PAGKAKAISA
ni Ka Popoy Lagman
Sinumang nag-iisip ng tunay na pagbabagong panlipunan ay dapat lutasin ang saligang paraan kung paano kakamtin ang malawak na pagkakaisa ng prinsipal na pwersa ng pagbabagong ito – ang uring manggagawa.
Hanggang ngayon, malaking mayorya ng manggagawang Pilipino ay hindi organisado kahit sa unang grado ng makauring pagkakaisa sa anyo ng lokal na unyunismo. Samantalang ang manipis at hati-hating hanay ng organisadong paggawa ay nahaharap naman sa lumalaking banta ng anihilasyon sa panahong ito ng makabagong globalisasyon.
Sa ganitong kalagayan, ang tungkulin ay hindi lang paano ang saligang paraan ng pag-oorganisa kundi paano ito mapapabilis para tumugon sa mabigat na hamon ng kasalukuyang pakikibaka.
MAKAURING PAGKAKAISA
Di dapat ipagkibit ng balikat ang mabagal na pag-oorganisa. Hindi ito simpleng problema ng kakapusan ng sapat na dami ng mga bihasang organisador. Ang mismong kakapusang ito ay resulta ng parehas na problemang siya ring dahilan ng mabagal na pag-unlad ng pagkakaisa ng masang manggagawa.
Dapat nating repasuhin ang nakagawiang mga paraan ng pag-oorganisa. Ito’y hindi supisyente at epektibong nakatutugon sa pangangailangang malawakang pagkaisahin ang masang manggagawa bilang isang uri.
Ang tinutukoy natin ay ang pag-oorganisa sa anyo ng lokal na mga unyon para sa pang-ekonomyang pakikibaka. Ang pag-oorganisang pang-unyon at pakikibakang pang-ekonomya ay ginawa nating nag-iisang daan at natatanging paraan para pasimulan ang pagkakaisa ng mga manggagawa.
Liwanagin natin na wala tayong anumang intensyong maliitin o bawasan ang importansya ng pang-unyong pag-oorganisa at pakikibaka. Isang makamandag na kapitalistang propaganda ang inilalakong pananaw na lipas na ang unyunismo sa panahong ito ng globalisasyon.
Ito’y nananatiling pinakasaligang organisasyon ng uring manggagawa at pinakamabisang proteksyon ng masang anakpawis sa kapitalistang pang-aapi laluna sa panahong ito ng globalisasyon.
Pinakamalinaw na katibayan ng nagpapatuloy nitong bisa’t halaga ay ang paghuhumiyaw at paggugumiit ng sektor ng kapital at nga kapitalistang estado na sagkaan at sugpuin ang unyonismo dahil balakid ito sa landas at batas ng globalisasyon.
Ang ating pinupuna ay hindi ang mismong unyonismo at ang importansya nito kundi ang nakagawiang paraan na halos idinadaan at isinasakay ang buong tungkulin ng makauring pag-oorganisa sa kaparaanan ng unyonismo.
Kung tayo’y ordinaryong mga unyonista na ang nilalayon lang ay mag-unyon, natural lang na ikonsentra ang buong atensyon at paraan sa unyonismo. Kaso’y hindi tayo simpleng mga unyonistang ang nilalayon ay simpleng mapabuti ang kalagayan ng pagiging sahurang-alipin ng manggagawa at makipagtawaran na lang sa presyo’t benepisyo ng pagpapaalipin sa kapital.
Ang pinakalayunin natin ay wakasan ang sistemang ito ng sahurang pang-aalipin, wakasan ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa at wakasan ang paghahari ng kapital sa lipunan sapagkat narito ang pinakaugat ng kahirapan at kaapihan ng uring manggagawa at masang anakpawis.
Para sa layuning ito, ang pinakasaligang rekisito ay mapagkaisa ang masang manggagawa bilang uri. At magaganap lamang ang makauring pagkakaisang ito kung sila’y magkakaroon ng kamalayan na sila’y nabubuhay sa kapitalistang lipunan bilang isang depinidong uri na may depinidong makauring mga interes.
Narito ang malaking depekto ng ating saligang paraan ng pag-oorganisa. Nawawaglit sa ating kamalayan ang pinakalayunin ng ating pag-oorganisa – ang palawakin at palalimin ang makauring pagkakaisa ng masang manggagawa. Kung mulat tayo sa layuning ito, sa bawat sandali ng ating pagkilos, di mangyayaring maiimbudo ang pag-oorganisa sa kaparaanan ng pag-uunyon, at siguradong ikokombina ito sa iba pang paraan.
Ang ibang paraan na ito, na siyang mas esensyal na paraan ng makauring pag-oorganisa, ay ang pampulitikang pag-oorganisa, ang pag-oorganisa sa masang manggagawa bilang pwersang pampulitika. Ito ang tunay na kahulugan ng pag-oorganisa sa masang manggagawa bilang uri.
KAMALAYANG MAKAURI
Ilang daang libong manggagawa sa Pilipinas ang organisado sa mga unyon samantalang milyun-milyon, humigit-kumulang sa 95 porsyento ng uring manggagawa ang hindi organisado.
Ilan sa kanila ang mulat-sa-uri? Ibig sabihin, paano ang turing ng isang manggagawa sa kanyang sarili bilang isang manggagawa, paano ang kanyang tingin sa pagiging manggagawa sa umiiral na lipunan.
Mabuti pa ang kapitalista sapagkat malinaw ang kanyang turing at tingin sa uring manggagawa. Alam ng bawat kapitalista na para umandar at lumago ang kanyang negosyo, hindi sapat na mayroon siyang mga makina, materyales, atbp., bilang puhunan. Balewala ang lahat ng ito kung hindi makakatagpo ang kanyang kapital ng lakas-paggawa – ang natatanging kalakal sa mundo na hindi lang nagpapaandar kundi nagpapalago sa kapital. Ang nag-iisang kalakal sa buong mundo na nag-aangkin ng kakayahang lumikha ng halaga. Isang kalakal na habang kinukunsumo ay lumilikha hindi lang ng katumbas ng kanyang presyo kundi ng halagang sobra sa kanyang naging presyo na ang katawagan ay sweldo, ng sobrang halagang ang katawagan ay tubo.
Narito ang sikreto’t mahika, ang kamandag at bagsik, ng sistemang pang-ekonomyang tinatawag na kapitalismo. Kailangan ng kapitalismo ng isang uri sa lipunan na ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa. Ito ay isang seksyon ng populasyon na dapat ay walang ibang ikabubuhay kundi ang magpaupa ng lakas-paggawa. Walang ibang ikabubuhay dahil wala silang anumang pag-aari na maaaring magamit para sa kanilang kabuhayan kundi ang kanilang lakas-paggawa.
Isang lakas-paggawa na nagkakaroon lang ng silbi sa umiiral na sistema kung bibilhin ng may-ari ng kapital at gagamitin sa produksyon. Gagamitin sa produksyon ng mga kalakal na siyang porma ng ekonomya ng tinatawag na kapitalismo. Produksyon ng samu’t saring kalakal na tumutugon sa samu’t saring pangangailangan ng tao. Mga kalakal na pawang likha ng lakas-paggawa. Lakas-paggawang tagapaglikha ng lahat ng kalakal sa mundo pero walang tigil na binabarat ang presyo sa pinakamurang halaga at hinahamak ang dignidad sa pambubusabos. Lakas-paggawa na galing sa pawis at dugo ng mayorya ng tao sa kapitalistang lipunan na ginagawang modernong mga alipin ng iilang panginoong may kapital.
Ngunit hindi ganito ang turing at tingin ng mayorya ng mga manggagawa sa kanilang sarili, sa kanilang paggawa, sa kanilang pagiging manggagawa. Para sa isang manggagawang hindi mulat-sa-uri, ang tingin niya sa pagiging manggagawa ay simpleng hanapbuhay, isang porma ng okupasyon. Ang turing niya sa kanyang mga kapwa manggagawa ay simpleng katrabaho o kaparehas ng trabaho, namamasukan sa may-ari ng kapital para kumita ng sahod o sweldo kapalit ng kanyang pagtatrabaho.
Madaling makita ng mga manggagawa ang katusuhan at kalupitan ng kapitalista. Pero tinatrato nila ito bilang naturalesa ng tao at hindi naturalesa ng kapitalismo. Sa batayang ito, hinahangad niya ang pagkakaroon ng unyon para sa pansariling proteksyon at para ipaglaban ang kanyang mga karaingan. Pero kadalasan ay hanggang dito lang ang kanyang pananaw sa pagkakaisa. Magkaroon ng isang lokal na unyon para pangalagaan ang interes bilang mga empleyado ng isang kompanya – ang kanilang seguridad sa trabaho, ang kanilang regular na umento, ang kanilang mga benepisyo. Ngunit lahat ng ito ay para lang mapabuti ang kanilang kalagayan bilang trabahador ng kapitalista, hindi ang mapalaya ang sarili bilang sahurang-alipin ng kapital.
Ni hindi nga niya tinatanaw ang kanyang sarili bilang alipin ng kapital, bilang alipin ng sahurang sistema ng kapitalismo. Hindi niya tinitingnan ang kanyang sarili bilang alipin dahil ang konsepto niya ng pagiging alipin ay pwersahang pinagtatrabaho. Walang kalayaan, walang karapatan. Napaniwala ang manggagawa na siya’y namasukan sa isang kapitalista nang kusang-loob. Anumang oras na ayaw na niyang magtrabaho para sa kanyang kapitalistang amo, siya ay may ganap na kalayaang umalis at maghanap ng ibang pagkakakitaan. Alam rin niya na mayroon siyang mga karapatang ginagarantiyahan ng mga batas, at mas ang problema’y ang implementasyon ng mga ito.
Ngunit ang hindi niya namamalayan ay ang katotohanang ang ginagarantyahan lang ng mga karapatang ito ay ang kanyang kalayaang paiigihin ang kondisyon ng kanyang pagiging alipin. Hindi ang kalagayang baguhin ang mismong sistemang ito ng modernong pang-aalipin. Totoong hindi siya aliping pag-aari ng isang indibidwal na kapitalista. Ang hindi niya namamalayan ay pag-aari siya ng buong uring kapitalista dahil hangga’t wala siyang ibang pagkakakitaan bukod sa pagpapaupa ng kanyang lakas-paggawa, obligado siyang mamasukan sa ibang kapitalista, obligado siyang magpailalim sa kapangyarihan ng kapital.
Maari ring mangyaring sa sikap o swerte ay makaipon ang isang manggagawa. Makapagpundar ng maliit na negosyo, at sa ganitong paraan, makaahon sa pagiging ordinaryong sahurang manggagawa. Maaring “palarin” na umasenso ang sinumang indibidwal na manggagawa ngunit absolutong hindi pwedeng “umasenso” ang buong uring manggagawa at makawala sa tanikala ng pagiging manggagawa sapagkat anong mangyayari sa kapital kung wala ang paggawa, paanong magkakaroon ng kapitalista kung walang uring manggagawa. Maaring mabuhay ang isang lipunan nang walang uring kapitalista at ito ang sosyalismo, pero hindi pwedeng magkaroon ng kapitalismo nang walang uring anakpawis na panggagalingan ng murang lakas-paggawa.
Narito ang kasagutan kung bakit hindi mabuo ang pagkakaisa ng manggagawang Pilipino. Hangga’t hindi umaabot ang kamalayan ng mga manggagawa sa kanilang pag-iral sa kapitalistang lipunan bilang uri, imposible ang kanilang malawak at matatag na pagkakaisa at pagkakaorganisa bilang pangunahing pwersa ng pagbabagong panlipunan. Hangga’t wala ang ganitong kamalayan sa uri, obhetibong umiiral ang mga manggagawa sa lipunan ngunit hindi masasabing ganap na umiiral bilang uri dahil ito ay dapat mangahulugan ng kamalayan sa pagiging isang uri, kamalayan sa kanilang komunidad ng interes bilang uri.
Maaring maorganisa sa mga lokal na unyon ang mga manggagawa, maaring maorganisa sila sa malalaking pederasyon. Ngunit mananatili pa ring biyak-biyak ang kanilang hanay, mananatiling mailap ang tunay na pagkakaisa ng manggagawang Pilipino hangga’t ang organisadong mga manggagawa ay hindi mulat sa kanilang pag-iral bilang uri, hangga’t hindi ang kamalayang makauri, ang kamalayan sa kanilang makauring mga interes ang nagbibigkis sa kanilang pagkakaisa at pakikibaka.
PAG-OORGANISANG PAMPULITIKA
Ang pagkakaorganisa ng mga manggagawa bilang uri ay di maiiwasang maging pulitikal ang katangian sapagkat ang tunay na kamalayang makauri ay pulitikal ang nilalaman. At ito ang tunay na pinangingilagan ng uring kapitalista at ng kapitalistang estado at ginagawa nila ang lahat ng paraan upang sagkaan ang ganitong pag-unlad ng kilusan ng uring manggagawa. Ang mismong mapanupil na reaksyon ng kapital at estado sa banta ng makauring pagkakaisa ng anakpawis kahit sa porma ng unyonismo ay agad nang nagbibigay ng pulitikal na katangian sa pagkamulat ng manggagawa bilang uri sa kapitalistang lipunan.
Imposibleng hindi maging pulitikal ang makauring pagkamulat ng masang manggagawa bilang uri sapagkat imposibleng matanggap ng manggagawa ang kanyang pagiging kabilang sa isang uri nang hindi nauunawaan ang posisyon ng manggagawa sa sistema ng produksyon ng lipunan. Kapag nailugar niya ang kanyang sarili sa posisyong ito, imposibleng hindi mahagip ng kanyang pananaw ang mapagsamantalang relasyon sa produksyon ng kapitalistang sistema, ang kabuuang katotohanan ng sistema ng sahurang pang-aalipin, ang batas ng paglitaw, pag-unlad at pagbagsak ng kapitalismo bilang isang sistema.
Kung ang pagbubuo ng unyon ang labis na kinasisindakan ng bawat indibidwal na kapitalista, ang kinahihindikan naman ng kapitalistang estado ay ang pampulitikang pagkamulat ng masang manggagawa bilang isang uri, bilang isang pwersang pulitikal na may pulitikal na partido sa pinakauluhan nito. Ang transpormasyon ng kilusan ng uring manggagawa sa isang kilusang pampulitika, ng kaisipang pang-unyon sa kamulatang pampulitika, ng pang-unyong pagkakaisa sa pampulitikang pagkakaisa ng uri ang simula ng paglaya ng uring manggagawa sa kapangyarihan ng kapital – ang paglaya ng kanyang kaisipan mula sa kaisipan ng naghaharing sistema. Hindi lang ang katawan ng manggagawa ang inaalipin ng kapital kundi pati ang kanyang kaisipan. Ang kasunod ng ispiritwal na paglaya ng uring manggagawa ay ang transpormasyon nito sa materyal na pwersang pisikal na magbabagsak sa reaksyonaryong sistema.
Ang pampulitikang pag-oorganisang ito ang nawawaglit at napag-iiwanan sa pagkilos. Nangangarap tayo ng pagdami ng unyonisadong mga manggagawa pero nawawala sa ating isip ang paglago ng kanilang pampulitikang pagkakaorganisa bilang uri. Sa likod ng ating isip ay para bang madali na ang pampulitikang pag-unlad ng mga manggagawa sa batayan ng kanilang pang-unyong pagkamulat. Ito ay may aspeto ng katotohanan ngunit may peligro rin na mabahura sa antas ng unyonismo na siyang nagaganap. Kaswal masyado ang pagtrato natin sa pampulitikang pag-oorganisa habang ang ginagawang krusyal ay ang unyonismo.
Baliktarin natin ang ating pamamaraan sapagkat ito ang tuwid na pamamaraan. Mas sigurado ang pang-unyong pag-unlad ng masang manggagawa kung ito’y nagaganap sa batayan ng pagsulong ng kanilang pampulitikang pag-unlad. Mas dadami ang determinadong mga organisador kung konsolidado ang pampulitikang kamulatan ng mga unyon. Mas gagaan ang pang-araw-araw na pag-aasikaso ng mga unyon kung titining ang kanilang pulitikal na konsolidasyon.
Dapat lamang pag-ibayuhin ang paglawak ng unyonisadong hanay ng mga manggagawa. Bawat unyon na ating maorganisa o maugnayan ay dapat kagyat na asikasuhin ang pampulitikang pagkamulat. Ngunit hindi dapat mangyayaring mapako, maimbudo o mabahura ang pampulitikang pag-oorganisa sa kaparaanan ng unyonismo. Tuklasin at paunlarin natin ang paraan ng pampulitikang pag-oorganisang mabisa at malawakan nating naisasagawa nang independyente sa pag-oorganisang pang-unyon habang tinitiyak na ang pang-unyong pag-oorganisa ay kagyat na naisusulong sa pampulitikang pagkakaisa ng manggagawa.
Kung tutuusin, dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri.
Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka. Lagumin natin ang karanasan sa pagbubuo ng Kauri at iangkop at paunlarin ito sa pagbubuo ng mga buklod. Ikonsentra natin ang Kauri sa mga pook ng tirahan ng masa samantalang ang mga buklod ay mas sa mga pook ng trabaho natin itayo.
Ang ekspansyon ng mga bagong kompanyang tatayuan ng buklod ay dapat tuloy-tuloy na dumaloy at dumaan sa mga natural na koneksyong gaya ng mga kamag-anak at kaibigan ng ating mga aktibong pwersa na kung pipigain natin ang potensyal na ekspansyon ay siguradong tumatagos sa napakaraming kompanya. Ang ispesyalisasyong ito ng BMP sa ganitong tipo ng pag-oorganisa ay mangangahulugan ng pagpapakahusay sa gawaing propaganda, ahitasyon at edukasyon.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paglawak ng organisadong network ng mga buklod ng BMP at mga pulitikalisado nating mga unyon, ipakilala natin ang BMP bilang militanteng ekspresyon ng pampulitikang pagkakaorganisa ng uri at behikulo ng kanilang pampulitikang pakikibaka. Itransporma natin ang BMP sa isang organisadong makinarya ng pampulitikang propaganda at pakikibaka ng sosyalistang kilusan sa bansa na ang araw-araw at oras-oras na inaasikaso ay ang pagpapalawak at paghihinang ng makauring pagkakaisa ng manggagawang Pilipino at ang pangunguna ng uring ito sa pampulitikang pakikibaka ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya.
Magasing TAMBULI, Disyembre 1998

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento