaisa!”.

Ang pagkakaisa ng manggagawa ng buong daigdig ang pangunahing panawagan ng kilusang manggagawa. Makakamit lang ang tunay na makauring paglaya ng mga manggagawa ng bawat bansa kung ang mundo’y ganap na lalaya sa kapangyarihan ng internasyunal na kapital.

Sa diwa ng internasyunalismo, tamang itaguyod ng uring manggagawa ang integrasyon ng mga pambansang ekonomiya kung ito’y para sa tunay na pandaigdigang kooperasyon at panlipunang progreso. Pero hindi ito ang layunin ng “globalisasyong” itinataguyod ng APEC kundi ganap at lubusang kabaliktaran nito.

Unang-una na, ang pinagsisimulan at nilulutas nitong problema ay hindi ang karukhaan at kaapihang dinaranas ng mga manggagawa’t mamamayan ng buong mundo. Ang pinagsisimulan at nilulutas nito’y ang sariling krisis ng pandaigdigang kapitalismo.

Ikalawa, sinasalanta ng globalisasyong ito ang uring manggagawa. Ito’y intensipikasyon ng kapitalistang kompetisyon at akumulasyon ng tubo na walang pakundangan sa kapakanan ng paggawa. Tayo ang maiipit sa nag-uumpugang kompetisyon at nag-uumapaw na kahayukan sa tubo.

Ikatlo, ang neoliberalismong itinataguyod nito’y walang iba kundi neokolonyalismo. Ang globalisasyong ito’y rekolonisasyon ng mundo. Hubaran ng palamuti, ito’y moderno’t internasyunal na bersyon ng “parity rights” na isinalaksak ng US sa Pilipinas matapos ang World War II.

Ikaapat, hindi kooperasyon ng mga bansa para sa kaunlaran ang layunin ng APEC kundi kooperasyon para lamang sa liberalisasyon. Ang “liberalisasyong” ito’y nangangahulugan ng “malayang kalakalan”. At ang ibig sabihin ng “malayang kalakalan” ay “malayang kompetisyon”.

I. Mga problema ng mundo ng kapital, hindi ng mundo ng paggawa ang nilulutas ng “globalisasyon”.

May dalawang mundo sa daigdig. Ang mundo ng kapitalista at ang mundo ng manggagawa. Ang una’y mundo ng mayayaman at ang huli’y mundo ng mahihirap.

Ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang nilulutas ng globalisasyon. Hindi ang tunay na problema ng daigdig: ang napakalaking agwat sa pagitan ng mundo ng kapital at mundo ng paggawa, ang karukhaan at kaapihan ng masang anakpawis.

Napakalinaw ng tunay na problema ng daigdig. Ang magkasanib na ari-arian ng 358 na bilyonaryo sa mundo ay katumbas ng pinagsanib na taunang kita ng mga bansang kumakatawan sa 45% ng populasyon ng daigdig o 1.6 na bilyong tao!

Kinakatawan ng katotohanang ito ang problema ng mundo – ang di-pantay na distribusyon ng kayamanang panlipunan sa pagitan ng mga abanteng bansa at atrasadong bansa, sa pagitan ng uring kapitalista at uring manggagawa.

Hindi ang pandaigdigang karukhaan ang problemang pinagsisimulan at nilulutas ng APEC at globalisasyon. Ang tinatangka nitong lutasin ay ang krisis ng kapitalismo.

Ang krisis na ito ay nagsimula matapos ang 30-taong “long boom” ng kapitalismo matapos ang WW II. Unang pumutok ang kasalukuyang krisis noong 1974-75. Ito ang binansagang “first generalized recession”. Ang “second generalized recession” ay nagsimula pagpasok ng dekada 1980. Ang “third generalized recession” ay lumitaw noong 1986 pero sumambulat sa mga unang taon ng 1990’s.

Mula pa noong mga unang taon ng dekada ng 1970, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay padausdos nang padausdos, isang panahon ng tumutumal na produksyon at kumukupad na pang-ekonomyang pag-unlad na bumubundol-bundol sa istagnasyon.

Ang pangkalahatang pag-unlad ng kapitalismo ay paalon-alon, may pagsikad at pagdausdos, nagsasalitan ang pagsulong at pagbulusok. Ang kakaiba ngayon, kumpara sa dati, ang mga pagdausdos at pagbulusok ay mas matagal at mas malalim habang ang pagsikad at pagsulong ay mas maiksi at mas marupok – sintomas ng malubhang krisis.

Ang paghahanap ng kalutasan sa krisis na ito ng kapitalismo ang nagbunsod ng globalisasyon. Ito ang natuklasang kasagutan ng kapital para sa panibagong pandaigdigang ekspansyon ng kapitalismo. Pero di mangyayari ang globalisasyong ito kung wala ang isa pang kondisyon.

Ito’y ang pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon na umaayon sa rekisitos ng globalisasyon. Sinagot ito ng malalaking pagsulong sa larangan ng syensya’t teknolohiya, laluna sa microelectronics, computer science, telecommunication at biotechnology.

Ikinukumpara ito ng mga propagandista ng kapitalismo noong maibento ang “steam engine” na nagbunsod ng “industrial revolution”. Tinatawag nila ang kasalukuyang panahon bilang isang “communication revolution” na radikal na bumabago sa takbo ng produksyon.

Naglangkap at nagsanib ang dalawang kondisyong ito – ang krisis ng kapitalismo at ang pagsulong ng teknolohiya – sa paglitaw at pagsulong ng globalisasyon at ang mga kaakibat na mga saligang patakarang gaya ng “liberalization”, “deregulation”, at “privatization”.

Pero dapat malapat ng uring manggagawa at ng mamamayan: Bago pa naging bukambibig ng mga gubyerno ang salitang “globalisasyon”, ginagawa na ito ng mga transnational corporations (TNCs).

Katunayan, ang sinimulang istratehiyang ito ng TNCs ang tunay na kahulugan at nilalaman ng “globalisasyon”. Sila ang arkitekto, promotor at propagandista ng “globalisasyon” dahil ito’y para sa benepisyo ng 40,000 TNCs at 250,000 nilang “foreign affiliates” sa buong mundo.

Bago pa naging patakarang pang-ekonomya ng mga gubyerno ang “globalisasyon”, nagsimula na ang “disentralisasyon” ng kanilang operasyon at “dispersyon” ng mismong proseso ng produksyon. Hindi na lang ang mga korporasyon ang naging internasyunal kundi ang mismong produksyon. Ito ang kakaiba sa “globalisasyon” ngayon ng kapitalismo.

Sa ilalim ng ganitong istratehiya, ang buong proseso ng produksyon ay ikinakalat sa iba’t ibang bansa, tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa. Integral na bahagi ng “internasyunalisasyon” na ito ng proseso ng produksyon ng mga TNCs ang “contractualization” ng iba’t ibang bahagi ng produksyon.

Mismo ang ILO Regional Office for Asia and the Pacific ang nagkumpirmang “sa ubod ng ganitong globalisasyon ay ang MNCs o sa partikular, ang kanilang istratehiya ng patuloy na decentralization ng mga operasyon at subcontracting na tumatawid ng mga pambansang hangganan patungo sa malawakang dispersion ng proseso ng produksyon.”

Tahasan nitong idinideklara: “Ang tunguhin ng globalisasyon ay pangunahing resulta ng mga istratehiyang ginagamit ng mga MNCs.

Ang pangunahing instrumento ng pang-ekonomyang globalisasyon ay ang patakaran ng liberalisasyon. Isang saligang rekisito ng istratehiya ng internasyunalisasyon ng produksyon ng mga TNCs ay ang integrasyon ng mga ekonomiya ng mga bansa, ang internasyunalisasyon ng mga pambansang ekonomya na pinaliliit ang importansya ng mga pambansang hangganan. Ito ang globalisasyon.

Ang pang-ekonomiyang integrasyon, ang “globalisasyon” ay makakamit lang sa pamamagitan ng liberalisasyon – ang paglalansag sa mga restriksyon sa “malayang kalakalan at pamumuhunan”. Ito ang rason at lohika sa likod ng APEC – kooperasyon ng mga bansa sa Asia-Pacific para lansagin ang mga restriksyon sa kalakalan at pamumuhunan.

Ang liberalisasyong ito, pati ang deregulation at privatization ay “made to order” o pasadya para sa mga TNCs. Syempre pa, silang tatabo at titiba sa liberalisasyon dahil 2/3 ng kalakalan at pamumuhunan sa buong mundo ay kontrolado ng mga TNCs! Sa malao’t madali, masasakmal na rin nila pati ang natitirang 1/3 na di pa nila kontrolado. Ang liberalisasyong ito ay legalisasyon ng pandaigdigang pandarambong ng mga TNCs!

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang globalisasyong ito ay para sa mga TNCs, para sa malalaking kapitalista sa buong mundo at sa bawat bansa. Ang nilulutas nito ay ang krisis ng kapitalismo at ang tinutugunang pangangailangan ay ang bagong ekspansyon ng kapitalismo.

Hindi ito maitatanggi ng mga promotor ng APEC dahil inaamin ito sa kanilang mga dokumento at deklarasyon. Hindi inililihim ng APEC na ang globalisasyon, liberalisasyon, deregulasyon at privatization ay para sa interes ng mga kapitalista dahil hindi naman mga manggagawa ang mamumuhunan at mangangalakal.

Pero ang masang anakpawis raw ang ultimong makikinabang sa “globalisasyon” dahil sa pagsulong ng negosyo, ang manggagawa’y aasenso! Ito ang “trickle down theory” ng globalisasyon. Sa paglago ng kapitalismo, tutulo raw sa masa ang benepisyo. Kapag napuno na ang bulsa ng kapitalista, aapaw ang barya sa masa.

Ang pangakong pagsulong ng masang anakpawis bunga ng globalisasyon mula sa libu-libong taon ng paghihikahos at pagkabusabos ay kasinungalingang kasinlaki ng mundo!

Paano mangyayaring ang dahilan ng kahirapan ang siya ring kalutasan ng kahirapan! Paanong malulunasan ng kapitalista at imperyalistang globalisasyon ang paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan gayong mauugat sa kapitalista at imperyalistang sistema ang paghihikahos at pambubusabos ng mundo!

Naghihikahos ang uring manggagawa dahil sa pagsasamantala ng uring kapitalista, dahil ang likhang-yaman ng paggawa ay kinakamkam ng kapital. Pero, heto ngayon ang APEC, ang lakas ng loob at ang kapal ng mukhang nangangakong pagiginhawain daw ng mga kapitalista ang mga manggagawa, palalayain sa kahirapan ang mamamayan.

Kapag umunlad ba ang mga negosyante, umaasenso rin ang mga trabahador? Mula sa pagiging pipitsugin, nagiging higante ang mga kapitalista pero naiiwang isang kahig, isang tuka ang manggagawa. Milya-milya kung umabante ang kabuhayan ng kapitalista, pulga-pulgada naman ang pag-asenso ng manggagawa.

Sa isang araw, matutumbasan ng produksyon ng pandaigdigang kapitalismo ang lahat ng kayamanang nalikha ng sinaunang mga lipunan sa nagdaang libu-libong taon. Walang kaparis ang isinulong ng kapasidad sa produksyon ng kapitalismo. Pero parehas pa rin ang kalagayan ng masang anakpawis, parehas ng sinaunang panahon. Ngunit mahihiya ang hari’t emperor noon sa luho’t yaman ng mga bilyonaryo ngayon.

Kabalbalan ang pangakong sa pagsulong ng negosyo sa pamamagitan ng globalisasyon ay aasenso rin ang paggawa dahil ilan daang taon nang sumusulong ang kapitalismo sa daigdig, hikahos at busabos pa rin ang masang anakpawis sa mundo.

Maaring ang tinutukoy ng APEC ay ang posibilidad ng “pag-unlad” ng mga bansang gaya ng Pilipinas sa pamamagitan ng globalisasyon. Pinatutunayan raw ito ng “pagsulong” ng mga tinatawag na “newly industrialized countries” (NICs) o mga “tiger economies” ng Asya.

Ang tanong: sino ang umuunlad?

Ang umuunlad ay ang uring kapitalista, ang mga higanteng kapitalista sa mga bansang ito. Pero hindi ang uring manggagawa, hindi ang masang anakpawis. Ang totoo, walang pakundangan at walang habas na sinasagaan at sinasalanta ng “pag-unlad” na ito ay ang uring manggagawa sa buong daigdig.

II. Ang “globalisasyon” ay gera mundyal ng kapital sa uring manggagawa sa lahat ng bansa.

Para sa uring manggagawa, tama lang tanawin ang nagaganap na globalisasyon bilang gera mundyal ng kapital laban sa paggawa. Kung ang World War I at II ay mga digmaan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa, ang “globalisasyon” bilang “World War III” ay gera ng mundo ng kapital sa mundo ng paggawa.

Sinasalanta ng pangkalahatang opensibang ito ng kapital ang uring manggagawa at tinatangka nitong gunawin ang kilusang unyon sa daigdig. Nilalayon nitong patindihin ang kapitalistang pagsasamantala sa manggagawa at bawiin ang lahat ng tagumpay at pagsulong ng kilusang manggagawa sa buong mundo sa nagdaang isang siglo.

Ang globalisasyon ay pagpapanibagong ekspansyon ng kapitalismo sa buong mundo. Ang pandaigdigang ekpansyong ito ay magaganap sa kaparaanan ng matinding internasyunal na kompetisyon. At alam natin kung gaano kabangis at kalupit ang kapitalismo kapag ito’y nasa kaigtingan ng kahibangan sa ekspansyon at kompetisyon. Ang World War I at II ang pinakamadugo’t pinakamalagim na ebidensya nito.

Ang mga gerang ito ay walang kaparis sa kasaysayan ng daigdig na pumuksa’t puminsala ng daan-daang milyong tao. Parehas itong nanggaling sa sinapupunan at kaibuturan ng kapitalismo. Parehas na resulta ng kahibangan sa ekspansyon at kompetisyon ng imperyalismo.

Ang kaibhan ng kasalukuyang ekspansyon at kompetisyon sa ilalim ng globalisasyon, ang labanan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at sa hanay ng uring kapitalista ay nagaganap hindi sa pamamagitan ng lakas ng armas kundi ng kapangyarihan ng kapital. Pero parehas ang biktima – ang uring manggagawa sa bawat bansa.

Ang globalisasyon, sa esensya, ay magiging kompetisyon sa pagpapamura, pambabarat at pagpapabagsak sa presyo ng lakas-paggawa at sukdulang panghuhuthot at pamimiga ng tubong nililikha ng uring manggagawa. Ito ang aktwal na kahulugan ng globalisasyon para sa uring manggagawa sapagkat ito ang ultimong implikasyon ng kapitalistang kompetisyon na ibayong pinababangis ng imperyalistang ekspansyon. Ito ang dahilan kung bakit sa buong daigdig, lumalaganap ngayon ang subcontracting, casualization, downsizing, at iba’t ibang porma ng tinatawag na “flexibilization of labor” at “lean production”. Lahat ng ito’y iisa ang layunin: Paano titipirin, babaratin, sasagarin ang presyo ng lakas-paggawa.

Para makaungos at manaig sa kompetisyon, kailangang makatipid ang isang kapitalista sa gastos sa produksyon habang pinauunlad nito ang kalidad ng produkto. Sa kompetisyon ng mga kapitalistang di nagkakalayo ang kalidad ng produkto, sila’y magkakatalo kung sino ang makakagawa ng produkto sa mas murang halaga. At sa labanang ito sa pamurahan ng produkto, ang mapagpasya ay ang halaga o presyo ng lakas-paggawa.

Sinasabing sa teknolohiya raw nagkakatalo ang mga kapitalista. Katunayan, pinalalaki pa nga nila ang inilalaang kapital para sa modernisasyon ng produksyon. Ito raw ang kakaibang katangian ng kompetisyon sa ilalim ng kasalukuyang globalisasyon. Ito raw ay kompetisyon sa teknolohiya.

Totoong walang tigil ang kompetisyon sa pagpapaunlad ng teknolohiya ngunit tinatabunan ng kompetisyong ito ang tunay at esensyal na kompetisyon – ang kompetisyon sa mas murang lakas-paggawa. Ang tubo ay hindi nanggagaling sa modernisasyon ng makina. Ito’y nanggagaling sa sobrang-halagang likha ng lakas-paggawa, ang tubo ay sobrang halagang nalikha ng manggagawa na sobra sa halaga ng tinanggap niyang sahod.

Sa araw-araw na pagtatrabaho ng manggagawa, nililikha niya ang katumbas na halag ng kanyang suweldo, nililikha niya ang katumbas na halaga ng nakonsumong materyales at kagamitan sa produksyon, at higit sa lahat, nililikha niya ang kinakailangang tubo para sa kapital. Narito ang buhay ng kapitalismo, nakasalalay sa mapanlikhang kapangyarihan ng paggawa at ang halaga ng lahat ng kalakal ay katumbas ng lakas paggawang ginamit para malikha ang mga ito.

Samakatuwid, nagkakatalo ang mga kapitalista sa kanilang kompetisyon hindi sa pamamagitan mismo ng teknolohiya. Ang kanilang kompetisyon na may kaugnayan sa teknolohiya ay usapin kung paano ginagamit ang teknolohiyang ito para pigain ang lakas-paggagwa sapagkat ang lakas-paggawa ang mapagpasya sa paglikha ng halaga sa ganitong lipunang nabubuhay sa produksyon ng kalakal at isang sistema ng produksyong ang nag-uudyok ay ang kahayukan sa tubo.

Pinauunlad ng kapitalismo ang teknolohiya hindi bilang serbisyong publiko kundi sa udyok ng kompetisyon, kompetisyong pinaaandar ng interes sa tubo. Ang walang tigil na pagpupursigi ng kapitalismo na paunlarin ang teknolohiya ay pagpupursiging gawing mas produktibo ang lakas-paggawa sa mas murang halaga.

Ibig sabihin, kung ang trabaho ng sampung manggagawa ay magagawa ng dalawa sa pamamagitan ng modernisasyon ng makina, at dahil dito’y mapamumura ang gastos sa produksyon, ito ang gagawin ng kapitalista.

Katunayan, ang mas madalas, pinamumura ang lakas-paggawa hindi sa pamamagitan ng teknolohiya kundi sa simpleng pambabarat sa sweldo at paghahanap ng mga manggagawang pumapayag sa mas mababang pasahod. Ang pagpapamura sa gastos sa paggawa sa ilalim ng globalisasyon ay kombinasyon ng pagpapaunlad ng teknolohiya at tahasang pambabarat sa paggawa, at paggamit ng teknolohiya (lean production, rightsizing, atbp.) para maisagawa ang tahasang pambabarat (contractualization, casualization, atbp.).

At ang walang tigil na kompetisyon ng mga kapitalista ay mangangahulugan nang walang tigil na kompetisyon ng kapital sa paghahanap ng pinakamurang lakas-paggawa at paghahanap ng paraan para ibayo itong mapamura.

Sa pag-uumpugan ng kapital, siguradong maiipit ay ang uring manggagawa. At alam ng kapitalismo na ang pangunahing sagabal sa layunin nitong sagarin at baratin ang lakas-paggawa ay ang kilusang unyonismo sa bansa. Narito ang direksyon ng pangunahing dagok ng opensiba ng kapital – ang pagdurog sa mga unyon ng manggagawa.

Pumapasok sa krisis ang kilusang unyon sa lahat ng bansa dahil sa globalisasyon. Lahat ng paraan ay ginagawa ngayon ng mga kapitalista para sagkaan ang pag-uunyon, gawing inutil ang pag-uunyon hanggang sa tuluyang pagkadurog at pagkawasak.

Sa ilalim ng karatula ng “global competitiveness”, iwinawasiwas ng mga kapitalista ang kanilang “karapatan” na gawing mas episyente at produktibo ang kanilang mga kompanya. Karapatan nilang mag-downsizing, mag-subcontracting, mag-rotation, mag-lock-out, mag-shutdown, mag-casualization at marami pang ibang paraan ng “union-busting” na ginagawang ligal sa ngalan ng “management prerogative” at “global competitiveness”.

Hindi lang sa Pilipinas nagaganap ito kundi sa pandaigdigang saklaw, isang tunay na pandaigdigang opensiba ng kapital na walang habas at walang pakundangan. At dahil ito ang tunay na kahulugan at tanging kahulugan ng globalisasyon para sa masang anakpawis, at dahil ang globalisasyong ito’y opisyal na patakaran ng mga kapitalistang gubyerno, ang opensibang ito ng kapital ay pormal na deklarasyon ng gera laban sa uring manggagawa. Ang kapitalista at imperyalistang globalisasyon ay dapat lang sagutin ng pormal ring kontra-opensiba ng uring manggagawa at kailangan rin itong ilunsad sa pandaigdigang saklaw. Walang ibang sagot sa globalisasyong ito kundi ang internasyunalismo ng uring manggagawa.

III. Ang neoliberalismo ay neokolonyalismo, ang globalisasyon ay rekolonyalisasyon ng mundo. Imposible ang “malayang kompetisyon” sa panahon ng monopolyo kapitalismo.

Hindi lamang ang uring manggagawa ang sinasalanta ng globalisasyon. Ang patakaran nito ng liberalisasyon ay maliwanag na tutungo sa panibagong pananakop at panlulupig ng mga bansa ng monopolyo kapitalismong kinakatawan ng mga MNCs o TNCs. Ang globalisasyon ang bagong anyo ng rekolonyalisasyon ng mundo na pangunahing isinasagawa sa pamamagitan ng kalakalan at pamumuhunan.

Ang liberalisasyon, deregulasyon at privatization ay pagbubukas ng pinto ng mga bansang gaya ng Pilipinas para bahain ito ng dayuhang kalakal at dayuhang puhunan. Ito ay ganap na umaayon sa pangangailangan ng mga TNCs para sa pandaigdigang ekspansyon ng kanilang kalakal at kapital.

Kabaliwan ang “malayang kalakalan at pamumuhunan” sa panahong ito ng monopolyo kapitalismo. Sa maagang yugto ng kapitalismo, bago ang kasalukuyang siglo, gumampan ng positibo o progresibong papel sa kasaysayan ang “free trade” at “free enterprise”. Pinabilis nito ang pagsulong ng kapitalismo bilang sistema sa pamamagitan ng malayang kompetisyon ng indibidwal na yunit ng kapital at kompetisyon ng mga kalakal ng mga kapitalistang bayan sa pandaigdigang pamilihan.

Ito’y panahon nang wala pang mga higateng kapitalista na may dambuhalang mga kapital at ang pandaigdigang pamilihan ay bukas na bukas pa sa malayang kalakal at kompetisyon. Hinalinhan ng unang pormang ito ng “liberalisasyon” ang “merkantilismo” na sinaunang kapitalismo na pumipigil sa malayang kalakalan at pamumuhunan. Ang “merkantilismong” ito ang unang porma ng proteksyonismo ng sistemang kapitalista sa larangan ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.

Ngunit ang “liberalismong” ito, ang orihinal na bersyong it ng malayang kalakalan, pamumuhunan at kompetisyon ang mismong nagbunga ng paglitaw ng monopolyo kapitalismo, ng mga higanteng kapitalistang korporasyon at kartel na nakaipon ng dambuhalang kapital, nasarili ang mahahalagang industriya at nakontrol ang pandaigdigang kalakalan. Ang walang tigil at walang habas na kompetisyon ay nagbunga ng pagbagsak ng mahihinang kapital at pananaig ng malalakas hanggang sa tumungo ito sa antas ng monopolyong kapitalismo.

Ito ang imperyalismo. Ang pag-unlad ng kapitalistang sistema sa yugto ng monopolyo kapitalismo ay epektibong nagwakas sa panahon ng “malayang kompetisyon”. Paglitaw ng monopolyong kapital, hindi na pantay ang kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal na yunit ng kapital dahil walang laban ang pipitsuging mga kapitalista sa mga higanteng kapitalista.

Ang pagtatangkang ibalik ang lumipas na panahong ito ng “malayang kalakalan, pamumuhunan at kompetisyon” sa daigdig ang tinatawag na “neoliberalismo” o makabagong bersyong nang naunang liberalismo noong sumisibol pa lang ang kapitalismo sa mundo.

Pagtatangka itong lansagin ang mga proteksyonistang patakarang ipinundar sa iba’t ibang bansa sa panahon ng paninibasib ng mga MNCs sa 30-taong pagsulong ng kapitalismo matapos ang WW II. Ang “neoliberalismo” ay ang paggugumiit ng monopolyo kapitalismo na halinhan ang nausong “neomerkantilismo” upang buksan ang hangganan ng mga bansa sa “malayang kalakalan at pamumuhunan”.

Ang pagbubukas ng mga ekonomiya o panawagan para sa “open economy” sa panahong ito ng globalisasyon ay parehas ng pagdedeklarang “open city” ang isang lugar sa panahon ng digmaan gaya ng ginawa sa Maynila noong WW II. Ang patakarang “open city” maagang pagsuko bago pa dumating ang mananakop. At ito ang kahulugan ng patakarang “open economy” sa harap ng rumaragasang globalisasyon, sa harap ng pambabraso sa liberalisasyon ng monopolyo kapitalismo. Ito’y maagang pagsuko sa napipintong pananakop.

Halos lahat ng bansa sa APEC ay kanya-kanyang diskarte kung paano paiikutan ang liberalisasyon ito na ang pangunahing nagtutulak ay ang gubyernong US. Ngunit mismo ang US ay numero uno sa pagmamaneobra para paikutan ang liberalisasyong ito habang pinupwersa ang Japan at iba pang myembro ng APEC na pabilisin ang liberalisasyon o “pagbubukas” ng kanya-kanyang ekonomiya.

Bukod-tangi sa ganitong maneobrahan ang Pilipinas. Si Ramos ay nagkukumahog na ideklarang “open city” ang buong Pilipinas, ibinubukaka nang todo-todo ang Pilipinas para sa libreng pagpasok ng dayuhang kalakal at kapital. Habang binibigyan ang mga bansang gaya ng Pilipinas nang hanggang taong 2020 para kumpletuhin ang liberalisasyon, si Ramos nama’y nagyayabang na substansyal niyang tatapusin ang ganitong liberalisasyon sa taong 2004!

Nang ideklara ni Gen. Wainwright ang Manila na “open city”, ito’y matapos ang matinding labanan sa Bataan. Pero ito si Gen. Ramos, nang-iimbita na’y nagmamalaki pang gahasain ng dayuhang kapital ang bansa at bahain ng dayuhang kalakal sa pamamagitan ng “open economy” na patakaraan ng kanyang pamahalaan. At ang kasalukuyang pinuno ng APEC Business Advisory Council (ABAC), si Roberto Romulo – ang anak ni Gen. Carlos Romulo na batikang tuta ng Amerikano – ang pinakamalakas humiyaw sa kupad raw ng liberalisasyong nagaganap at walang tigil sa kakareklamo.

Si Ramos ay walang natutunan at walang pakialam sa aral ng 25-taong karanasan ng Pilipinas sa “parity rights” sa US. Isinalaksak ito ng US sa lalamunan ng sambayanang Pilipino matapos ang WW II. Dehadong-dehado ang Pilipinas sa kasunduang ito ng diumano’y “pantay na karapatan” sa pagitan ng US at Pilipinas sa kalakalan at pamumuhunan.

Noong napakalinaw na ang pagkalugi ng Pilipinas sa kasunduang ito, kahit si Marcos ay naobligang kondenahin ito at paiksiin ang 25 taon dahil talagang kahiya-hiya sa dangal ng bansa at tratadong ito.

Pero heto ngayon si Ramos. Isinasalaksak sa lalamunan ng sambayanang Pilipino ang panibagong bersyon ng “parity rights”, ang internasyunal na bersyon ng “parity rights” na diumano’y magkakaroon ng “malayang kalakalan at pamumuhunan” sa pagitan ng mga bansa ng APEC sa pamamagitan ng liberalisasyon. Sa orihinal na bersyon ng “parity rights”, pinagahasa ng sunod-sunod na pangulo ng Pilipinas ang bansa sa Amerika. At ang tanging maipagmamalaki nila’y sa Amerika lang nila ipinagagahasa ang Pilipinas, tapat sila kay Uncle Sam. Pero itong si Ramos ay handang ipaubaya ang Pilipinas sa lahat ng dayuhan, mas mainam kung sabay-sabay. At ang kanyang ipinagmamalaki, ito’y hindi panggahasa sapagkat kusang-loob at hindi pwersahan.

Kusang loob man o sapilitan, igigiit ng monopolyo kapitalismo sa iba’t ibang bansa ang kanilang kagustuhan (na) pairalin ang neoliberalismo sa patakarang pang-ekonomya para matugunan ang saligang rekisito ng globalisasyon ng mga pambansang ekonomya alinsunod sa istratehiya ng mga TNCs ng internasyunalisasyon ng proseso ng produksyon at ekspansyon ng internasyunal na kapital.

Magagawang tutulan at gapiin ng sambayanan ng iba’t ibang bansa ang mga patakaran ng globalisasyon na maliwanag na pumipinsala sa kanilang pambansang interes. Ngunit kung ang mismong globalisasyon ang kailangang labanan at gapiin, at narito ang saligang pakikibaka, dito’y iisa ang kasagutan: Ang pagkakaisa ng mamamayan ng iba’t ibang bansa laban sa panibagong rekolonisasyon ng mundo ng mga imperyalistang kapangyarihan.

At ang pinakamalakas na pwersang panlipunang maaring magbunsod ng pagkakaisang ito ng mamamayan ng buong daigdig ay ang pagkakaisa ng uring manggagawa sa lahat ng bansa. Kailangang magpanibagong lakas ang internasyunal na kilusan ng uring manggagawa at ang mismong globalisasyon, ang opensibang ito ng internasyunal na kapital ang magbubunsod ng ganitong muling pagbangon at pagsulong. Ang internasyunalismo ng uring manggagawa at mamamayan ng lahat ng bansa ang sagot sa kapitalista at imperyalistang globalisasyong naghahasik ng salot at nagbabanta ng dilubyo ng buong daigdig.

IV. Ang sosyalistang alternatiba at internasyunalistang pakikibaka ang sagot sa globalisasyon.

Maliwanag ang paninindigan ng BMP: Itinatakwil namin ang kabuuang balangkas, pinakalayunin at mga saligang patakaran ng APEC at globalisasyon dahil ito’y sagadsarang anti-manggagawa at anti-mamamayan at pangunahing nagsisilbi sa interes ng mga pusakal na pwersa ng sistemang kapitalista at monopolyo kapitalismo.

Mayroon bang alternatiba ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa globalisasyon ng APEC?

Kung solusyon sa paghihikahos at pagkabusabos ng masang anakpawis ang ating hinahanap, ang alternatiba ay di matatagupuan sa balangkas ng sistemang kapitalista dahil sa mismong sistemang ito nag-uugat ang paghihikahos at pagkabusabos ng masang anakpawis.

Sinumang totoong nagmamalasakit sa kapakanan ng masang anakpawis at seryosong naghahanap ng kalutasan sa malaganap na paghihikahos at pambubusabos sa daigdig ay dapat:

Una. Liwanagin muna kung nasaan talaga tayong panig nakatayo, at magsimula’t tumindig sa panig at interes ng uring manggagawa at masang anakpawis.

Imposibleng makita ang tunay na alternatiba’t solusyon kung tayo’y inuudyakan lang ng awa sa masang anakpawis – mula sa “isang kahig, isang tuka” ay gawin nating “isang kahig, dalawang tuka” ang kanilang miserableng buhay. Wala itong ipinag-iiba sa “trickle down theory” na ibinabahog ng globalisasyon sa uring manggagawa. Ang makagawa ng mabuti sa masa ay maaring makapagpagaan ng konsensya. Pero di nito pinaluluwag, at lalong hindi ito kinakalag, ang kadena ng pagkaalipin.

Kailangang maintindihan ang katayuang panlipunan ng masang anakpawis bilang mga sahurang-alipin ng kapital. At magpasya kung gusto natin wakasan ang ganitong mapang-aliping sistema o pataasin lang ang prsyo ng ganitong pagpapaalipin.

Kailangang maintindihan na ang masang anakpawis ang lumikha ng yamang panlipunan ng mundo. At magpasya kung gusto nating wakasan ang sistemang ang nagpapawis ay naghihintay ng ambon habang naliligo sa yaman at luho ang may-ari ng kapital. O makisuyo lang tayo, na habang nagtatampisaw sa tubo ang kapitalista, ay talsikan naman ng benepisyo ang manggagawa.

Ikalawa. Alamin muna ang tunay na problema at ang totoong ugat nito dahil sa ganitong paraan lang makikita ang tamang alternatiba.

Kung bubuksan lang natin ang isip at di bubulagin ng kung anu-anong kabulastugan, napakadaling makita ang katotohanang sobra-sobra na ang kapasidad ng mundo para mabuhay ng maginhawa ang sangkatauhan. Pero sa lahat ng sulok ng daigdiga ay nagnanaknak ang problema ng karukhaan. Kung ano ang sitwasyon sa apat na sulok ng pabrika, ganito rin ang sitwasyon ng daigdig.

Ang mundo’y parang isang malaking pabrika. Nariyan ang may-ari ng pabrika – ang kapitalista. At ang nagpapaandar ng pabrika – ang masang manggagawa. Mayaman ang kapitalista, kanya ang kapital. At dahil kanya ang tubo, patuloy siyang yumayaman. Mahirap ang mga manggagawa. Kaya nga sila manggagawa dahil sila’y mahirap. Patuloy silang naghihikahos dahil swelduhan lang ng kapital.

Lahat ng tubo ay kinakamkam ng kapital. Ito ang paliwanag ng paghihikahos: Ang yamang likha ng lipunan ay inaari ng iilang nagmamay-ari sa ikabubuhay ng lipunan, at dahil dito, walang ikinabubuhay ang karamihan sa lipunan kundi magpaalipin sa kapital. Ito ang kapitalistang sistema. Ito ang gustong lubusin ng globalisasyon. Gawing dambuhalang pabrika at plantasyon ang buong mundo sa ilalim ng kapangyarihan ng dambuhalang kapital.

Ikatlo. Itaguyod ang isang tunay na pagbabagong panlipunan imbes na magpakalulong sa mga “alternatibang” nangangarap remedyuhan ang mga “depekto” ng kapitalismo.

Ang kapitalismo ay hindi isang sistemang tadtad ng “depekto” kundi ito mismo ang depektibo. Kailangan itong palitan hindi simpleng “remedyuhan”. Ang problema ng kapitalismo ay nasa mismong kalikasan ng kapital. Walang konsensya ang kapital. Ang nagpapagana dito ay lohika – ang lohika ng tubo, tubo at tubo.

At idinidikta ng batas ng kapitalistang kompetisyon na kailangang itong tumubo nang tumubo. Kung hindi, lalamunin ito ng karibal na kapital sa mabangis na gubat ng kompetisyon. Hindi ang personal na ugali ng kapitalista kundi ang obhetibong batas ng kapitalismo ang nagdidikta ng kahayukan sa tubo ng kapital. At ito ang humuhubog sa pagkatao ng kapitalista bilang indibidwal.

Ang BMP ay naninindigang ang kapitalismo ay para sa mundo ng kapitalista. At kung ang masang anakpawis ay naghahanap ng alternatibang sistema, ito ay dapat magmula sa mundo ng paggawa. Ito’y isang sistemang dapat lumutas sa karukhaan ng masang anakpawis at ganap na tumugon sa kapakanan at kinabukasan ng uring manggagawa. Ito’y ang sosyalistang alternatiba. Sinumang nag-iisip ng alternatibang sistema na hindi mula sa mundo ng paggawa at hindi rin mula sa mundo ng kapital ay nasa daigdig ng pantasya.

Gaya ng kapitalismo na nabuo sa sinapupunan ng pyudalismo at iniluwal ng mga kontradiksyon ng sinaunang lipunang ito, ang sosyalismo ay mabubuo rin mula sa sinapupunan ng kapitalismo at iluluwal ng mga saligang kontradiksyon nito. Nang sumibol ang kapitalismo sa mundo, hindi ito isang kompletong sistemang malinaw ang eksaktong itsura sa mga nagpundar nito. Ang proseso ng pag-unlad nito bilang sistema ay hinubog ng aktwal na realidad ng binabago’t hinahalinhan nitong lipunan at ng eksaktong interes ng mga uring nagtataguyod ng kapitalismo. Napasikut-sikot rin ang landas na dinaanan nito, binatbat ng krisis at kontradiksyon, at mismo ang mga naunang promotor ng kapitalismo ay hindi aakalain na ganito ang kasalukuyang magiging itsura nito sa mundo. Ang ama ng kapitalismo ay ni sa hinagap ay hindi naisip na ito’y magiging imperyalismo at magiging isang sistemang pasanin at pasakit sa buong mundo.

Hindi rin dapat hanapin sa mga sosyalista ang isang modelo ng lipunang ating pinapangarap dahil ang pagbabago ay hindi kinakatha ng isip kundi nililikha ng kasaysayan. Mismo nga ang kapitalistang sistema, nang ito’y iluwal sa mundo, ay hindi lamang sa walang modelong sinusundan kundi ni walang maliwanag na pangalan.

Maiguguhit ang simulain ng sosyalismo hindi batay sa mga konsepto ng isang pangarap na lipunan kundi batay sa pagkasuklam natin sa kapitalistang sistema. Ipaglalaban nito ang uring manggagawa hindi dahil sa isang pangarap na paraiso kundi dahil sa paghihimagsik sa impyerno ng kapitalismo. Ang teorya ng sosyalismo ay hindi isang kompletong plano nang lipunang gusto nating ipundar kundi isang komprehensibong kritisismo sa kabulukan ng kapitalismo.

Sinasabing hindi uubra ang sosyalismo dahil sa nangyari sa Unyon Sobyet at iba pang sosyalistang bansa (kung saan) muling nakapanaig ang kapitalismo. Ang mali ay hindi ang sosyalismo kundi ang sosyalistang nagtangkang itayo ito sa batayan ng baluktot na teorya at mga kinopyang modelo. Ang mali ay ang pagmamadaling itayo ito sa mga bansang hindi pa hinog ang kondisyon para sa sosyalismo at laktawan ang istorikong yugto ng kapitalismo. Ang mali ay ang mangarap na magtutuluy-tuloy ang pag-unlad ng sosyalistang bansa nang hindi nagagapi ang dominasyon ng kapitalismo sa mundo at hindi tuluy-tuloy na sumusulong ang mga kilusang manggagawa at kilusang mapagpalaya sa lahat ng bansa.

Ang kapitalismo ay isang pandaigdigang sistema na ngayo’y nilulubos ang pagiging internasyunal sa pamamagitan ng globalisasyon. Ang internasyunal na kapangyarihan ng kapital, kung tutuusin, ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng mga sosyalistang bayan. Hindi tinantanan ng imperyalismo ang pangungubkob at pananabotahe sa mga bansang sosyalistang hanggang sa sumiklab ang kanilang mga panloob na krisis at tuluyang bumagsak.

Sa karanasang ito ng sosyalismo, napakalinaw ng aral. Dahil internasyunal ang kapangyarihan ng kapital, kailangang maging internasyunal rin ang pakikibaka ng uring manggagawa. Ang sosyalismo para tuluyang magtagumpay ay kinakailangang maging pandaigdigan ang saklaw. At ilalatag ng kasalukuyang globalisasyon ang pinakamainam na kondisyon para sa pandaigdigang pakikibakang ito ng uring manggagawa. Ibubunsod ng mismong pandaigdigang kapitalismo ang pandaigdigang pagkakaisa ng masang anakpawis sa lahat ng bansa.

Ngunit hindi ibig sabihin nito’y walang magagawa ang masang anakpawis hanggat ang mga manggagawa ng lahat ng bansa ay hindi nagkakaisa, hanggat hindi nagaganap ang pandaigdigang pagkakaisa ng mamamayan para ibagsak ang mapang-aping sistema. Higit sa lahat, hindi ito nangangahulugang walang saysay ang pang-araw-araw na mga pakikibaka ng uring manggagawa sa bawat bansa kundi hindi naman ito sadyang naglalayong gapiin ang kapitalismo.

Idinidiin ng BMP ang internasyunalismo, hindi lamang dahil narito ang tunay na lakas para gapiin ang kapitalismo bilang pandaigdigang sistema. Idinidiin ito ng BMP sapagkat hindi mapagpasyang magagapi ng manggagawa sa mga bansang gaya ng Pilipinas ang kapitalismo at maitatayo ang sosyalismo sa kani-kanilang bansa hanggat nananatiling malakas ang kapangyarihan ng kapital sa buong daigdig.

Higit sa lahat, idinidiin ng BMP ang sosyalistang alternatbia sa kapitalismo para bigyan ng maliwanag na perspektiba at balangkas ang kagyat na pakikibaka ng manggagawang Pilipino laban sa epekto ng globalisasyon sa bansa.

Kailangang maging maliwanag ang ating pagtutol at paghihimagsik laban sa globalisasyon bilang pagtatangkang magpanibagong lakas ng pandaigdigang kapitalismo at paglulunsad ng pangkalahatang opensiba laban sa uring manggagawa. Ang pagbubuo ng ating paninindigan at paglulunsad ng mga pakikibaka laban sa APEC at globalisasyon ay batay sa independyenteng interes ng uring manggagawa at paghihimagsik natin laban sa pang-aalipin ng kapital.

Hindi natin obligasyon ang haluan at hubugin ang ating paninindigan, kahilingan at pakikibaka nang anumang mga konsiderasyon sa magiging epekto nito sa kapitalistang programa ng pamahalaan at interes ng mga kapitalistang pwersa sa lipunan. Ang uring manggagawa ay dapat tumindig at kumilos batay sa kanyang sariling makauring interes at kapakanan. Kung tayo’y magbibigay ng anumang pasasaalang-alang, ito’y batay pa rin sa dikta ng ating iters at pangangailangan at hindi bilang konsiderasyon sa sistema at sa mga uring nang-aalipin sa masang anakpawis.

Unang-una na, ang pagtataguyod at paghimod ng gobyernong Ramos sa APEC at globalisasyon ay wala man lang konsiderasyon sa magiging masamang epekto nito sa uring manggagawa. Sa APEC at globalisasyon, ang tanging isinasaalang-alang ay ang interes ng kalakalan at pamumuhunan, at wala itong pakialam at walang pakundangan kung masasagasaan ng liberalisasyon, deregulasyon at privatization ang kapakanan ng masang anakpawis basta’t makakilos nang libre’t maluwag ang kalakalan at pamumuhunan.

Kung para sa interes ng kapital ay kailangan ang contractualization, casualization, downsizing, flexibilization, rotation, atbp., lalargahan ito ng gubyerno kahit ang epekto nito’y kawalan ng trabaho para sa mga regular na manggagawa at pagkawasak ng mga unyon na pinaghirapan nating itayo. Kung para sa interes ng kapital ay kailangang pamurahin at baratin ang halaga ng sweldo at benepisyo, at wawasakin ang mga unyon na nakikibaka para tutulan ito, lalargahan ito ng gubyerno, kahit na alam na alam nito ang ating paghihikahos.

Kung walang konsiderasyon at malasakit ang gubyerno at mga kapitalista sa ating mga manggagawa, bakit tayo pa, na laging agrabyado at inaabuso, ang magbibigay ng konsiderasyon sa kanila sa pagbubuo ng ating mga kahilingan at paglulunsad ng pakikibaka.

Ikalawa, hindi natin obligasyon ang mag-isip ng mga paraan kung paano magiging “competitive” ang lokal na mga kapitalista dahil ni hindi nga nila pinuproblema kung paano mabubuhay ang mga napapatalsik sa trabaho at ang mga manggagawang binabarat nila ang sweldo. Kung ang mga kapitalista ay walang iniisip kundi ang kanilang negosyo at kita, bakit tayong mga manggagawa ay sisitahin kung itinutuon natin ang ating isip sa umento at benepisyo. Napakalinaw ng pagkiling at pagpanig ng gubyerno sa kapital. Pati ba naman tayong inaalipin ng kapital ay gusto rin obligahin ng gubyernong magmalasakit at unahin ang konsiderasyon ng kapitalismo?

Kung ang mga kapitalista ay “kumakapit sa patalim” ng subcontracting, atbp dahil sa igting ng kompetisyon, di ibig sabihin ay wala silang kasalanan dahil hindi nila sinasadya ang maging malupit at sakim. Ang katotohana’y mulat nilang dinisisyunang itarak ang “patalim” sa likod at dibdib ng uring manggagawa para maging “competitive” ang kanilang negosyo at patuloy na magkamal ng tubo mula sa mas murang lakas-paggawa.

Hindi nababawasan ang kalupitan at kasakiman ng indibidwal na mga kapitalista sa palusot na sila’y sumusunod lang sa batas ng kapitalismo at dikta ng negosyo. Pinatutunayan lamang nito kung gaano kalupit at kasakim ang sistemang kapitalista, kung gaano ito kahayok sa tubo at walang pakundangan sa kapakanan ng uring manggagawa.

Hindi lang mahalaga, kundi mapagpasya ang tama’t matatag na pagpusisyon sa usapin ng APEC at globalisasyon kung kaninong panig tayo tumitindig, kaninong interes ang ating ipinaglalaban. Ito ay usapin ng interes at hindi simpleng usapin ng “tama” at “mali”.

Ang magkakaiba’t magkakasalungat na interes ay nangangahulugan ng magkakaiba’t magkakasalungat na pananaw sa usapin ng “tama” at “mali”. Walang mararating ang anumang diskusyon sa “katumpakan” o “kamalian” ng globalisasyon dahil kailanman ay di magsasalubong ang magkasalungat na punto de bista na nakabatay at nagmumula sa magkasalungat na interes. Hindi mananaig ang isang panig dhial ito ang kinikilalang “tama” ng kabilang panig. Ito’y mananaig dahil sa pwersa ng lakas at di dahil sa pwersa ng katwiran. Kung may mararating na pagkakasundo, ito’y di dahil sa diskusyon ng “tama” at “mali” kundi dahil sa timbangan at tagisan ng lakas.

Walang unibersal na pamantayan kung ano ang “tama” at “mali” sa tunggalian ng interes ng kapital at paggawa. Hindi ito simpleng debate sa antas ng katwiran kundi aktwal na kontradiksyon batay sa realidad ng mapagsamantalang relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa. At sa relasyong ito, ang mapagpasya ay hindi ang pwersa ng katwiran kundi kung sino ang makapangyarihan. Maihahapag natin ang lahat ng makatwirang paliwanag kung bakit “mali” ang globalisasyon dahil sa kasamaang idudulot nito sa masang anakpawis. Pero sa ultimong pagsusuri, hindi ang katarungan ng ating ipinaglalaban ang magiging mapagpasya kundi ang kapangyarihan ng ating pagkakaisa at pakikibaka.

Mensahe sa SLAM-APEC - ni Ka Popoy Lagman

Message to the Solidarity of Labor
Movement Against APEC (SLAM-APEC)
ni Ka Popoy Lagman

Bago pa ako dinukot ng militar noong Nobyembre 12, (1996) sinabi na sa akin na assignment ko na talakayin ang balangkas ng globalisasyon para sa ating Kumperensya.

Hindi ko naman agad naharap ang paghahanda sa dami ng trabaho. Bagamat may mga senyales na malapit nang mahibang, di ko rin inakala na tuluyang maghuhuramentado si Ramos at ako’y ipakukulong.

Kaya’t humihingi ako ng paumanhin sa anumang kakulangan ng mensahe kong ito na minamadali kong tapusin. Dahil habang sinusulat ko ito dito sa Kampo Aguinaldo, medyo ako’y nanghihina na rin dahil sa 10 araw na hunger strike at ang laman ng aking katawan ay puros na lang usok ng sigarilyo.

Mga kasama, pwede nating pasukin ang paksa ng globalisasyon mula sa dalawang entrada. Una’y sa usapin ng “intensyon”, at ikalawa, sa usapin ng “epekto”.

Ang tinutukoy ko sa una ay sino ba ang may pakulo ng globalisasyon at ano ang kanilang totoong intensyon.

Gusto kong magsimulang tastasin ang globalisasyon mula sa entradang ito dahil ito ang natural na dapat nating pagsimulan, Dito pinakamadaling mabistahan ang klase ng mundo na gustong gawin ng APEC. Kapag maliwanag sa atin kung kaninong kagagawan ito at ano ang totoong intensyon, sa minimum, ay dapat magduda na tayo.

Sinasabi kong “magduda” na tayo, pero hindi ibig sabihin ay lumundag na agad sa “kongklusyon”. Mali rin naman na gumagawa tayo ng “kongklusyon” batay lamang sa mga intensyon, batay lamang sa mga pagdududa.

Kaya’t kailangang pasukin natin ang usapin ng “epekto” at dito natin buuin ang matitibay na kongklusyon. Dito natin ibatay, mga kasama, ang pinakamatinding kondemnasyon at pinakamaliwanag na pagtatakwil sa balangkas, nilalaman at nilalayon ng APEC at globalisasyon.

GLOBALISASYON: PARA KANINO?

Magsimula tayo sa tanong na: Sino ba ang pasimuno ng APEC?

Sabi ng gubyerno, inisyatiba raw ito ng Australia, pero umandar nang husto nang i-host ni Clinton ang unang Leaders Summit ng APEC sa Seattle noong 1993 kung saan nabuo ang “vision” ng APEC na isang “Asia Pacific economic community”.

Kapirasong pisngi lang ng katotohanan ang ipinasisilip ng ganitong sagot. At hanggang dito na lang ang paliwanag ng gubyerno, halatang-halata na mayroong mas malalim na katotohanang itinatago.

Mismo ang midya ay ayaw man lang kalkalin ang buong katotohanan kung sino talaga ang pasimuno ng APEC, sino talaga ang pwersang nagtutulak sa mga organisasyong gaya ng APEC.

Parang gustong palabasing basta dinapuan na lang at tinubuan ng puso ng mga lider ng mga bansang myembro ng APEC ng mga busilak na intensyon na mag-akbayan ang mga bansa sa diwa ng internasyunal na kooperasyon at pangkalahatang kagalingan ng mamamayan sa Asia-Pacific.

Mas interasado ang midya sa mabentang mga balita kaya’t nahuhulog sila sa sensasyonalismo, at hindi kung ano ang mg isyu na dapat malaman ng tao. At simple rin ang paliwanag kung bakit sila ganito. Ang nagpapagalaw rin sa midya, sa ultimong pagsusuri, ay hindi ang interes ng serbisyong publiko kundi ng batas ng negosyo, ang batas ng kapitalismo, ang batas ng kompetisyon at komersyalismo.

Kaya’t mga kasama, matuto tayong huwag basta magpapaniwala sa mga deklarasyon ng intensyon dahil ang daang papuntang impyerno ay hinahawan ng magagandang intensyon, at kung makakain lang ng langgam, nalaman na sana ang buong mundo dahil ito’y nababalot ng matatamis na salita na gumagago sa ating mga manggagawa.

Sa tanong na sino ang pasimuno ng APEC, sagutin natin ito batay sa maliwanag na layunin ng APEC. At ito’y walang iba kundi ang “globalisasyon”.

Kaya’t sa tanong na sino ang pasimuno ng APEC, ang mas eksaktong tanong ay sino ang pasimuno ng “globalisasyon” na siyang dahilan ng pag-iral at pagkakabuo ng APEC. At sa tanong na ito, ang sagot ay hindi si Howard ng Australia at ni hindi rin si Clinton ng Amerika.

Bago pa nabuo ang APEC ay nagsisimula na ang globalisasyon, mayruon nang mga makapangyarihang mga pwersang nagtutulak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Sila ang tunay na pasimuno ng APEC. Sila ang may gawa ng vision, goals, adyenda at plans ng APEC. Sila ang tunay na may interes sa APEC.

Sino sila? Sila ay ang tinatawag na mga TNCs o transnational corporations sa buong daigdig na umaabot sa bilang na 40,000 at kumukontrol sa 2/3 ng pandaigdigang ekonomiya, ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.

Bago pa nabuo ang APEC, bukambibig na nila ang salitang “globalisasyon” dahil ipinatutupad na nila ito sa pandaigdigang saklaw. Kinakatawan ng “globalisasyong” ito ang bagong istratehiya ng TNCs — ang internasyunalisasyon ng kanilang proseso ng produksyon na tumatawid sa hangganan ng mga bansa at tinatampukan ng contractualization ng iba’t ibang bahagi ng kanilang produksyon na nakabudbod sa iba’t ibang bansa.

Ang mismong ILO-Asia Pacific Regional Office ay nagsabing ang pang-ekonomyang globalisasyon ay pangunahing resulta ng bagong istratehiya ng mga TNCs at ang ubod ng globalisasyong ito ay ng istratehiyang ito ng mga TNCs. Ang ating tanong: Bakit hindi aminin ng gubyerno ang katotohanang ito, bakit itinatago ng gubyerno ang katotohanang ito?

Sa puntong ito’y mahalagang liwanagin. Ang “globalisasyong” ito, ang bagong istratehiyang ito ng mga TNCs ay hindi simpleng kathang-isip na nadiskubre ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo, resulta ng kasalukuyang kalagayan at pag-unlad ng pandaigdigang sistemang ito.

Mahalagang idiin ang puntong ito para basagin ang parating paratang sa atin, na eto na naman tayo sa ating “conspiracy theory”, na isa na namang simpleng “pakana ng imperyalismo” ang APEC laban sa buong mundo.

Minsan ay di rin masisisi ang mga nagbibintang ng ganito dahil totoo namang may isang grupo sa ating hanay na masahol pa sa isang “kulto” sa bundok ng Banahaw na ang tingin lagi sa mga pangyayari sa mundo ay isang “pakana” at walang nang ginawa kundi dasalin ang kanilang rosaryo ng mga islogan na pinaglumaan na ng panahon. At dahil nga isang “kulto”, ang paniwala nila’y sila lang ang dalisay, sila lang ang laging tama, at ang iba’y peke at mali. Isa sa mga panatikong obispo ng kultong ito ay kababayan ko sa Albay na mukhang sa tagal sa kabundukan ay nahawa na sa kukute ng isang baboyramo sa kagubatan.

Pasensya na mga kasama kung hindi ko mapigil na hindi sikwatin ang grupong ito dahil kung tutuusin, sila ang pinakamabisang propagandista ni Ramos laban sa rebolusyonaryong kilusan at laban sa kilusang manggagawa. Ang grupong ito ang nagbibigay ng masamang imahe sa mga militanteng organisasyon at mukhang ang sumpa sa sarili ay idadamay ang lahat sa kanilang pagkawasak na kanila ring kagagawan.

Bumalik tayo sa ating paksa. Gusto kong idiin na mali na tanawin na ang globalisasyon ay isang simpleng “panibagong pakana ng imperyalismo” kundi ito’y isang panibagong istratehiya ng kapitalismo na nagmula sa realidad ng kasalukuyang pag-unlad ng ganitong pandaigdigang sistema.

May dalawang aspeto ang realidad na ito. Una, ang realidad ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo na nagsimula pa noong 1974 at nagpapatuloy hanggang ngayon sa mga industriyalisadong bansa, at siyang sinisikap na alpasan sa pamamagitan ng globalisasyon. Ikalawa, ang malaking pagsulong sa larangan ng teknolohiya bunga ng mga pagsulong sa microelectronics, computer science, telecommunication at biotechnology. Ang mga pagsulong na ito sa teknolohiya ang nagbigay daan para sa mga TNCs na magawa nito ngayon ang internasyunalisasyon, hindi na lang ng kanilang operasyon, kundi ng mismong proseso ng produksyon na siyang tunay na kahulugan ng globalisasyon at siyang tunay na tinutugunan ng globalisasyon.

Bakit mahalagang maintindihan ang dalawang puntong ito? Sapagkat ipinaliliwanag nito ang penomenon ng globalisasyon, hindi sa balangkas ng isang “imperyalistang pakana” kundi mula sa realidad ng obhetibong sitwasyon ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo.

Mga kasama, bumalik tayo ngayon sa usapin ng “intensyon”. Saan natin ngayon ilulugar o kakalkalin ang ipinagmamalaki ni Ramos na “diwa ng internasyunal na kooperasyon” na nagbibigkis sa APEC at siyang magsusulong diumano sa Pilipinas at sa mga bansa ng Asia Pacific sa landas ng progreso at prosperidad pagpasok ng darating na bagong siglo?

Kung mga TNCs ang promotor ng globalisasyon at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, kung ang may gawa ng vision, goals, agenda at plans ng APEC ay ang mga representante ng malalaking negosyante sa Asia Pacific — paanong mangyayaring ang kanilang intensyon ay “progreso at prosperidad” para sa mamamayan, paanong mangyayaring ang kanilang inspirasyon ay ang diwa ng “international cooperation”?

Mga kasama!

Hindi ba’t ang mga kapitalistang ito, ang mga negosyanteng ito ang dahilan ng ating paghihikahos at pagkabusabos dahil sa kanilang kasakiman sa tubo, dahil kinakamkam at sinasarili nila ang yaman na mula sa ating pawis at pagod?

At ngayon, sasabihin ng punyetang gubyernong ito, na ang mga kapitalistang ito — sila na nagpapahirap sa atin, sila na nang-aapi sa atin, sila na kung tratuhin tayo ay basura at alipin, sila na walang ginawa kundi magpasarap sa ating pinagpaguran, sila na nabubuhay sa kasaganahan habang ang ating pamilya ay naghihikahos, sila na walang pakialam kung magdildil tayo ng asin sa karampot nating suweldo, sila na walang pakialam kung tayo’y magugutom kapag pinatalsik nila sa trabaho, sila na kung durugin ang ating mga unyon ay parang dumudurog lamang ng mga ipis, sila na hindi man lang makonsensya na mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga aso kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa, sila na natutulog nang mahimbing kahit alam nilang nagugutom ang ating mga pamilya at di mapag-aral ang mga anak pero kapag lumiliit ang kanilang tubo at nalulugi ang kanilang kompanya ay binabangungot — ang mga tao bang ito, mga kasama, ang mga kapitalista bang ito, mga kasama, ang magliligtas sa atin sa impyerno ng karukhaan at magdadala sa atin sa paraiso ng kasaganahan!! Mga kasama, niloloko at ginagago tayo ng baliw at inutil nating gubyerno!

Gusto bang palabasin ng gubyerno na ang kaluluwa ng mga kapitalistang ito ay biglang sinaniban ngayon ng diwa ng internasyunal na kooperasyon, at sila ngayon ay magtutulungan para sa kaunlaran at kasaganahan ng mamamayan? Mga kasama! Kailan nangyari ang milagrong ito, anong petsa, anong araw? Kailan bumuka ang langit at naghulog ng kabutihang loob na sinambot ng lahat ng puso at budhi ng uring kapitalista? Mga kasama, kung ito’y totoo, malamang, ang buong APEC ay myembro na rin ngayon ng El Shaddai ni Brother Mike!

Eh mismo nga ang mga kapitalistang Pilipino ay nagpapatayan sa kompetisyon at handang patayin sa gutom ang kanilang mga manggagawa para lamang makaungos at kumita sa panahong ito ng globalisasyon, tapos palalabasin pa ngayon ng gubyerno, na ang kapitalistang Amerikano, ang kapitalistang Hapon, ang kapitalistang Intsik, at kung sinu-sinong mga kapitalista, ay magtutulong-tulng ngayon para umunlad ang lahat at gumanda ang buhay ng ordinaryong mamamayan sa Asia Pacific! Mga kasama! Kung naniniwala si Ramos sa kahibangang ito, hibang na nga ang ating pangulo!

Sabi ng mga tagapalakpak ng APEC, bigyan daw natin ito ng tsansa, bigyan daw natin ng tsansa ang gubyerno. Kung buladas lang ang APEC, at hanggang buladas lang, hindi natin ito pag-aaksayahan ng panahon. Kung gusto lang magpasikat ni Ramos sa pandaigdigang entablado, walang problemang pagbigyan siya sa kanyang hilig na kumpetensyahin ang tabako ni Fidel Castro.

Ang problema, hindi simpleng buladas ang APEC na lilipas na lang na parang mabahong hangin matapos ang okasyon sa Subic. Hindi simpleng gusto lang magpasikat ni Ramos sa Subic na dapat ikarangal ng mga Pilipino kung susundin ang baluktot na konsepto ng patriyotismo na itinuturo sa atin ng gubyerno. Ni hindi ito usapin ng bantog na hospitalidad ng mga Pilipino dahil dadalawin ang ating bansa ng libu-libong dayuhang delegado.

Ang nakataya sa APEC ay ang kabuhayan at hanapbuhay ng manggagawang Pilipino, ang kinabukasan at kihihinatnan ng sambayanang Pilipino, at ang patuloy na pagkabusabos at paghihikahos ng masang anakpawis sa buong daigdig. Ito ang tunay na isyu sa APEC, ang tunay na epekto ng globalisasyon sa masang anakpawis.

ANG EPEKTO NG GLOBALISASYON

Sa walang tigil na daluyong ng propaganda ng gubyerno sa APEC, ano na ang ating narinig na direktang kabutihang idudulot nito sa masang anakpawis na tuwirang karugtong ng saligang patakaran ng APEC, ang patakaran ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan?

Kapag liberalisado na ang kalakalan, magmumura daw ang mga produkto, kahit mga imported, at tataas ang kalidad dahil sa kompetisyon, at makikinabang raw dito ang ordinaryong mamimili. Kapag liberalisado na ang pamumuhunan, dadagsa raw sa Pilipinas ang mga dayuhang imbestor at maiibsan ang problema ng kawalang trabaho.

Walang sinasabi ang gubyerno sa masamang epekto ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan para sa masang anakpawis, tungkol sa mas malaki at mas pundamental na katotohanan ng liberalisasyong ito na siyang pangunahing instrumento para sa pang-ekonomyang globalisasyon.

Hindi sinasabi ng gubyerno kung ano ang magiging epekto sa mga manggagawa at magbubukid, at sa ating lokal na industriya at agrikultura, kapag lubusan nang binuksan ang bansa sa dagsa ng mga dayuhang kalakal.

Hindi sinasabi ng gubyerno kung paano niya aakitin sa bansa magnegosyo ang mga dayuhang imbestor imbes na sa ibang bansa ng Asia Pacific at ano ang magiging epekto nito sa mga manggagawa at sa mga lokal na negosyante.

Para sa mga manggagawa, kaunting pagkukunot lang ng noo ay maiisip na natin kung ano ang magiging epekto nito, dahil katunayan, nararamdaman na natin ito na parang salot na lumalaganap sa ating hanay. At kung tutuusin, mga kasama, nagaganap na ito sa buong mundo, mismo sa US — ang sinasabing pinakamayaman at pinakademokratikong bansa sa daigdig — at dinidilubyo ng globalisasyon ang manggagawang Amerikano.

Ito’y ang pagbagsak ng tunay na halaga ng ating suweldo, ang pagbagsak ng labor standards, ang pagbagsak ng mga unyon na dulot lahat ng globalisasyon. Ito ang pangunahin at tunay na epekto ng globalisasyon na itinatago at binabalewala ng gubyerno.

Ano ang koneksyon ng liberalisasyon at globalisasyon sa ganitong pangyayari?

Para maakit ng Pilipinas ang mga dayuhang imbestor, hindi lang kailangang ibukaka ng bansa ang kanyang likas na yaman kundi gawing baratilyo ang ating lakas-paggawa. Kung hindi, baka sa ibang bansa sila mamuhunan kung saan mas mura ang paggawa, mas maraming oportunidad at mas istable ang kalagayan.

Kapag nagsimula nang dumagsa ang mga dayuhang kalakal, siguradong napakaraming kompanya ang mababangkrap at magsasara dahil hindi makalaban sa kompetisyon at ang magiging epekto nito ay pagdami ng walang trabaho habang maraming kapitalista ay kakamby na lang sa trading o kalakalan, magiging importer na lang ng mga yaring produkto.

Ang mga kompanya naman na mangangahas lumaban, ang siguradong diskarte nila, kasabay ng modernisasyon ng produksyon, ay magbabawas ito ng mga empleyado (downsizing) at gagawa ng iba’t ibang diskarte para mapamura ang labor cost, gaya ng contractualization at casualization, samantalang pinaiigting ang produksyon at akumulasyon.

Kapag liberalisado na ang kalakalan at pamumuhunan sa buong mundo, iigting nang walang kasing-igting ang pandaigdigang kompetisyon ng mga kapitalista sa kanilang agawan sa pandaigdigang pamilihan. Ang kompetisyon ito ay hindi lamang pagalingan ng produkto, ito’y pamurahan ng magkakaribal na produkto.

At sa pandaigdigang kompetisyong ito ng kapital at kalakal, ano ang mapagpasya? Ito ay ang presyo ng paggawa, ang labor cost, sapagkat ang nagtatakda ng halaga ng mga kalakal ay ang paggawa at ang mapagpasyang salik sa akumulasyon ng kapital ay ang sobrang-paggawa sa anyo ng tubo.

Ito ang paliwanag kung bakit sa Pilipinas at sa buong daigdig ay bumabagsak ang halaga ng sweldo at mga benepisyo, kung bakit sa buong Pilipinas at sa buong daigdig ay bumabagsak ang labor standards, binabawi ang halos lahat ng pagsulong ng kilusang manggagawa sa nagdaang isang daang taon. Pero bakit pati ang mga unyon ay nawawasak, ang mga kasapian ng mga unyon sa napakaraming bansa ay bumabagsak?

Mga kasama, pagtatakhan pa ba natin ito?

Ang mga unyon ang nakikibaka para maitaas ang sweldo at maparami ang mga benepisyo ng mga manggagawa. Kung anuman ang mga labor standards na naaabot sa buong daigdig at sa bawat bansa, ito ay dahil sa kilusang unyon, at sa partikular, sa militanteng unyonismo.

Natural lamang na ang direksyon ng pangunahing dagok ng kapital ay walang iba kundi ang unyonismo sa paghahanap nito ng mas murang paggawa. Hindi ba’t sa lahat ng “Regional Industrial Centers” ng gubyernong Ramos, ang patakaran nito ay “no union, no strike” para maakit ang lahat ng klase ng imbestor? Dahil ang unyonismo ay palakol sa lalamunan ng bawat kapitalista na walang ibang hangad kundi ang mas malaking tubo at walang ibang kinahihibangan kundi ang kapitalistang kompetisyon at akumulasyon.

Mga kasama! Gugunawin ng mundo ng kapital sa pamamagitan ng globalisasyon ang mundo ng unyonismo. Kung tayo’y magsasawalang-bahala at magsasawalang-kibo, magigising na lang tayong ginagapang ng contractualization at casualization ang ating hanay, binabayo ng retrenchment, ginigiling ng rotation, dinudurog ang unyon, inaalisan ng karapatang magwelga. Kapag hindi pa tayo gumalaw para pagkaisahin ang ating hanay, babawiin ng kapital ang lahat ng nagdaan at naipon nating mga tagumpay at ibabalik tayo sa panahong maghihintay na lamang tayo ng limos mula sa ating mga kapitalista kapag umaapaw na ang kanilang mga bulsa sa tubo. Maghihintay na lamang tayong “pumatak” ang benepisyong ipinapangako ng kanilang teoryang “trickle down”.

Sa teoryang ito umiinog ang pangakong benepisyo ng globalisasyon. Kapag umasenso raw ang negosyo, aasenso rin daw tayo. Totoo ba ito mga kasama? Pagkarami-rami nang kapitalista ang nakita nating umasenso. Pero kinakitaan man lang ba natin ng totoong pag-asenso ang kanilang mga manggagawa kung di dahil sa unyonismo? Ilan daang taon na ang kapitalismo. Nang magsimula ang kapitalismo, isang kahig, isang tuka ang mga manggagawa. Hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin tayo. Samantalang ang kapital, tumubo nang tumubo, lumago nang lumago, kinakamkam nang kinakamkam ang likhang yaman ng masang anakpawis sa buong mundo. Kung hindi ito totoo, paano nangyaring ang kabuuang ari-arian ng 358 na bilyonaryo sa mundo ay katumbas ng taunang kita ng 2.4 bilyon na tao sa buong daigdig? Ito ba ang “trickle down”?

Pasalamat raw tayo sa kapital sapagkat kung hindi dahil dito wala tayong trabaho, kung wala tayong trabaho, tayo’y magugutom, walang ipapakain sa ating mga pamilya. Ito ang pinakamasakit na kabalintunaan ng kapitalismo. Tayo ang bumubuhay sa ating mga kapitalista, tayo ang bumubuhay sa lipunan, sa ating pawis at lakas nagmumula ang likhang yaman ng daigdig. Pero paano nangyaring tyao na siyang bumubuhay sa lipunan at siyang lumilikha ng yaman, ay hindi mabubuhay kung wala ang kapital? Sapagkat inaari ng kapitalista ang ating ikabubuhay — pag-aari nila ang mga pabrika, ang mga makina, ang hilaw na kalakal, ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan. Ang pagmamay-ari nilang ito sa mga kagamitan sa produksyon ng lipunan ang tinatawag na kapital. At dahil lamang dito — dahil pag-aari nila ang ikabubuhay ng lipunan, dahil lamang sa konseptong ito ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon ng lipunan — at dahil wala tayong pag-aari bukod sa ating lakas-paggawa, nasa kanliang pagpapasya na kung tayo’y magugutom o hindi, kung mabubuhay o hindi ang ating mga pamilya.

Ito, mga kasama, ang kapitalistang sistema, ang sistema ng sahurang pang-aalipin — alipin tayo ng sistemang ito ng pasweldo dahil kung hindi tayo mamasukan sa kapitalista, kung hindi natin ibebenta ang ating lakas-paggawa kapalit ng sweldo, ng karampot na sweldo, tayo at ang ating mga pamilya ay mamamatay sa gutom. Ito, mga kasama, ang sistemang kinakatawan ng globalisasyon, ang sistema ng sahurang pang-aalipin na sa ilalim ng globalisasyon ay gusto pang barating ang ating sweldo, gustong baratin ang ating pagpapaalipin.

Mayoong bang alternatiba sa globalisasyon? Ang alternatibang ito ay di matatagpuan sa balangkas ng kapitalismo, sa balangkas ng patuloy na paghahari ng kapital sa paggawa. Sa loob ng balangkas ng sistemang kapitalista, ang tanging magaawa natin ay pagandahin ang kondisyon ng ating pagpapaalipin, dekorasyunan ng mga benepisyo, pataasin ang preyso ng ating pagpapaalipin, ngunit alipin pa rin tayo ng kapangyarihan ng kapital. Hanggang dito na lamang ang nagagawa ng unyonismo. Mapait mang aminin, masakit man sabihin, ang CBA ay negosasyon lamang sa terms and conditions ng ating pagpapaalipin sa kapital.

Ngunit kailangan natin ang unyon, kailangan natin ang unyonismo. Kailangan natin ito hindi lamang para labanan ang sukdulang pang-aalipin ng kapital. Kailangan natin ito, higit sa lahat, para bawiin ang ating dignidad, matutong makibaka, matutong magkaisa hanggang sa mabuo natin ang kapasyahang lampasan ang limitasyon ng unyonismo at yakapin ang pangangailangan ng makauring pagkakaisa, ang pagkakaisa ng lahat ng manggagawa saan mang linya ng industriya, para wakasan ang mapagsamantalang lipunang di makatarungan at di makatao.

Ano ang lipunang makatarungan at makatao? Ito ay isang lipunang ang mga instrumento sa produksyon ng lipunan — ang lupa, ang pabrika, ang mga makina, ang mga hilaw na materyales — ay hindi inaari ng iilan para gamiting instrumento ng pagsasamantala sa nakararami. Sa bawat pabrika, hindi maaring sabihin ng isang manggagawa na gawa niya ang isang produkto dahil nagdaan ang produktong ito sa kamay ng iba’t ibang manggagawa, sa loob at labas ng kanyang pabrika. Ang produksyon sa ilalim ng kapitalismo ay produksyon ng buong lipunan, sosyalisadong produksyon. Hindi maaring sabihin ng isang manggagawa na siya lang ang may gawa ng isang produkto dahil ginawa ito ng maraming manggagawa. Pero mayroong isang tao na may pribilehiyo na sabihing kanya, pag-aari niya ang produktong ito na gawa ng maraming tao — ang taong ito ay ang kapitalista.

Sosyalisado ang produksyon, pero pribado ang pagmamay-ari sa produkto ng lipunan — ito ang kapitalismo. At sa ilalim ng globalisasyon, hindi na lang sosyalisado ang produksyon kundi internasyunalisado na ang proseso ng produksyon. Masasabi na nating produkto ng sangkatauhan ang produkto ng globalisasyon. Pero nananatili pa ring pag-aari ng mga may-ari ng kapital, pag-aari ng iilan ang pinagpaguran ng masang anakpawis sa buong daigdig. Ang kulang na lang ay ariin at pakinabanang ng sangkatauhan ang pinagpaguran ng sangkatauhan. Ito ang tunay at tanging globalisasyon na maari nating itaguyod. Ito ang sosyalismo.

Tanong at Sagot sa Globa - ni Ka Popoy Lagman

Tanong at Sagot Hinggil sa Globalisasyon

ni Ka Popoy Lagman

Sikat at popular ang terminong globalisasyon. Lagi itong madidinig sa radyo’t telebisyon at mababasa sa libro’t pahayagan. Laging mapapakinggan ang mga opisyal ng pamahalaan at mga kinatawan ng manedsment na inuusal ang salitang ito. Anila’y ito ang ruta sa pag-unlad ng bansa. Diumano’y ito ang paraan sa pag-ahon sa kahirapan.

Mahirap na basta na lang maniwala sa sabi-sabi. Laluna’t mula sa mga taong iba ang uring pinagmumulan at kinakatawan kaya’t maaasahang ang kanilang pananaw ay nag-uugat sa interes at kapakanan ng kanilang uri.

Isang nesesidad para sa uring manggagawa na bumuo ng sariling paghuhusga sa globalisasyon. Isang pagsusuri’t pananaw na obhetibo at syentipiko subalit nagmumula sa sariling punto-de-bista at makauring interes.

1. Ano ba ang globalisasyon?

Simulan natin ang pagsusuri sa globalisasyon sa malinaw na pag-unawa sa kahulugan ng salitang ito. Sa pinakasimple pero pinakaesensyal na kahulugan, ang globalisasyon ay ang integrasyon ng mga pambansang ekonomiya sa iisang pandaigdigang ekonomiya. Tinutukoy nito ang proseso ng internasyunalisasyon ng produksyon at distribusyon ng mga produkto at serbisyo na kailangan ng lipunan. Ang tinatawag na globalisadong ekonomiya ay ang kabuuan ng kawing-kawing na mga ekonomiyang nag-uugnayan.

Ang pangkaraniwang produkto sa panahong ito ng globalisasyon ay nililikha hindi sa iisang bansa kundi sa maraming bayan at ibebenta ito sa iba pa ring mga bansa. Halimbawa, ang pagdidisenyo ng mga semiconductor chip at pagmamanupaktura ng mga basic wafer ay maaring gawin sa headquarters ng Motorola sa US. Ang cutting ng mga wafer at assembly ng mga computer chip ay magaganap sa mga planta nito sa Malaysia. Dadalhin pa muna ang mga ito sa Singapore para i-testing bago tuluyang iluwas ang mga yaring computer chip sa mga pagawaan ng Acer sa Taiwan upang ikabit sa buong mga computer kasama ang iba pang mga pyesa na nagmula sa sari-saring bansa. Ang kumpletong mga computer naman ay maaring ibyahe sa Amerika o dalhin sa iba pang bansa upang doon ibenta.

Ganito ang sistema sa panahon ng globalisasyon. Ito ang takbo ng tinatawag na globalisadong ekonomiya. Ang assembly line ay mistulang nakalatag sa apat na sulok ng daigdig. Ang pamilihan ng mga kalakal ay ang buong mundo. Hindi kalabisan ang sabihing ang mga kalakal ay likha ng kolektibong paggawa ng uring manggagawa ng daigdig.

Bunga ng globalisasyon, maaring sabihing napakahirap kundi man imposibleng umiral nang nag-iisa at nakahiwalay ang isang bayan sa iba pang bansa at sa kabuuang pandaigdigang ekonomiya. Iniimport ng bawat bansa ang marami sa kanyang mga pangangailangan at inieksport naman ng mga produkto at serbisyo na kailangan ng ibang bayan. Ang kapital ay madaling pumasok sa isang bansa para ipuhunan at maluwag din naman na lumikas para inegosyo sa ibang bayan.

Ang mga bansa bago sumulpot ang globalisasyon ay gaya ng isang dating magbubukid na nabubuhay sa nakasasapat-sa-sariling pagsasaka. Sa ganitong sistema ng pamumuhay, ang kalakhan ng mga nesesidad sa buhay ng magsasaka—gaya ng pagkain at damit—ay mismong siya ang gumagawa. Ang kaniyang ani ay kinokonsumo ng kanyang pamilya imbes na ibinebenta. Ang isang modernong magsasaka ay hindi na ganito ang pamumuhay. Ang mga materyales mismo sa pagsasaka ay kinukuha sa pamilihan—punla, abono at traktora. At ang ani ng magsasaka ay ibinebenta sa palengke para may ipambili naman ng sari-saring pangangailangan niya sa buhay. Ganito na rin maihahalintulad ang ekonomiya ng isang bansa sa panahon ng globalisasyon.

Totoong ang pandaigdigang pangangalakal at pamumuhunan ay matagal nang umiiral bago pa ang panahong ito ng globalisasyon. Kahit noong kapanahunan ni Hesu Kristo at Marco Polo ay mayroong kalakalan sa malawak na bahagi ng daigdig. Gayunman, iilang produkto lang ang ikinakalakal at mismong eksepsyon ang magbenta’t bumili ng mga pangangailangan sa buhay. Dagdag pa, may kalakalan pero walang pamumuhunan, may mga alipin pero walang mga manggagawa noong panahong iyon. Pero kahit pa noong naitatag na ang makabagong lipunan, ang sistemang kapitalista, ang saklaw ng kalakalan at pamumuhunan ay di pa rin gaya ngayon. Hanggang dekada 1970, karamihan ng mga produktong kinokonsumo sa isang bansa ay nilikha sa mismong bansa. Pero sa dekadang ito, unti-unti nang nagsimula ang proseso ng globalisasyon ng mga ekonomiya.

Ang bilis ng proseso ng globalisasyon ay makikita sa datos sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Ang paglaki ng pandaigdigang kalakalan ay isa’t kalahating beses kaysa paglaki ng pandaigdigang produksyon. Ibig sabihin, papalaking bahagi ng nalilikhang mga kalakal sa mundo ang iniluluwas sa ibang bayan kaysa kinokonsumo sa mismong bansa. Hindi lang iyon. Ang paglaki ng pandaigdigang pamumuhunan ay doble kaysa paglaki ng pandaigdigang produksyon. Nangangahulugang mabilis at matindi ang galaw ng kapital na naghahanap ng lugar na pagtutubuan.

Upang maganap ang mga pagbabagong natatangi sa panahon ng globalisasyon, may dalawang rekisito. Kaagad mababanggit na kailangang mura at mabilis ang sistema ng transportasyon at komunikasyon. Sa ganitong paraan lang magiging episyente ang likhain ang isang bagay sa isang lugar pero ikukonsumo sa iba pang lugar. Ang presyo ng computer ay nagmura ng 19 na ulit mula 1970 hanggang 1990 habang ang halaga ng tawag sa telepono ay nagmura ng 11 beses. Ang tinatawag na “information revolution” ang dahilan para maging posible ang murang transportasyon at mabilis na koordinasyon na kailangan ng globalisadong ekonomiya.

Isa pang rekisito ay mabaklas ang proteksyunistang mga patakaran na naghaharang sa pagpasok ng dayuhang kalakal at kapital sa mga pambansang ekonomiya. Sa matagal na panahon matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, namayani ang tinatawag na proteksyunismo sa maraming bansa. Sa mauunlad na mga bansa, ito’y sa layong ipagtanggol ang sariling industriya sa mga karibal. Sa umuunlad na mga bansa, ito’y sa layong pasimulan ang pambansang industriyalisasyon.

Ngunit mula ng dekada 1980, lumaganap ang kabaliktad na patakaran ng liberalisasyon ng pangangalakal at pamumuhunan. Hanggang ngayon ay patuloy ang pagbaklas sa iba’t ibang proteksyon at pinabibilis pa nga ito. Tinatanggal ang mga kota sa importasyon, binabagsak ang mga taripa sa dayuhang produkto, binabaklas ang mga restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at binabawasan ang mga regulasyon sa paggalaw ng salaping kapital. Ito ang silbi at layunin ng mga organisasyong gaya ng APEC sa Asia-Pacific, NAFTA sa North America, EU sa Europa at Mercosur sa Latin America. Ang liberalisasyon ng pangangalakal at pamumuhunan ay ang pamamaraan para mabuo ang globalisadong ekonomiya.

Ang unang rekisito—ang information revolution—ay isang obhetibong salik na likha ng mismong progreso ng mga pwersa sa produksyon. Samantalang ang ikalawang rekisito—ang liberalisasyon ng mga ekonomiya—ay isang suhetibong salik na sadyang nilikha pangunahin sa dikta ng IMF at WB. Kung interesado ang IMF at WB na maging hayagang padrino ng globalisasyon, ang tanong ay kung bunsod ito ng interes sa pag-unlad ng mga bansa, laluna ng mga mahihirap na bayan.

2. Sino ang nakikinabang sa globalisasyon?

Diumano ang landas ng progreso ng mga bansa at ng sangkatauhan ay ang liberalisasyon at globalisasyon ng mga ekonomiya. Muli bago natin tanggapin ang opinyong ito, tumigil muna tayo’t pag-isipang mabuti ang bagay na ito.

Sino ba ang mabebenepisyuhan ng malayang paggalaw ng mga kalakal at kapital sa ekonomiya ng mga bansa? Ang kagyat at tuwirang makikinabang ay ang mayroong mga kalakal na ibebenta at kapital na ipupuhunan.

At sino naman itong mayroong mga kalakal na maibebenta at kapital na maipupuhunan sa iba’t ibang bansa? Walang iba kundi ang malalaking kompanyang tinatawag na mga korporasyong transnasyunal o transnational corporation (TNC).

Umaabot sa 2/3 ng pangangalakal at pamumuhunan sa daigdig ay kontrolado ng mga TNC. Ibig sabihin, dalawa sa bawat tatlong dolyar na halaga ng kalakal o kapital na naglipana sa mundo ay pag-aari ng TNC.

Sa 100 pinakamalalaking “ekonomiya” sa daigdig, 49 lang ang mga bansa habang ang natitirang 51 ay mga TNC. Ang Philip Morris ay isang TNC na may operasyon sa 170 bansa at mas malaki pa sa ekonomiya ng New Zealand. Ang Mitsubishi ay mas malaki pa sa Indonesia. Ang Ford ay mas malaki pa sa South Africa.

Ang benta ng pinakamalaking 200 TNCs ay 28% ng ekonomikong aktibidad sa daigdig. Ang kabuuang benta nila ay katumbas na ng ekonomiya ng 182 bansa—sa madaling salita, ang buong daigdig pwera ang siyam na pinakamauunlad na bayan.

Ganito katindi ang kapangyarihan ng mga TNC. Walang dudang sila ang pwersang nakikinabang sa globalisasyon. Ang globalisadong mga korporasyong ito ang nagsusulsol at nagmomotor sa pagtatatag ng globalisadong ekonomiya.

Ano ba ang mga TNC? Sila ang kompanyang ang operasyon at aktibidad ay sumasaklaw sa maraming bansa. Ang TNC ay ang mother company na nakahimpil sa baseng bayan at nagmamay-ari o kumukontrol ng mga subsidiary sa iba’t ibang bansa. Nitong 1997, mayroong 53,000 TNC na may 450,000 affiliates. Ang sampung pinakamalaking TNC sang-ayon sa pag-aari sa ibang bansa ay ang General Electric, Royal Dutch Shell, Ford, Exxon, General Motors, IBM, Toyota, Volkswagen, Mitsubishi at Mobil. Ang kalakahan ng mga TNC ay nabase lang sa iilang mauunlad na bayan—US, Japan, Germany, France at Britain.

Ang Royal Dutch Shell ay pagmamay-ari ng mga Olandes at British. Ito ang mother company ng Shell Phils. Nasa 69% ng ari-arian ng Shell ay pamumuhunan sa ibang bayan. Sa 117,000 na empleyado ng Shell, 85,000 ang nagtatrabaho labas sa Netherlands at Britain. Ang ilang malalaking TNC na nasa Pilipinas ay ang Nestle na may 203,000 na manggagawa sa ibang bansa, ang Philips, 200,000, at ang Asea Brown Boveri, 193,000.

Noon pa mang dekada 1970 sinimulan na ng mga TNC ang internasyunalisasyon ng produksyon sa pamamagitan ng relokasyon ng manupaktura sa mga export processing zone sa atrasadong mga bansa. Ang mga kompanyang gaya ng Ford, Nike at Mattel ay naglipat ng labor-intensive na bahagi ng kanilang linya ng produksyon sa bansang mas mababa ang pasahod. Ang ganitong relokasyon ng porsyon ng produksyon ay nagtuluy-tuloy hanggang umabot sa internasyunalisadong assembly line sa ngayon.

Hindi mahirap maunawaang ang malalaking kapitalistang dayuhan na kinakatawan ng mga TNC ang makikinabang sa globalisasyon. Kaya naman ang mauunlad na mga bayang gaya ng US kung saan nakahimpil ang mga TNC ang pinakamasugid magtulak ng globalisasyon at pinakamakulit mambraso sa liberalisasyon.

3. Bakit anti-mamamayan at anti-manggagawa ang globalisasyon?

Sa harap ng katotohanang nakadisenyo sa interes ng dayuhang mga kapitalista ang liberalisasyon, bakit iginigiit pa rin ng ating gobyerno na ang globalisasyon ang landas sa pag-unlad at paraan sa pag-ahon sa kahirapan ng mga bansang gaya ng Pilipinas?

Ang ikinakatwiran nila’y ang pagpapasok ng dayuhang mga imbestor ay dagdag na negosyong magpapasigla sa ekonomiya at lilikha ng dagdag na trabaho. Ganito nauuwi ang lohika ng gobyerno—dagdag na negosyo at dagdag na trabaho ang iluluwal ng globalisasyon.

Gaano ngayon katotoo ang pahayag at pangakong ito? Unahin natin ang sinasabing dagdag na negosyo na magpapasigla ng ekonomiya.

Ang pinakasimpleng panukat ng pagsigla ng ekonomiya ay ang tinatawag na GDP. Ang GDP ang kwenta ng kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na nalilikha sa bansa. Kung gayon, sukat ito ng likhang yaman na maaring paghatian ng bayan. Ipinagmamayabang ni Ramos na sa kanyang termino lumaki ng 5% ang GDP, patunay ng matipunong pag-unlad ng ekonomiya sa tulak ng globalisasyon.

Sumigla nga ang negosyo pero umunlad ba ang kabuhayan ng masa? Mula 1994 hanggang 1997, ang parte sa pambansang yaman na nakuha ng pinakamayamang 10% ay lumaki ng 4.2%. Samantalang kumonti ang napunta sa lahat ng iba pang Pilipino—mula sa panggitnang uri hanggang sa masang maralita. Mula 1988 hanggang 1997, positibo ang ang netong paglaki ng GDP. Pero ang parte sa pambansang yaman ng pinakamahirap na 30% ng populasyon ay lumiit mula 9.3% noong 1988 tungong 7.8% nitong 1997. Ang bahagi naman ng pinakamayamang 10% ng mga Pilipino ay lumaki mula 35.8% tungong 39.7%. Ibig sabihin, sa kabila ng pagsigla ng ekonomiya—o mismong bunga nito—lalo lang yumaman ang mayayaman at naghirap ang mahihirap! Hindi porke’t gumanda ang negosyo ay gumaganda ang buhay ng masa. Katunayan lalo lang lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Dapat ding mabanggit na ang ipinagmamalaking pang-ekonomiyang pag-unlad na likha ng globalisasyon ay nauwi sa krisis noong 1997. Isa itong krisis na nagpapatunay ng peligro ng globalisasyon. Nagsimula ito sa Thailand dahil sa sarili nitong mga problema pero kumalat at pineste ang karatig na mga bayan gaya ng Malaysia, Indonesia, Korea at maging Pilipinas. Sapagkat kawing-kawing ang mga ekonomiyang ito at liberalisado ang mga kalakalan at pamumuhunan, hawa-hawa ang nangyari. Nang sumiklab ang krisis ng globalisasyon, ang masa pa rin ang mas pininsala. Sa panahon ng globalisasyon, ang masa ang una sa sakripisyo pero huli sa benepisyo!

Hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa at sa buong daigdig makikita ang pag-unlad ng ekonomiya kasabay ng ibayong pagdarahop ng nakararami at pagyaman ng iilan. Ang GDP ng buong mundo ay lumaki ng siyam na beses nitong huling 50 taon. Kung pantay-pantay na paghahatian ito, dapat ay lumaki ang kinikita ng bawat tao ng tatlong ulit. Subalit dahil hindi pantay ang hatian ng yaman, hanggang ngayon 1.3 bilyon ang nagdidildil sa kitang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kasingdami rin ang walang malinis na tubig na mainom. Humigit-kumulang naman 840 milyon ang malnourished. Isa sa bawat pitong bata ang wala sa paaralan. Samantala ang pag-aari ng pinakamayamang 200 tao ay lumobo mula $440 bilyon tungong $1 trilyon sa loob lang ng apat na taon mula 1994 hanggang 1998!

Ang agwat sa pagitan ng 20% pinakamayayamang bansa at 20% pinakamahihirap na mga bayan ay lumawak mula 30:1 noong 1960 tungong 60:1 nitong 1990 at 74:1 sa 1995. Kahit sa mauunlad na mga bansa, ang pinakamayamang 20% ng populasyon ang nakikinabang sa 82% ng sumisiglang kalakalan at 68% ng sumisigabong pamumuhunan. Samantala ang pinakamahirap na 20% ay nagtatyaga sa kakarampot na 1% ng benepisyong dulot ng liberalisasyon.

Pero hindi ba maaring ikatwirang mas mabuti nang may trabaho kaysa wala? Hindi na baleng yumayaman ang mayayaman, basta’t may disenteng hanapbuhay at sapat na kinikita ang masa. Pero tinatamasa ba ng mga manggagawa ang matinong hanapbuhay at disenteng pasahod sa panahon ng globalisasyon?

Kung susuriin ang mga datos, tatambad ang problema ng kawalang hanapbuhay, inseguridad ng trabaho at kasalatan ng sahod at benepisyo. Iisang konklusyon ang ating mararating—maka-kapitalista at anti-manggagawa ang globalisasyon. Patunayan natin ang puntong ito.

4. Gaano kagrabe ang salot ng kawalang trabaho?

Anong epekto ng globalisasyon sa kantidad ng empleyo sa ating bansa? Mula 1993 hanggang 1998, ang unemployment rate ay halos di nagbago sa humigit-kumulang 9% at ang underemployment rate ay halos di rin gumalaw sa 26%.

Totoong may bagong mga trabahong nalilikha ang pagpasok ng dayuhang kapital at pagsigla ng ekonomiya. Ang problema ay sumasapat lang ito para punuan ang pangangailangan sa hanapbuhay ng bagong mga pasok sa pwersang paggawa. Kaya’t walang inililiit ang kabuuang tantos ng kawalang trabaho.

Ang dagdag pang problema ay sa globalisasyon at liberalisasyon, hindi lang pumapasok ang dayuhang kapital kundi maging ang dayuhang kalakal. Kung ang dayuhang kapital ay nagdaragdag sa bilang ng trabaho, ang dayuhang kalakal naman ay nagbabawas sa dami ng hanapbuhay sa isang bansa.

Ang pagbaha ng murang dayuhang mga produkto ay kumukumpitensya sa lokal na mga kalakal. Alinman sa dalawang bagay ang mangyayari. Hindi makasabay sa kompetisyon ang lokal na industriya at magsasara ang lokal na mga empresa dahil nalulugi. O kaya ito’y makikipagpaligsahan sa dayuhang produkto sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng teknolohiya na mauuwi sa pagbabawas ng trabaho. Alinman ang maganap, parehong ang resulta nito ay paglala ng kawalang trabaho.

Mabuti kung may naghihintay na mga trabaho sa mga natatanggal. Subalit malinaw na kahit masigla ang ekonomiya, hindi sumasapat ang bagong mga trabahong nalilikha para bigyan ng hanapbuhay ang lahat ng nangangailangan—ang mga kabataang bagong pasok sa pwersang paggawa, ang dating walang mga trabaho at bagong mga natanggal sa pinapasukan.

Kitang-kita ang suliraning hatid ng globalisasyon at liberalisasyon sa industriya ng bakal sa bansa. Kaliwa’t kanan ang sarahan ng mga pabrika ng bakal bunga ng kompetisyon ng mas murang bakal mula sa labas ng bansa. Noong 1998, ayon sa isang ulat, may 60 mga planta ng bakal sa bansa. Nitong 1999, 45 pagawaan na lang ang natitira. May mga tumatayang sa katapusan ng taon, ay baka nasa 15 na lang ang maiiwang bukas. Libu-libo ang mga manggagawang nawalan na at mawawalan pa ng trabaho sa industriyang ito.

Pinakasikat na kaso ang pagsasara ng National Steel sa Iligan na libong manggagawa ang tinamaan. Kung ang pinakamalaking steel plant sa Asya ay nagsara, mas maraming maliliit ang hindi na napapansin ang pagsasara, gaya ng Marsian Steel sa Pasig na may 100 manggagawa.

Sa Centro Steel sa Valenzuela, katatapos pa lang magpirmahan ng CBA nang magsara. Diumano’y malulugi ang kompanya dahil mataas masyado ang sahod. Ang kondisyon ng kapitalista sa muling pagbubukas at rehiring ng mga empleyado ay kung papayag silang bumalik nang mas mababa ang sahod at benepisyo. Nagbawas naman ng 200 manggagawa sa Tower Steel dahil nagpalit ng makina. Mula sa 350 na pwersang paggawa, mayroon na lang 150 nagtatrabaho. Ang makabagong mga makina na kayang patakbuhin ng isang tao ay mas malaki pa ang produksyon kaysa sa apat na lumang makina na pinaandar ng tatlong manggagawa.

Ibayo pang dilubyo ang lilikhain kapag nag-full production ang modernong planta ng Bacnotan Steel. Sa Bacnotan, kayang lumikha ang 13 manggagawa ng 70,000 tonelada ng bakal. Talong-talo nito ang mga gaya ng Centro Steel o sister company nitong Myers Steel na umaabot lang sa 26,000 tonelada.

Hindi lang ang industriya ng bakal ang namimiligro. Nauna nang bumagsak ang industriya ng sapatos at textile sa bansa. Maaring sabihing ang buong manufacturing ng bansa ay nasasapanganib na gumuho bunga ng maigting na kompetisyong pinasisiklab ng globalisasyon.

Posibleng ang pinakamalalang retrenchment nitong huling mga taon ay ang 5,000 empleyadong tinanggal sa PAL. Ito’y bunga hindi lang ng kabuktutan ni Lucio Tan kundi ng kaigtingan ng pandaigdigang kompetisyon sa airline industry. Ngayong taon, balak ng Victorias Milling sa Negros ang retrenchment ng 1,000 manggagawa o halos kalahati ng kabuuang bilang ng trabahador. Nitong Enero nagbawas ang FF Cruz ng 50% ng mga manggagawa kaya’t mula sa dating 700 ay 300 na lang ang naiwan. Ang UEAMI sa Caloocan na supplier ng mga radiator sa mga assembly plant ng kotse sa bansa ay malinaw na biktima ng globalisasyon. Mula sa dating 800 pwersang paggawa, unti-unti itong nabawasan hanggang 250 kasabay ng pagtumal ng negosyo ng auto industry. Sa Colgate-Palmolive, ang idinadaing ng mga manggagawa ay ang kompetisyong hatid ng globalisasyon at di pa gaano ang sweldo. Mataas nga ang kanilang sweldo pero grabe naman ang downsizing dahil mas gawa na sa ibang bansa ang yaring produktong ibinebenta ng kanilang kompanya sa Pilipinas.

Hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, tumitindi ang suliranin ng kawalang trabaho. Lumalala ang salot ng kawalang trabaho sa panahong ito ng globalisasyon.

Sang-ayon sa pinakahuling ulat ng ILO, ang bilang ng mga unemployed at underemployed sa mundo ay ang pinakarami sa kasaysayan. At milyon pa ang madaragdag bago matapos ang taon. Tinataya ng ILO na nasa isang bilyon ang unemployed o underemployed sa buong mundo. Nasa 150 milyon ang tuwirang walang trabaho habang 750 hanggang 900 milyon ang underemloyed.

Ang kakatwa, samantalang isang bilyong adult worker ang walang trabaho, mayroon namang 250 milyong child workers sa daigdig! Ganito kalupit ang globalisasyon.

Sa mauunlad na mga bansa sa Europa, ang kawalang trabaho ang numero unong problema ng kanilang mga lipunan. Umaabot sa 10-11% ng populasyon ang walang trabaho. Sa Japan kung saan matagal na panahong may full employment, paparami nang paparami ngayon ang nawawalan ng trabaho. Nakaamba pa ang tuluyang pagwasak ng kinagawiang lifetime employment dahil sa patuloy na resesyon at balak na pagrereistruktura ng mga kompanya.

Sa US, walang puknat ang downsizing sa kabila ng natatanging kasaganahan ng ekonomiya at kataasan ng tubo ng mga kompanya. Kaya’t matindi ang batikos sa imoralidad ng ganitong hakbangin ng mga kapitalistang Amerikano. Sanhi ang dowansizing ng awtomasyon ng produksyon at relokasyon ng manupaktura sa atrasadong mga bansa kung saan mababa ang pasahod.

Maaring ipagmalaki ng US na ang 4% na tantos ng kawalang trabaho ay maliit kumpara sa nakaraan. At totoong karamihan ng mga natatanggal sa trabaho ay nakakakuha ng panibagong hanapbuhay. Pero mas malimit, mas mababa na ang sahod at benepisyo kaysa nakaraan. Ang usapin ay hindi na ang kantidad kundi ang kalidad ng trabaho. Ang pangkaraniwang trabaho ngayon sa Amerika ay mababa ang pasahod, mahaba ang oras at walang seguridad.

5. Gaano kalawak ang salot ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon?

Ang kontraktwalisasyon at kaswalisasyon ng trabaho ay mistulang epidemya ang pagkalat sa panahon ng globalisasyon. Tinatawag ito ng mga kapitalista na “pleksibilisasyon” ng paggawa. Diumano’y ito ang mas episyenteng sistema sapagkat nagdaragdag lang ng mga manggagawang kontraktwal o kaswal sa panahong mas malaki ang produksyon.

Pero usong-uso na maging ang regular na mga trabaho ay ipinapasa sa mga kaswal o kontraktwal. Sangkaterbang manggagawa ang ilang taon nang nagtatrabaho sa isang kompanya pero nananatiling kaswal o kontraktwal. Anuman ang ikatwiran ng mga kapitalista, mas madaling intindihin na ito’y garapal na pagtitipid sa gastos sa produksyon. Ang mga trabahong hindi regular ang turing ay mas madaling baratin sa sahod at benepisyo at takutin ng kawalang trabaho.

Ang pinakasikat sigurong kaso ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon ay ang SM. Maliit na bahagi na lang ng pwersang paggawa ng higanteng kompanyang ito ang regular ang kategorya. Sa department stores, sa halip na salesladies na regular na empleyado ng kompanya, makikita ang sari-saring promo girls na tauhan ng iba’t ibang placement agencies.

Kahit sa manupaktura, laganap rin ang kontraktwalisasyon at kaswalisasyon. Isang matingkad na halimbawa ang Cosmos. Sinisimulan ngayon ni Concepcion na ipasub-contract ang buong proseso ng produksyon sa ibang kompanya at inaanunsyo pa niya sa publiko ang kanyang gimik na mas matipid at mas malaki ang kanyang kita. Sa Shell, ang buong accounting department ay nabuwag matapos i-subcon ang trabaho sa isang accounting firm. Sa industriya ng garments, talamak ang pagsa-subcon ng trabaho sa mga sweatshop na kadalasang pinatatakbo ng mga bisor ng kompanya. Nauuso na muli ang mga homeworker nang sinaunang panahon na ang produksyon ay subcon ng malalaking kompanya. Kahit sa agrikultura, nauuso ang contract growing na walang iba kundi kontraktwalisasyon ng trabaho sa pagsasaka.

Sa pangkaraniwang kompanya ngayon, maliit na bahagi na lang ng pwersang paggawa ang regular ang turing habang binubuo ang mas malaking parte ng mga kontraktwal o kaswal. Sa Cris Garments sa Las Pinas, humigit-kumulang 200 lang ang mga regular sa 1,200 na pwersang paggawa. Sa Solid Development Corp., isang spinning mill sa Bulacan, mga 500 ang regular at 600 ang mga kaswal o agency worker. Sa Alcos-Global sa QC na pagawaan ng plastic, 100 lang sa lagpas 200 manggagawa ang regular. Ang natitira ay mga kontraktwal mula sa agency na anim buwan lang ang itinatagal sa kompanya.

Sinasalanta rin ang mga manggagawa sa ibang bansa, kahit sa manuunlad na mga bayan, ng kontraktwalisasyon. Sa Britanya, lumobo ang bilang ng part-time workers mula sa 16% noong 1973 sa 24% nitong 1994. Tinatayang aabot pa ito ng 33% o isa sa bawat tatlong manggagawa pagdating ng 2010. Inaasahang ang kalakhan ng mga trabaho, laluna sa sektor ng serbisyo, sa darating na panahon ay part-time dahil sa nauusong “pleksibilisasyon.” Sa Pransya, umaabot na sa 18% ang part-time workers, doble ang bilang kumpara noong 15 taon na ang nakakaraan. Sa Germany naman, 10% ang part-time workers noong 1973 samantalang 15% na nitong 1993. Sa Japan, sa kabila ng lifetime employment ng isang seksyon ng pwersang paggawa, may papalaking bahagi ang hindi tiyak ang trabaho. Nasa 14% lang ito noong 1973 pero umaabot na ito sa 21% nitong 1994. Sa Latin Amerika, 85 sa bawat 100 bagong trabaho ay impormal at iregular ang katangian.

Sa Estados Unidos naman ang pinakamalaking pribadong employer ay isang placement agency. Ang tawag sa mga kontraktwal sa kanila ay “temps” o temporary workers. Naiiba ang pangalan subalit kahalintulad rin ang kondisyon sa kontraktwal na Pilipino.

6. Gaano kalala ang salot ng mababang pasahod at benepisyo?

Dati nang mura ang lakas-paggawa sa atrasadong mga bansang gaya ng Pilipinas kumpara sa abanteng mga bayan gaya ng Amerika. Ang kaibhan lang sa panahon ng globalisasyon ay lubusan pang binabarat ang paggawa sa atrasadong mga bansa habang bumabagsak ang halaga ng sahod sa industriyalisadong mga bansa.

Sa Pilipinas, mababa na nga minimum na sahod at hindi sumasapat para ipambuhay ng pamilya, ni hindi pa ito sinusunod. Hindi naman hinuhuli at pinaparusahan ang mga lumalabag sa batas sa pasahod. At mismong ang mga wage order—sa tulak ng globalisasyon—ay niluluwagan para mabigyan ng eksempsyon ang mga kapitalista. Maliit man o malaking kapitalista ay kinukunsinti ng patakaran ng murang paggawa sa panahong ito ng globalisasyon.

Ang pambabarat sa sahod at benepisyo ang puno’t dulo ng kaliwa’t kanan na mga deadlock sa CBA sa kasalukuyan. Hindi bago ang magdeadlock sa negosasyon. Ang bago at siyang nauuso ay ang igiit at ipilit ng mga management ang CBA moratorium. Kung di papayag ang mga manggagawa, maghahamon ng sarahan at ibablackmail ang unyon ng kawalang trabaho. Ang simpleng katwiran ng mga kapitalista sa ganitong pambabraso ay inuobliga raw sila ng maigting na kompetisyon na tipirin ang gastos sa produksyon at baratin ang lakas-paggawa.

Sa Warren Manufacturing na gumagawa ng mga underwear, piso bawat taon ang nais ibigay ng manedsment. Matapos magdeadlock at magwelga ang mga manggagawa, isinara ang kompanya. Sa halip na 15 days per year of service na separation pay na isinasaad ng batas, tumatawad ang kapitalista dahil hindi daw kakayanin. Sa Karayom, isang malaking pagawaan ng garments na may 800 manggagawa, pumustura na ayaw makipagnegosasyon ng CBA ang dayuhang kapitalista dahil wala daw pera. Sa Duty Free, deadlock sa CBA dahil ayaw makipag-usap ng manedsment sa economic provisions.

Sa American Wire and Cable, moratoryum ang CBA at lump sum kaysa umento sa sahod ang nakuha ng unyon. Ganoon din sa Republic Asahi Glass, na kahit isang monopolyo dahil nag-iisang gumagawa ng plate glass sa bansa ay naiipit ng pagpasok ng murang angkat na salamin.

Sa US, kung saan pinakaabante ang proseso ng globalisasyon at tradisyunal na mataas ang sweldo, markado ang ibinagsak ng sahod ng mga manggagawa. Matapos ang 40 taon ng paglaki, ang pangkaraniwang kita ng pamilyang Amerikano ay lumiit ng 1% bawat taon mula 1989 hanggang 1994. Ang minimum na sahod ay ipinako sa $3.35 sa halos buong dekada ng 1980. Ang tunay na halaga ng minimum na sahod noong 1996 ay 70% na lang ng 1968. Ito na ang pinakamababa sa kasaysayan ng US. Sapagkat maliit ang minimum na sahod, naglalagare sa dalawa o tatlong trabaho ang mga unskilled na manggagawang Amerikano upang kumita ng sapat. Ang agwat sa pagitan ng sweldo ng isang Amerikanong CEO o chief executive officer at isang pangkaraniwang manggagawa ay lumalaki nang lumalaki. Noong 1982 ito ay 143:1, o $143 ang kinikita ng isang CEO sa bawat $1 ng isang manggagawa. Nitong 1995, umabot na ito sa 185:1!

Umaabot ng 18% o halos isa sa limang fulltime worker ang kumikita ng mas mababa sa poverty line para sa apat-kataong pamilya sa US. Sa Europe, 10% o isa sa sampung pamilya na may isang myembrong nagtatrabaho ang kumikita ng mas mababa kaysa poverty line. Kahit sa mauunlad na mga bayan, ang minimum wage ay kulang sa living wage batay sa inabot nilang pag-unlad.

Sa Italya, ang scala mobile o wage indexation ay binuwag noong 1992. Mula noon ang minimum na sahod ay itinatakda sa pamamagitan ng kanya-kanyang CBA. Winakasan naman sa Britanya noong 1993 ang mga wage council na nagtatakda ng minimum sa sweldo. Sa ngayon, kada planta na ang pagpipirmi ng minimum na sahod.

Sa Estados Unidos at Pransya, kung saan mayroon pang itinatakda ang batas na minimum na sahod, may hiwalay na mas mababang minimum na pasweldo para sa mga kabataang manggagawa.

Ang pinakatalamak sa pambabarat ng sahod at pinakamalinaw na patunay ng pananalanta ng globalisasyon ay ang mga subcontractor ng pinakamalalaking TNC sa mga atrasadong bansa. Ang mga manggagawa sa mga subcon ng Nike sa Silangang Asya ay nagtatrabaho ng mga 60 oras kada linggo sa sweldong $2.20 (o P88 sa palitang P40: $1) bawat araw. Ang mga subcon ng Disney sa Haiti na gumagawa ng Mickey Mouse at Pocahontas na pajamas ay pinapasahod lang ng 28 cents por ora (o P89 sa walong oras). Ang umaani ng kape para sa sikat na restorang Starbucks ay pinasuswelduhan ng mas mababa sa $2.50 (o P100) na minimum sa Guatemala. Sa ganito kabarat na pasahod, hindi mahirap isipin kung gaano ang tinatabong tubo ng mga TNC sa pawis ng mga manggagawa ng daigdig. Mula nang maitatag ang NAFTA, paborito ng mga kompanyang Amerikano ang isara ang mga planta sa kanilang bansa at ilipat ang produksyon sa tinatawag na maquiladora o export-processing zone ng Mexico. Kumpara sa $5 kada ora na minimum na sahod sa Estados Unidos, tubong lugaw ang mga kapitalistang Amerikano sa 80 cents por ora na pasweldo sa Mexico.

7. Gaano katindi ang atake sa mga karapatang pang-unyon?

Hindi kalabisan ang sabihin na nagbabanta ang anihilasyon ng unyonismo sa panahon ng globalisasyon. Sa loob ng dalawang dekada na pagsulpot at pag-arangkada ng globalisasyon ay humina at umatras ang pag-uunyon sa maraming bansa, laluna sa mga balwarte ng kilusang manggagawa sa mauunlad na bansa. Nitong huling mga taon lang bumabawi at lumalakas ang unyonismo sa batayan mismo ng tumitinding opensiba ng kapital sa karapatan at kapakanan ng paggawa.

Ang mga problema ng kilusang unyon ay, sa isang banda, produkto ng mga pagbabagong dala ng globalisasyon sa karakter ng uring manggagawa. Ang matinding kawalan ng trabaho, ang “pleksibilisasyon” ng paggawa, ang pagliit ng sektor ng industriya at paglaki ng sektor ng serbisyo ay lubos na nagpapahirap sa pag-uunyon ng mga manggagawa. Totoong hindi ito mga absolutong balakid pero ngayon lang umaangkop ang kilusang unyon sa ganitong mga pagbabago.

Sa kabilang banda, ang mas komplikasyon ay ang mga pagbabagong hatid ng globalisasyon sa aktitud ng uring kapitalista. Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, sa batayan ng lakas ng kilusang unyon at sa takot ng mga kapitalista sa rebolusyon ng manggagawa, nagkaroon ng kompromiso sa pagitan ng kapital at paggawa sa mauunlad na mga bansa. Bahagi ng kompromisong ito ang positibong pagtanggap sa pag-uunyon sa kalagayang konserbatibo naman ang mga lider unyonista. Ito ang nag-iba sa pagsulpot ng globalisasyon. Pusakal at garapal na kontra-unyon ang pananaw at pagkilos ng kapital sa panahon ng globalisasyon.

Sangkap mismo ng matagumpay na globalisasyon ang pilayin at durugin ang kilusang unyon ng mga manggagawa. Sadyang patakaran mismo ng mga gobyerno at uring kapitalista ang bawiin ang mga karapatan at kalayaan sa pag-uunyon ng mga manggagawa.

Katunayan bago pa mismo umandar at umarangkada ang liberalisasyon at globalisasyon ng mga ekonomiya, obligadong baliin na ang maagang pagtutol at paglaban ng uring manggagawa. Ganito ang naganap sa Britanya at US na mga pasimuno ng patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon.

Sa ilalim ng pamumuno ni Thatcher sa Britanya, sinimulan ang pagsasapribado ng public utilities, ang pagbabawas sa pampublikong mga serbisyo at pagpapagaan sa pagbubuwis sa mayayaman. Tumanggi at nakibaka ang kilusang manggagawa sa ganitong mga pagbabago. Ang welga ng mga minero noong 1984-85 laban sa pagsasapribado ng mga minahan ang naging mapagpasyang labanan ng panahong iyon. Matapos marahas na supilin ni Thatcher ang welgang iyon—lagpas isang dosena ang napatay at 11,000 minero ang inaresto—nahawi ang pangunahing balakid sa lubusang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng ekonomiya.

Isinagasa ni Thatcher ang isang serye ng mga batas kontra sa pag-uunyon, ipinagbawal ang closed shop unionism at ipinataw ang mga restriksyon sa karapatang magwelga. Sa buong dekadang iyon lumiit ang bilang ng unyonisado mula 12 milyon tungong 8 milyon.

Sa Estados Unidos naman, ang welga ng PATCO, ang unyon ng mga air traffic controller, noong 1981 ang naging mapagpasyang pakikibaka. Sa pamumuno ni Reagan, dinahas ang welga at dinurog ang unyon. Matapos magapi ang PATCO, panunupil sa mga welgista at pag-iiskirol sa welga ang naging patakaran sa buong dekadang iyon. Mula noon ay tuluy-tuloy ang pag-atras ng kilusang unyon at pagkalagas ng mga kasaping unyonista. Nitong isang taon lang naampat ang dalawang dekadang pagliit ng bilang mga unyonisado sa Amerika.

Sa Pilipinas, mas makikita ang pag-atras ng kilusang unyon sa pagliit ng bilang ng mga unyong nakakapagtapos ng CBA. Hindi na lang baratan sa CBA ang pinoproblema ng mga unyon kundi ang obligahin ang manedsment na makipagnegosasyon sa CBA. Nitong 1998, sa nakaulat na 3.7 milyong manggagawang unyonisado, umaabot lang ng 500,000 ang saklaw ng 3,000 CBA.

Ang lagpas 6,000 unyon at 3 milyong manggagawa na walang CBA ay nakarating pa lang sa unang hakbang ng pag-uunyon—ang pagrerehistro ng kanilang samahan. Hindi pa sila umaabot sa ikalawang yugto—ang rekognisyon ng unyon at negosasyon ng kontrata. Walang ibang dahilan dito kundi ang pagtanggi ng kapital na kilalanin ang karapatang mag-unyon ng mga manggagawa at makipagnegosasyon. Pinadaraan sa butas ng karayom ang mga manggagawang nag-uunyon. Sa bawat hakbang, naghihintay ang mga patibong ng manedsment na kinukunsinti ng gobyerno.

Simula’t sapul naman ay kontra-unyon ang aktitud ng mga kapitalista sapagkat walang kompromiso sa pagitan ng kapital at paggawa sa Pilipinas nang gaya sa mga mauunlad na bansa. Sa panahong ito ng globalisasyon, lalo pang tumindi at umigting ang anti-unyong pananaw at pagkilos ng mga kapitalista.

Sinimulan ni Lucio Tan ang garapalang pagsususpindi ng CBA na inindurso ng Malacanang. Mula ito sa una niyang kondisyon na “strike moratorium”. Ang susunod na isasagawa ng mga kapitalista ay ang abolisyon ng batas sa minimum wage at batas sa 8-oras na araw ng paggawa. Alinman sa dalawang paraan maari nilang isagasa at isalaksak ito sa mga manggagawa—sa pag-amyenda ng Saligang Batas o pagbabago ng Batas Paggawa.

8. Bakit layon ng globalisasyon na wasakin ang proteksyon ng mga manggagawa?

Kung nais ng isang kapitalista sa panahong ito ng globalisasyon na makasabay at manaig sa kompetisyon, obligado pamurahin niya ang kanyang kalakal. Dito pumapasok ang obsesyon ng mga kapitalista sa pambabarat sa sahod at paghahanap ng murang lakas-paggawa.

Ang gastos sa lakas-paggawa ay bahagi ng gastos sa produksyon. Kasama rin sa gastos ng kapitalista ang makinarya at materyales. Subalit hindi naman maaring baratin ng isang kapitalista ang presyo ng makinarya at materyales. Sa pangkalahatan ito ay binibili niya sa tamang halaga mula sa iba ring kapitalista. Kaya’t kung nais magtipid sa gastusin ng isang kapitalista, nauuwi siya sa pagtitipid sa gastos sa paggawa. Totoong maaring makatipid ang isang kapitalista kung siya ay bibili ng mas mura kaysa mas mahal na makinarya at materyales pero tuwinang kakombina pa rin ang ganitong modernisasyon, awtomasyon o rasyunalisasyon ng pagpapamura ng gastos sa paggawa.

Pero kung tutuusin, kung ang pinakalayunin ng isang kapitalista ay mapamura ang produkto, ang pinakasimple niyang maaring gawin ay bawasan ang kanyang tubo. Kaysa pagsakripisyuhin ang manggagawa sa pagpapamura ng paggawa, maaring siya ang magsakripisyo sa pagpapaliit ng kanyang tubo.

Ang presyo ng kalakal ay binubuo ng gastos sa produksyon at tubo ng kapitalista. Kung nais niyang mapababa ang presyo dahil inoobliga ng kompetisyon, pwedeng ang tubo ang kanyang bawasan kaysa ang gastos sa produksyon at gastos sa paggawa.

Subalit sa pangkalahatan hindi ito ang ginagawa ng kapitalista. Kung tatanungin ang kapitalista kung bakit ang kanyang mga manggagawa at hindi siya ang magsasakripisyo, kung bakit papamurahin ang paggawa kaysa paliliitin ang tubo, tuwiran ang kanyang isasagot. Ang isang kapitalista ay nagnenegosyo para tumubo hindi para magserbisyo. Hindi maaring sa paghahabol sa mas murang presyo ay iiwan niya ang tubo.

Ang kapital ay ipinupuhunan para tumubo. At batas ng kapital ang paghahabol hindi lang sa tubo kundi sa ibayong tubo, ang akumulasyon ng kapital, dahil idinidikta ito ng kapitalistang kompetisyon.

Ang paghahabol sa mas murang paggawa sa globalisadong ekonomiya samakatwid ay hindi basta paghahangad sa mas mababang presyo kundi higit sa lahat ito ay paghahayok sa mas malaking tubo. Tinatabingan ng maigting na kompetisyon sa presyo ang katotohanan ng matinding kompetisyon sa tubo.

Narito ang tunay na kahulugan ng mas murang paggawa. Nangangahulugan ito hindi pa ng mababang presyo kundi ng malaking tubo. Ito ay sapagkat wala namang ibang pinagmumulan ang tubo kundi ang paggawa.

Ang tubo ay hindi tumatagas mula sa makinarya. Hindi ito napapiga mula sa materyales. Lalong hindi nag-aanak ng tubo ang salaping kapital kung ito ay iiwang nakatiwangwang. Upang tumubo ito ay kailangang ibili ng makinarya at materyales, ipang-upa ng lakas-paggawa at sa gayon paandarin ang produksyon. Sa proseso ng produksyon naisasalin lang ang halaga ng makinarya at materyales sa yaring kalakal. Subalit lumilikha ang lakas-paggawa ng labis sa sarili nitong halaga. Nililikha ng manggagawa ang sarili nitong halaga na walang iba kundi ang sahod na presyo ng isang araw na trabaho. Pero sa isang araw na paggawa lumilikha ang manggagawa ng halagang lagpas sa kakarampot niyang sahod at ito ang tubo ng kapitalista. Ang tubo ay halagang likha ng manggagawa subalit hindi niya nabubulsa. Samakatwid ito ay paggawang hindi binayaran.

Kung mapapamura ng kapital ang halaga ng paggawa, nangangahulugan itong mapapalaki niya ang tubo. Ganito ang magkakontrang relasyon ng sahod at tubo na kapwa lang supling ng paggawa.

Ang pandaigdigang kompetisyong pinasisiklab ng globalisasyon ay walang iba kundi pandaigdigang paligsahan sa ibayong tubo. Hindi binabago at sa halip sinasagad ng globalisasyon ang mapagsamantalang esensya ng kapitalismo.

9. Bakit layon ng globalisasyon na baklasin ang proteksyon ng ekonomiya ng mga bansa?

Sinasangkalan ng mga tagapagtanggol ng globalisasyon ang konsepto ng “malayang kompetisyon” at “episyenteng produksyon” upang bigyang katwiran ang pagbaklas sa proteksyon ng pambansang mga ekonomiya.

Pinoprotektahan ng mga bansa ang kanilang ekonomiya laban sa kompetisyon ng mga karibal sa layuning kalingain ang sariling industriya hanggang sa ito ay magkaroon ng lakas na makipagpaligsahan. Binabatikos ng mga tagapagsalita ng globalisasyon ang lohikang ito. Anila’y ang proteksyunismong pang-ekonomiya ay pagbebeybi at pagkukunsinti sa di-episyenteng mga industriya. Kung ang pambansang mga industriya ay magtatagumpay, lalakas lang sila sa init ng laban nang hindi sumasandig sa mga proteksyon. Kung hahayaan lang na gumana ang batas ng pamilihan, kung paaalagwahin lang ang “malayang kompetisyon,” natural na mananaig ang episyente at magagapi ang di-episyente sa kapakinabangan ng mga konsumer na makakabili ng murang mga kalakal.

Kung susunsunin ang argumentong ito, ang susi ay ang konsepto ng “malayang kompetisyon.” Ang kontra-punto ay ito: iiral nga ba ang malayang kompetisyon kung tatanggalin ang mga proteksyon sa ekonomiya? Maituturing bang malayang kompetisyon kung papagsabungin ang pipitsuging mga kompanyang lokal at higanteng mga korporasyong dayuhan?

Isang kababalaghan na magkakaroon ng “malayang kompetisyon” kung hindi naman pantay ang lakas ng nagtutunggaling kapital, laluna’t kung monopolyo ang isang panig. Ito mismo ang resulta ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan sa kalagayang naghahari ang mga TNC.

Ang mga TNC ay walang iba kundi monopolyo kapital. Kinakatawan ng mga TNC ang mismong kabaliktaran ng “malayang kompetisyon.” Patunayan natin ang monopolyong esensya ng mga TNC sa pamamagitan ng datos.

Paano na lang magkakaroon ng “malayang pamilihan” kung kopo ng mga TNC ang 2/3 ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan? Nasa 1/3 ng palitan ng kalakal at kapital sa mundo ay sa pagitan ng isang TNC at mga affiliates nito. Kalokohang tawagin “malayang kalakalan” ang pagbebenta ng krudo ng Royal Dutch Shell sa sariling subsidiaries nito. Ang isa pang 1/3 ng palitan ng kalakal at kapital ay sa pagitan ng magkakaibang mga TNC, samakatwid sa pagitan ng mga kapwa monopolyo. Absurdong ituring na “malayang pamumuhunan” ang pagsasanib ng mga dambuhalang AOL at Time-Warner sa Amerika. Ang natitirang 1/3 ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan na hindi kinasasangkutan ng mga TNC ang maari na lang pumasa sa pamantayan ng “malayang kompetisyon” at “malayang pamilihan.”

Ang 300 pinakamalalaking TNC ang umaangkin sa 25% ng kabuuang produktibong ari-arian sa daigdig. Sa pharmaceutical industry, ang 7 kompanya na lagpas $10 bilyon ang benta ay kumokopo ng 25% ng buong pamilihan ng gamot. Ang top 23 electronics TNCs ang kumukopo sa 80% ng benta sa mundo. Ang top 5 nito ang sumasakop sa lagpas kalahati ng pamilihan ng electronics products. Ang top 5 auto companies ang humahamig ng 60% ng benta ng kotse. Ang top 5 na TNC sa buong daigdig ang umaangkin sa sangkatlo ng benta sa mga industriya ng airlines, aerospace, steel, oil, computers, chemicals at pharmaceuticals.

Ganito ang antas ng monopolisasyon ng pamilihan sa daigdig. Pero may mga naglalakas ng loob pa ring mangarap ng “malayang pamilihan” at “malayang kompetisyon”!

Nasa 70% ng technology at product patents ay pag-aari ng mga TNC. Ibig sabihin solo ng mga TNC ang paggamit ng ganitong mga teknolohiya at paggawa ng ganitong mga produkto sa loob ng kung ilang taon. Hindi kataka-taka na double-digit ang paglaki ng tinatanggap na royalty payments at license fees ng mga TNC para sa paggamit ng iba sa mga patent na ito.

Kapansin-pansin ang tendensya sa ibayong monopolisasyon sa panahon ng globalisasyon sa anyo ng tinatawag na “mergers and acquisitions” o M&A. Tinutukoy nito ang pagsasanib o paglalamon ng isang TNC ng isa pang TNC. Ibig sabihin, pagsasama ito ng dalawang monopolyo sa isang mas makapangyarihang monopolyo. Sang-ayon sa UNCTAD, paparami ang nagaganap na mga M&A. Noong 1997, 58 M&A na nagkakahalaga ng $1 bilyon pataas ang nakumpleto. Ang pinakamalalaking M&A ay konsentrado sa sektor ng banking and insurance, chemical and pharmaceutical, telecommunications at media.

Ang kalakhan ng dayuhang pamumuhunan na pumapasok sa mga bansa ay hindi pa inilalagak sa pagtatayo ng bagong mga planta kundi ipinambibili ng mga kompanya. Umaabot ng 90% ng kapital mula sa Amerika ang para sa M&A kaysa bagong pamumuhunan. Sa pangkalahatan, ang mga M&A ay 58% ng kabuuang dayuhang pamumuhunan noong 1997 kumpara sa humigit-kumulang 50% noong lang 1996. Bunga ng mga M&A, tinataya ng UNCTAD na liliit ang bilang ng mga mayor na automobile companies mula sa 15 noong 1997 sa 5 hanggang 10 pagdating ng 2010.

Matagal nang lumipas ang yugto ng malayang kompetisyon ng mga kapital. Ganito noong maagang yugto ng kapitalismo, noong humigit-kumulang magkakasing-lakas at magkakasing-laki pa ang mga kapitalista. Subalit ang mismong kompetisyon—sa pamamagitan ng pananaig ng ilan at pagkalugi ng marami—ang nagluwal ng monopolyo. Pagpasok ng ika-20 siglo, nangibabaw na ang mga monopolyo sa bawat pambansang ekonomiya. Sa pagsakop ng mga monopolyong ito sa ekonomiya ng ibang bayan, isinilang ang imperyalismo. Ang globalisasyon na walang iba kundi modernong imperyalismo ay pagpapatuloy ng kasaysayang ito. Ang globalisasyon ay rekolonisasyon ng atrasadong mga bayan ng abanteng mga bansa sa pamamagitan ng dominasyon ng mga TNC sa mga lokal na ekonomiya.

10. Paano lalabanan ng mga manggagawa ang globalisasyon?

Sa globalisadong opensiba ng uring kapitalista, pinaaatras ang uring manggagawa ng kung ilang siglo sa panahong wala ni anumang proteksyon ang paggawa sa pang-aabuso ng kapital. Binabawi ang mga karapatan at ganansyang naipagtagumpay ng mga manggagawa sa magiting na pakikipaglabang daantaon na ang nakakalipas. Kung magtatagumpay ang globalisasyon, darating ang panahong walang unyon, walang seguridad ng trabaho, walang minimum na sahod, walang limitasyon ang araw ng paggawa at walang mga benepisyo.

Subalit magaganap lang ito kung hindi lalaban—at lalaban bilang uri—ang mga manggagawa. Sa tindi at igting ng perwisyo at sakripisyong dinaranas ng uring manggagawa sa globalisasyon, napupukaw sa pagtutol at paglaban ang masang manggagawa. Pumuputok ang mga welga at protesta ng manggagawa. Sa ibayong dagat, pangkalahatang mga welga at higanteng mga demonstrasyon ang sumisiklab.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ipaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang saligang mga karapatan at batayang mga proteksyon. Noong umuunlad pa lang ang kapitalismo, ganito ang ginawa ng ating mga ninuno. Mistula lang walang progresong nakamit ang uring manggagawa sapagkat makalipas ang ilang siglo, bumabalik tayo sa kahalintulad na pakikibaka. Kung pilit mang ninanakaw ng uring kapitalista ang ipinama ng ating mga ninunong manggagawa, patunay lang ito ng kalupitan at kabuktutan ng sistemang umiiral.

Ipinakita ng pakikibaka ng unang henerasyon ng mga manggagawa noong panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo kung paano ipagwawagi ang proteksyon sa paggawa. Saglit nating baliktanawin ang kasaysayang ito upang halawan ng aral. Upang maging konkreto, gawin nating halimbawa ang kilusang manggagawa ng Britanya, ang unang bansang tumahak sa landas ng modernong industriya at unang bayang sinilangan ng manggagawang industriyal.

Isinilang ng modernong industriya ang modernong proletaryado, ang mga alipin ng modernong sistema. Pinagkayod kalabaw sila ng lagpas 15 oras bawat araw kapalit ng kakarampot na sahod, na binabawasan pa ng mabibigat na multa. Nanirahan sila sa giba-giba at miserableng mga dampa. Pagkasira ng katawan at pagkabulok ng isipan ang kanilang kapalaran kapag nagtatrabaho, kagutuman kapag wala. Ang abang kalagayan ng mga manggagawa ay nagtulak sa kanilang lumaban.

Sa pagsilang pa lang ng uring manggagawa, nagsimula na ang pakikibaka laban sa mga kapitalista. Ang una nilang pakikibaka ay aksyon ng mga indibidwal na manggagawa o grupo ng mga trabahador laban sa kanilang indibidwal na kapitalista. Unang nagkahugis na pangmasa ang mga paglaban nang maramihang nagbagsakan ang sahod at nagtanggalan ng mga trabahador sa malawakang pagpasok ng mga makinarya. Sinabotahe ang mga makinarya at sinunog ang mga pabrika. Sumiklab ang hiwa-hiwalay na mga pag-aalsa ng masang anakpawis sa iba’t-ibang lugar. Ang kilusang ito noong 1811-16 sa Inglatera ay tinawag na Luddite.

Ang pag-oorganisa ng masang manggagawa, ang ispontanyong pagsisikap nilang bigkisin ang sariling hanay, ay nagsimula noong panahong papaunlad pa lang ang modernong industriya. Sa Britanya nagsimula noong mga 1750 ang pag-oorganisa ng mga trabahador sa home/cottage industry, manufacturing at commercial farming. Ang pangunahing porma ng organisasyon ay lokal na trade club ng mga sahurang artisano at journeyman. Kadalasan ay mga kapisanan ito para sa pagtutulungan ng mga kasapi. Ang unang mga permanenteng organisasyon ng mga trabahador sa Inglatera ay nagbigkis sa hatters, cordwainers, curriers, brushmakers, basketmakers, calico printers, cotton-spinners, coopers, sailmakers, coachmakers, smiths, bricklayers, carpenters, silkweavers, cutlerymakers at printers.

Natakot ang mga kapitalistang Ingles sa pag-oorganisa ng mga manggagawa kaya’t noong 1799 ipinasa ng parlamento ang Combinations Act. Ipinagbawal ng Combinations Act ang pagsasama ng mga manggagawa para sa layuning baguhin ang kondisyon sa paggawa at sahod. Nasagkaan subalit hindi napigilan ang pag-oorganisa. Ni hindi nasawata ang mga welga para sa dagdag sa sahod at laban sa pagbawas ng kita, pang-aabuso, pagpasok ng makinarya at paggamit ng mga iskirol. Sumiklab ang mga pangkalahatang welga sa ilang lugar at malawakang nag-aklas ang mga minero, manghahabi, cotton at wool worker. Kadalasang marahas ang mga paglaban, gaya ng Peterloo massacre. Madugong binuwag ang isang malaking demonstrasyon noong 1819 laban sa ekonomikong krisis at para sa karapatang bumoto ng lahat. Ang Peterloo massacre ang titis na nagsilang sa modernong kilusang paggawa ng Britanya.

Pagdating ng mga 1824-25 sa Inglatera kalakaran nang tawaging trade union ang mga organisasyon ng manggagawa. Ang unang anyo ng mga unyon ng manggagawa ay mga craft union. Sa craft union nagsama-sama ang mga manggagawang may iisang kasanayan o okupasyon.

Sa higit na pag-unlad ng kapitalismo sumulong ang kilusang manggagawa ng Britanya. Sa isang banda, tuluy-tuloy ang pag-oorganisa ng lihim at mala-ligal na mga unyon, ang pagwewelga para sa mga kahilingang pang-ekonomiya at pangangampanya sa ligalisasyon ng mga unyon. Sa kabilang banda, sumiklab ang mga paglaban para sa karapatang bumoto noong 1815-19 at 1830-32.

Noong 1825 isinabatas ang ligalisasyon ng pag-uunyon, gayong may mga limitasyon pa ring ipinataw. Sumigabo ang pag-uunyon sa pangunguna ng mga inhinyero, minero, karpintero, shipwrights at joiners. Sa unang pagkakataon nagbuklud-buklod ang mga unyon sa pederasyon at nagtayo ang mga manggagawa ng mga kooperatiba.

Sa pamamagitan ng mga welga at petisyon sa parlamento naipanalo ng mga manggagawa, simula 1833, ang isang serye ng factory acts na nagpataw ng regulasyon sa kondisyon sa paggawa—gaya ng pagbawal ng pagtatrabaho ng bata, paglimita sa oras ng trabaho ng babae at pagtakda ng normal na araw ng paggawa—at nagrenda sa walang habas na pang-aalipin ng mga kapitalista. Dala ng isang bugso ng ahitasyon, naipasa noong 1847 ang paglilimita ng araw ng paggawa ng mga kabataan at kababaihang manggagawa sa 10 oras lang.

Noong mga 1850, ang may-kasanayang mga manggagawa ay nagtayo ng bagong tipong unyon na sinusustena ng butaw ng mga kasapi. Naigpawan ng bagong klaseng unyon ang instabilidad ng naunang mga unyon. Nanalo noong 1859-60 ang welga ng mga trabahador sa konstruksyon ng London para sa 9 oras na araw ng paggawa. Bunga nito, naitayo ang London Trades Council na yumakap sa mga craft union ng syudad. Sinundan ang halimbawang ito ng mga manggagawa ng ibang syudad.

Nagkaisa sa Trade Union Congress (TUC) ang trades councils ng mga syudad at iba pang mga unyon noong 1868. Umabot sa 120,000 ang kasapi ng pambansang sentrong paggawa ng Inglatera. Matagumpay na ikinampanya ng TUC sa parlamento ang mga batas paggawa para sa proteksyon ng manggagawa. Matapos lang ang anim na taon ay sampung beses ang inilaki ng kasapian ng TUC.

Pagpasok ng dekada 1880, pumutok ang isang alon ng mga pakikibaka at sumulpot ang “bagong unyonismo” ng mga manggagawang unskilled, semiskilled at white collar. Ang lakas ng “bagong unyonismo” ay iminarka ng matagumpay na welga ng gas workers at mga manggagawa sa daungan ng London. Pagsapit ng 1900 umabot na sa 2 milyon ang unyonisadong manggagawa sa buong Inglatera.

Malinaw ang aral ng maikling pagbaybay na ito sa kasaysayan ng kilusang manggagawa sa Britanya. Nakamit ang proteksyon ng paggawa laban sa pang-aabuso ng kapitalismo sa banta ng rebolusyon ng manggagawa laban sa mismong kapitalistang sistema.

Kung ang sistemang umiiral ay isang “demokrasya,” dapat lang bigyang konsiderasyon ng gobyerno ang kapakanan ng mga manggagawang bumubuo ng higit na nakararami at bumubuhay sa lipunang ito. Kung hindi kayang protektahan ng gobyerno ang ekonomiya laban sa imperyalistang globalisasyon, obligasyon nitong protektahan ang manggagawa laban sa salot na ito. Kung kahit ito ay hindi maaring gawin ng gobyerno, wala nang dahilan upang hindi ibagsak ng uring manggagawa ang walang kwenta, walang silbi at walang pakinabang na sistemang kapitalista.