Martes, Hunyo 10, 2008

Proteksyon o Rebolusyon - ni Ka Popoy Lagman

Proteksyon o Rebolusyon Laban sa Salot na Globalisasyon

ni Ka Popoy Lagman

Isang salot ang naghahasik ngayon ng kilabot sa uring manggagawa. Ito’y ang salot ng Globalisasyon.

Sa buong daigdig, milyun-milyon ang sinisipa sa trabaho. Dati’y paramihan ng empleyado. Ngayo’y “downsizing” at “redundancy” ang uso. Epidemya sa lahat ng bansa ang “contractualization”. Lipas na ang terminong “job security”. Ang sikat ay “retrenchment”. Pinapalitan ang regular ng contractuals at casuals. Ipinapasa sa “subcontractors” ang dati’y regular na mga trabaho sa principal na mga planta.

Iisa ang rason kung bakit ito’y nauuso: Baratin ang “labor cost”. Sa tindi ng kompetisyon, ginigiba ang mga unyon para mapamura ang paggawa. Inaanunsyo ng mga propeta ng Globalisasyon na hindi na uso ang unyonismo. Sintensyado na raw ang unyonismo: Wala na raw lugar ang unyon sa Globalisadong Planta, sa Globalisadong mundo.

Dito sa Pilipinas, pati Konstitusyon ay gustong ipabago. Iangkop sa Globalisasyon ng ekonomya. Kung ang mismong Konstitusyon ay gustong ihulma sa Globalisasyon, laluna ang Labor Code. Idinadaing natin ang kakulangan sa proteksyon. Baligtad naman ang reklamo ng kapital. Ang gusto’y tanggalin ang mga proteksyong ito. Sawatahin ang unyonismo. Ipatupad ang strike ban. Pairalin ang wage moratorium. Bawasan ang mga benepisyo. Ibaba ang labor standards. Suspindihin ang CBAs. Baklasin ang job security. Gawing pleksible ang araw paggawa. At iba pang hakbang na pawang anti-manggagawa. Ito ang gusto nilang mangyari dahil ito raw ang kailangan para maging “competitive” ang Pilipinas. Laos na ang “proteksyonismo” bilang doktrinang pang-ekonomya. Laos na rind aw dapat ang “unyonismo” bilang porma ng “proteksyon” sa paggawa. Patagusin hanggang sa paggawa ang aplikasyon ng “liberalization”, “deregulation” at “privatization” – ang tatlong haliging patakaran ng Globalisasyon.

Ang ibig nilang sabihin ng “liberalization” ay maging maluwag ang estado sa mga batas paggawa. Ang “deregulation” ay huwag gaanong manghimasok ang estado sa mga usapin sa paggawa. Ang “privatization” ay pribado nilang pag-aari ang lakas-paggawa bilang kalakal. Ang merkado, hindi ang estado, ang mapagpasya sa relasyon ng kapital at paggawa. Ganito raw ang Globalisasyon. Ito raw ang paraan para mapamura ang mga produkto sa Pilipinas at makaungos sa pandaigdigang kalakalan. Ito raw ang paraan para maengganyo ang mga dayuhang imbestor: Hindi lang mura kundi maamo ang manggagawa sa bansa. Walang unyon, walang welga. Sa buong daigdig ay dinidilubyo ng Globalisasyon ang uring manggagawa. Pero lumalaban ang mga manggagawa, nagpuputukan ang general strikes sa iba’t ibang bansa. Kahit sa US – ang kuta ng konserbatibong unyonismo – ligalig ang mga manggagawa, umaagos ang unyonismo, kumikislap ang militansya, sumisiklab ang mga welga. Namumuno ngayon ang globalisadong pakikibaka laban sa pangkalahatang opensiba ng kapital. Nagpapanibagong sigla ang mga kilusang mapagpalaya laban sa rekolonisasyon ng mundo sa anyo ng Globalisasyon.

Lahat ng unyon sa Pilipinas ay dapat umalerto at umaktibo laban sa opensibang ito ng kapital. Kapag tinulugan natin ngayon ang pagbabantay, magigising na lang tayo na wala na tayong mga karapatan. Kinain nang lahat ng Globalisasyon. Dama na halos ng lahat ang epekto nito. Paano pa kaya ang kapatid nating mga manggagawa na di unyonisado? Gaano kagrabe ang kanilang sitwasyon? Dapat tandaan na wala pang 5% ng mga manggagawa sa Pilipinas ang unyonisado. Ang 95% ay walang kalaban-laban dahil kahit unyon ay wala sila.

May unyon man o wala, ang totoo’y wala nang gaanong bias ang paglaban kung tayo’y kanya-kanya, kung mayroon mang “laos” na sa panahon ng Globalisasyon, ito;y hindi ang mismong unyonismo kundi ang lokalisadong unyonismo. Ang unyonismong nakalululong sa kanya-kanyang planta. Kung dati nang hirap ang isang lokal na unyon na harapin ang kanyang indibidwal na kapitalista, ngayon ay sandaang ulit na mas mahirap ang lokalisadong paglaban. Ang kalaban kasi ay hindi na lang ang indibidwal na kapitalistang may-ari ng kompanya. Ang kabangga ay ang nagaganap na Globalisasyon ng buong ekonomya. Ang mga patakaran ng gubyerno na nagsusulong nito. Wala na lang sa loob ng planta, opisina o plantasyon ang prinsipal na problema. Nasa labas – nasa pangyayari sa buong bansa, sa buong lipunan, sa buong daigdig.

Panahon nang paigpawin ang kilusang unyon sa bago’t mas mataas na antas. Panahon nang ikintal sa diwa ng bawat unyon ang kaisipang makauri, ang pagkakaisang makauri, ang pakikibakang makauri. Kailangang mag-isip tayo hindi na lang bilang empleyado ng ganitong kompanya o myembro ng ganitong unyon. Mag-isip at tumindig tayo bilang bahagi ng uring manggagawa.

Maraming pagbabagong nagaganap sa ating paligid. Mga pagbabagong mas nakasasama kaysa nakabubuti sa ating kalagayan bilang manggagawa. Pag-aralan natin ang mga pagbabagong ito, at sa proseso, baguhin rin natin ang ating sarili. Kung hangad natin ay pagbabagong makabubuti sa atin bilang mga manggagawa, kailangang baguhin rin natin ang ating mga kaisipan at pananaw na sagka sa pagbubuo ng pinakamalawak na pagkakaisa ng ating uri.

Unahin natin ang pananaw na wala tayong pakialam kung “nasusunog” na sa impyerno ng Globalisasyon ang mga kauri nating mga manggagawa dahil di pa naman inaabot ng apoy ang sarili nating pabrika. Sa ganitong pananaw, siguradong isa-isa tayong masusunog sa apoy ng Globalisasyon. At humahalakhak ang kampon ng kapital sa ating pagkakawatak-watak.

Ang pangontra sa salot na Globalisasyon ay makauring kamalayan, makauring pagkakaisa at makauring pakikibaka. Dumadaloy sa ating kamalayan ang diwang makabayan bilang Pilipino. Kailangang gumuguhit rin sa ating kaisipan ang diwang makauri bilang manggagawa. Sa pagkakaroon ng kamalayan sa ating pagiging uri sa lipunan, mabubuo ang tunay na makauring pagkakaisa ng masang manggagawa. Ito ang pundamental na rekisito sa pakikibaka laban sa salot na Globalisasyon.

ANO ANG GLOBALISASYON?

Ang ekonomya raw ng bansa ay di na pwedeng umabante ng separado sa ekonomya ng daigdig. Kabit-kabit na raw ang mga ekonomya ng mga bansa. Tanda ng interkoneksyon at integrasyon ng mga ekonomya ang naganap na krisis sa Asya noong 1997. Nang biglang tamaan ng pinansyal na krisis ang Thailand, nadamay ang maraming bansa, kabilang ang Pilipinas. Daig pa ang malakas na lindol, inuga nito pati ibang sulok ng mundo.

Paano nagkadugtong-dugtong ang mga ekonomya ng mga bansa sa panahong ito ng Globalisasyon?

Una’y ang pandaigdigang kalakalan. Ang ekonomya ng mga bansa ngayon ay lubusang nakasalalay sa pandaigdigang kalakalan – sa pagluluwas ng sariling mga produkto at sa pag-aangkat ng mga produkto ng ibang bansa.

Ikalawa’y ang pandaigdigang pamumuhunan. Para makasabay sa internasyunal na kalakalan, kailangang tumaas ang produktibidad ng isang bansa. Para dito, kailangan ang sustenadong pagpasokng imbestment.

Bago nauso ang “Globalisasyon”, umiiral na ang pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Ano, kung gayon, ang kaibhan ngayon kumpara sa nagdaang mga panahon?

Ginigiba ngayon ang lahat ng restriksyon sa galaw ng kalakal at kapital. Bukas na ang mga ekonomya ng mga bansa para sa “malayang” kalakalan at pamumuhunan. Sa walang restriksyong pagpasok at paglabas ng mga kapital at kalakal. Ito ang tinatawag na “liberalisasyon”. Kung may depinisyong naglalarawan sa Globalisasyon, ito’y ang ganap na liberalisasyon ng mga ekonomya. Ang sukdulang pagbaklas sa mga restriksyon sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan na walang kaparis sa kasaysayan ng kapitalismo.

Ano ang direktang epekto ng liberalisasyong ito?

Ito’y ang pag-igting ng pandaigdigang kompetisyon. Kumpetisyon ito sa pamurahan ng mga kalakal. Kumpetisyon sa pag-akit sa dayuhang pamumuhunan. Para makalaban ang eksport ng isang bansa sa pandaigdigang merkado, kailangang mapamura ang gastos sa produksyon kumpara sa kumpetensya. Para mahigop ang dayuhang imbestment, kailangang mas kaakit-akit ang mga insentiba ng isang bansa sa kanyang mga karibal.

Sa madaling salita, ang Globalisasyon ay hindi nagpupundar ng matiwasay na pandaigdigang komunidad na ang relasyon ng mga bansa ay nakabatay sa pandaigdigang kooperasyon. Kabaligtaran ang nagyayari. Naggigitgitan ang mga bansa sa walang kasintinding kompetisyon. Laslasan ng lalamunan. Walang tigil na nagsusulutan ang bawat isa ng merkado at imbestor. Pabagsakan sa presyo ng mga kalakal. Pagandahan ng insentiba sa imbestor.

PARA KANINO ANG GLOBALISASYON?

Agresibong ikinakampanya ng ating gubyerno ang Globalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas. Kung ito’y iprisinta, para bang ito lang ang nag-iisang daan ng Pilipinas sa pag-unlad. Ang nag-iisang sagot sa kahirapan ng mamamayan.

Pero kapag naiipit sa mga kritisismo laban sa Globalisasyon, ang laging paliwanag ng gubyerno ay di natin ito ginusto pero obligado nating gawin. Ito raw ay isang pandaigdigang pangyayari na labas sa ating control. Para daw mag-survive ang Pilipinas sa panahong ito, kailangang sumabay sa agos ng Globalisasyon. Kung ayaw nating lumubog bilang isang bansa, kailangang lumangoy tayo sa dagat ng Globalisadong mundo.

Sino, kung gayon, ang promoter at arkitekto ng Globalisasyong ito ng mga ekonomya ng mga bansa? Walang iba kundi ang US – ang numero unong kapitalistang bansa sa daigdig – at ang iba pang industriyalisadong mga bansa. At sila rin, o mas eksakto, ang kanilang mga korporasyong transnasyunal, ang principal na tumutubo at tumitiba sa Globalisasyon.

Di kailangan maging eksperto para makita na ang industriyalisadong mga bansang gaya ng Amerika ang principal na nakikinabang sa Globalisasyon. Kaya’t sila rin ang principal na nagtutulak at nanunulsol nito. Isinasalaksak sa lalamunan ng mga bansang gaya ng Pilipinas.

Sa pagbaklas sa mga restriksyon sa kalakalan at pamumuhunan, sila ang principal at ultimong makikinabang. Ang kanilang mga korporasyon ang may sobrang kalakal, sobrang kapital at sobrang produksyon na nangangailangan ng dadapuang mga merkado at ekonomya.

Ang kabuuang bilang ng mga bansa sa daigdig ay 191. Alisin sa bilang na ito ang ekonomya ng 9 na pangunahing bansa sa mundo, lalabas na pagsamahin man ang ekonomya ng natitirang 182 bansa, mas malaki pa rin ang total sales ng 200 pangunahing korporasyon sa daigdig! Mayorya sa top 200 ay mga korporasyong Amerikano at Hapon (117) at mahigit sa kalahati ng total sales ay kanila (67%). Ang headquarters ng 200 korporasyong ito ay nasa siyam lang na bansa pero ang operasyon ay buong mundo.

Mas mayaman pa ang mga korporasyong ito sa karamihan ng mga bansa. Kapag inihanay ang mga bansa at korporasyon sa buong daigdig batay sa laki ng pondo, 51 sa top 100 ay hindi mga bansa kundi mga korporasyon. Ang Philip Morris ay mas malaki pa ang pondo kaysa New Zealand. Ang Wal-Mart ay mas malaki pa kaysa 161 bansa, kabilang ang Israel, Poland at Greece. Ang Mitsubishi ay mas malaki kaysa Indonesia, ang pang-apat na bansa sa dami ng populasyon. Ang General Motors ay mas malaki pa kaysa Denmark. Ang Ford ay mas malaki kaysa South Africa. Ang Toyota ay mas malaki kaysa Norway.

Magdududa pa ba tayo kung para kanino ang Globalisasyon? Kung sino ang artikekto at promoter ng Globalisasyong ito?

Pinatatanggal ng industriyalisadong mga bansa ang mga restriksyon sa malayang pagpasok at paglabas ng kapital at kalakal para sa interes ng 200 kompanyang ito. Bagamat may 53,000 korporasyon ngayon na ang operasyon ay internasyunal sa pamamagitan ng 450,000 na foreign affiliates, ang bulto ng pang-ekonomyang aktibidad sa buong mundo ay dominado ng mga higanteng kompanyang kabilang sa top 200. Pero 200 man o 53,000 o 450,000 – ang realidad ay ang mga korporasyong ito ang nakikinabang sa Globalisasyon. Hindi ang mayorya ng mamamayan ng daigdig. Hindi ang mayorya ng mga manggagawa.

Di maikakaila na inaambunan rin ng “grasya” ang ibang bansa sa pagsigla ng kanilang mga ekonomya bunga ng liberalisasyon. Pero ang mamamayan ba ang ultimong nakikinabang o mas ang uring kapitalista sa mga bansang ito? Katunayan, hindi rin ang buong hanay ng uring kapitalista. Isang seksyon lang nito ang totoong nakikinabang. Ang marami ay nababangkrap dahil sa tindi ng kompetisyon. Kahit sa mga bansang industriyalisado, hindi rin ang kanilang mga mamamayan at manggagawa ang tunay na nakikinabang kundi ang uring kapitalista ng kanilang mga bansa, laluna ang mga korporasyong multinasyunal.

Ang pinakasimpleng panukat ng pagsigla ng ekonomya ay ang tinatawag na GDP. Ipinagmayabang ni Ramos na sa kanyang termino, lumaki ng 5% ang GDP, patunay ng matipunong pag-unlad ng ekonomya sa tulak ng globalisasyon. Sumigla nga ang negosyopero umunlad ba ang kabuhayan ng masa? Mula 1994 hanggang 1997, ang parte sa pambansang yaman na nakuha ng pinakamayamang 10% ay lumaki ng 4.2%. Samantalang kumonti ang napunta sa lahat ng iba pang Pilipino – mula sa panggitnag uri hanggang sa masang maralita. Mula 1988 hanggang 1997, positibo ang netong paglaki ng GDP. Pero ang parte sa pambansang yaman ng pinakamahirap na 30% ng populasyon ay lumiit mula 9.3% noong 1988 tungong 7.8% noong 1997. Ang bahagi naman ng pinakamayamang 10% ng mga Pilipino ay lumaki mula 35.8% tungong 39.7%. Ibig sabihin, sa kabila ng pagsigla ng ekonomya – o mismong bunga nito – lalo lang yumaman ang mayayaman at naghirap ang mahihirap! Hindi porke’t gumanda ang negosyo ay gumaganda ang buhay ng masa. Katunayan lalo lang lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa at sa buong daigdig makikita ang pag-unlad ng ekonomya kasabay ng ibayong pagdarahop ng nakararami at pagyaman ng iilan. Ang GDP ng buong mundo ay lumaki ng siyam na beses nitong huling 50 taon. Kung pantay-pantay na paghahatian ito, dapat ay lumaki ang kinikita ng bawat tao ng tatlongulit. Subalit dahil hindi pantay ang hatian ng yaman, hanggang ngayon 1.3 bilyon ang nagdidildil sa kitang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kasingdami rin ang walang mainom na malinis na tubig. Humigit-kumulang naman 840 milyon ang malnourished. Isa sa bawat pitong bata ang wala sa paaralan. Samantala ang pag-aari ng pinakamayamang 200 tao ay lumobo mula $400 bilyon tungong $1 trilyon sa loob lamang ng apat na taon mula 1994 hanggang 1998!

Ang agwat sa pagitan ng 20% pinakamayayamang bansa at 20% pimakamahihirap na mga bayan ay lumawak mula 30:1 noong 1960 tungong 60:1 nitong 1990 at 74:1 sa 1995. Kahit sa maunlad na mga bansa, ang pinakamayamang 20% ng populasyon ang nakikinabang sa 82% ng sumisiglang kalakalan at 68% ng sumisigabong pamumuhunan. Samantala ang pinakamahirap na 20% ay naghahati sa 1% ng benepisyong dulot ng liberalisasyon.

ANG GLOBALISASYON AY ANTI-MANGGAGAWA

Kadalasan, ang ordinaryong manggagawa ay walang pakialam kung magpayaman nang magpayaman ang mga kapitalista. Pabor pa nga na umasenso ang kompanya sa pag-asang may balatong umento at benepisyo.

Samakatwid, hindi tututol ang ordinaryong mga manggagawa sa Globalisasyon kung ang ibig lang sabihin nito ay ang ibayong paglago ng kayamanan ng uring kapitalista. Pero ibang bagay kungang kapalit ay ang interes ng mga manggagawa. Kung para lang umandar ang negosyo ay isasakripisyo ang mga manggagawa. Kung para lang ipundar ang Globalisadong ekonomya ay aapakan ang ulo ng manggagawa. Yuyurakan ang kakapiranggot na nga nating mga karapatan sa ilalim ng kapitalistang sistema.

Pero ganito ang Globalisasyon. Ito’y purong-purong anti-manggagawa. Ito’y ipinatutupad nang walang bahagyang konsiderasyon sa kapakanan ng manggagawa. Mas masahol, ang tahasang isinasakripisyo sa pagpapatupad nito ay ang kapakanan ng ating uri.

Unahin natin ang unang punto: Isinasaalang-alang ba ang kapakanan ng manggagawa sa Globalisasyon ng ekonomya?

Dahil ang ating lipunan ay isang kapitalistang sistema, natural, ang laging principal na konsiderasyon ay ang interes ng uring kapitalista. Pero kasali ba tayo sa konsiderasyon sa pang-ekonomyang mga desisyon ng kapitalistang estado na gaya ng Globalisasyon? Dapat sana’y kasali tayo dahil “myembro” rin tayo nglipunang kapitalista. Hindi ba’t may dalawang haligi ang kapitalistang sistema – ang kapital at paggawa? Ang sabi, “partner” daw ang uring kapitalista at uring manggagawa sa pagpapaunlad ng industriya, sa pagpapaandar ng ekonomya. Pero anong klaseng “partnership” ito na hindi na nga tayo kasali sa pagdedesisyon sa tatakbuhin ng ekonomya, hindi pa kinukunsulta? Kailan kinunsulta ng estado ang uring manggagawa kung anong tingin natin sa Globalisasyon, kung payag ba tayo sa Globalisasyon ng ating pambansang ekonomya? Ni hindi nga ipinaliliwanag sa atin ang buong katotohanan sa Globalisasyong ito.

Hindi tayo kinukunsidera ni kinukunsulta dahil ang totoo’y hindi tayo tinatratong kapantay na myembro ng lipunan. Ang turing sa atin ay “segunda klaseng” mamamayan. Ang kailangan lang sa atin ng gubyerno ay ang ating boto at buwis. At ang ating lakas-paggawa, ang ating kapasidad na magtrabaho. Ang trato sa atin ay simpleng mga trabahador. Mga ignoranteng hampas-lupa at patay-gutom na madaling pakainin ng bola at blakmeyl.

Panahon nang komprontahin ang ganitong realidad. Manggagawa ang mayorya ng lipunan. Pero mayroon ba tayong boses sa sinasabing “demokratikong” pamahalaan? Pero hindi lang tayo ang mayorya. Ang ating lakas-paggawa ang bumubuhay sa bansa. Ang nagpapaandar ng ekonomya. Ang lumilikha ngyaman ng lipunan. Paano mabubuhay ang lipunan kung wala ang ating lakas-paggawa? Narito ang masaklap na katotohanan. Ang importansya ng manggagawa sa pananaw ng kapitalistang estado, kapitalistang sistema at kapitalistang uri ay katumbas lang ng halaga ng ating sahod. Kung gaano kaliit ang ating sahod ay ganoon rin kaliit ang pagtingin sa ating mga manggagawa. Kakarampot ang ating sahod dahil ganito rin kalinggit ang pagtingin sa atin bilang mga manggagawa.

Hindi ba’t ito ang pinakamaliwanag na sukatan ng pagtingin sa atin ng kapitalismo – ang halaga ng sahod na ating tinatanggap? Bakit ikinukunsidera, bakit pakikinggan ang opinyon ng isang tao na nabibili sa miserableng halaga ng minimum wage?

Ang totoo’y ni hindi tayo itinatratong “segunda klaseng” tao ng kapitalismo. Ang totoong turing sa atin ay ordinaryong mga “kalakal” na nabibili ng por ora kaparis ng por kilong karne sa tindahan. Hindi ba’t ito ang doktrina ng Globalisasyon na iginigiit ng sector ng kapital: Ang hayaan daw ang merkado, hindi ang estado ang magtatakda ng presyo ng paggawa. Ibig sabihin, iparis tayo sa ordinaryong mga kalakal na “supply at demand” ang nagtatakda ng presyo. Kung simpleng mga kalakal ang pagtingin at pagtrato sa ating mga manggagawa, huwag tayong magtaka, kung gayon, kung bakit hindi tayo kinukunsulta, hindi tayo kasali sa pagdedesisyon.

Ang masakit na katotohanang ito ng pagiging ordinaryong kalakal ng manggagawa sa kapitalistang lipunan ang esensya ng ikalawang punto. Hindi lang tayo hindi kinukunsidera kundi tayo’y isinasakripisyo sa altar ng Globalisasyon.

Ang kapitalismo ay para sa kapitalista. Ang Globalisasyon ay para sa kapitalismo. Sa ilalim ng sistemang ito, tayong mga manggagawa ay itinuturing na simpleng sangkap sa produksyon na binibili ng may-ari ng kapital kaparis ng makinarya, materyales at planta. Kinakapitalan ng kapitalista ang pagtatayo ng planta at pamimili ng makinarya at materyales hindi para magkaroon tayong mga manggagawa ng trabaho. Ang mga kapitalista ay hindi mga pilantropo kundi mga negosyante. Sila’y nangangapital para magnegosyo at sila’y nagnenegosyo para tumubo. Ang motibasyon sa tubo ang pinakamotor ng Globalisasyon.

Sa ilalim ng Globalisasyon, lalong pinapait ang katotohanang ito. Inilantad ang pinakamasahol na mukha ng kapitalismo. Binuyangyang ang sukdulang kalupitan ng sistemang ito. Sa tindi ng kumpetisyon na sinigaan ng Globalisasyon, ang laging ultimong agrabyado, kinakastigo at isinasakripisyo ay ang uring manggagawa. Ang mga negosyanteng hindi makasabay sa kumpetisyon ay nagbabawas ng empleyado kundi man tuluyang nagsasara ng kompanya. Wala silang pakialam kung mawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Magutom ang mga pamilya. Ang mga negosyante naman na disididong sumabay sa kumpetisyon ay nagpapalago ng kapital para sa modernisasyon ng produksyon. Bumibili ng bagong mga makinarya. Wala silang pakialam kung gaano karaming manggagawa ang obligadong i-retrench sa aplikasyon ng bagong makinarya. At dahil ang kanilang mga karibal ay sumasabay rin sa modernisasyon, parehas na makinarya’t materyales ang ginagamit, ang ultimong magiging mapagpasya sa kompetisyon ay kung sino ang makakabili ng mas murang halaga ng lakas-paggawa. Ang makakapiga ng mas malaking tubo sa mas murang paggawa. Ito ang batayan kung bakit nagiging epidemya ang ontractualization, ang union busting, ang pambabarat sa sahod at benepisyo. Katunayan, mas maraming kompanya ang di makasabay sa modernisasyon ng produksyon. Lumalaban lang sila sa kompetisyon sa pamamagitan ng murang paggawa at sagarang pagpiga sa manggagawa.

Walang ibang pupuntahan ang Globalisasyong ito kundi dilubyo para sa uring manggagawa at internasyunal na kompetisyon sa pamurahan ng paggawa na tutungo’t tutungo sa direktang anihilasyon ng unyonismo. Hindi pwedeng magtatabla ang nagaganap na mga kompetisyon. May mananalo at may matatalo. At siguradong paparami nang paparami ang matatalo. Papalaki ng papalaki ang iilang mananalo. At sino talaga ang talo sa kompetisyong ito ng mga kapitalista? Walang iba kundi ang mga manggagawa. Sa bawat kapitalistang humina o magsara ng negosyo, ilan ang manggagawang apektado? Ang kapitalista ay mawawalan o magpapalit lang ng negosyo. Pero ang manggagawa ay gutom ang pamilya. Mawawalan ng trabaho. Walang kasiguruhan kung makakatagpo ng trabaho. Walang kasiguruhan sa matatagpuang trabaho.

Habang lumalago ang kayamanan ng iilang kapitalistang nakalalamang sa kompetisyon, lumalago naman ang hanay ng mga manggagawang walang trabaho o walang sapat na trabaho. Resulta ito ng dumaraming kapitalistang di makasabay sa kompetisyon. Pero dahil hindi titigil ang kompetisyon sa pagitan mismo ng mga dominante at higante sa bawat industriya, wala rin tigil ang kompetisyon sa pamurahan sa presyo ng paggawa at sa modernisasyon ng produksyon na ang ultimong isasakripisyo ay ang mga manggagawa. At dahil ang kompetisyon ay hindi na lang sa loob ng bansa kundi sa pagitan ng mga bansa, at dahil umaagos ang imported na mga kalakal na mas mura kaysa lokal na mga produkto, walang tigil na maglalagablab ang kompetisyong ito. Ang impyernong ito ng Globalisasyon.

Ang agos ng puhunan sa ilalim ng Globalisasyon ay humanap ng murang paggawa. Kaya’t mismo ang mga manggagawa sa industriyalisadong mga bansa na mataas ang istandard sa pasahod ay nag-aalsa dahil ang kapital ay umaagos palabas ng kanilang mga bansa patungo sa mga bansang mura ang lakas-paggawa. Pero nag-aalsa rin ang mga manggagawa sa di industriyalisadong mga bansa dahil ginagawang patakaran ng kanilang mga gubyerno ang ibaratilyo ang lakas-paggawa para maengganyo ang dayuhang puhunan. Ang pinagkukumpetensya ng mga gubyerno sa ilalim ng Globalisasyon, sa ultimong pagsusuri, ay ang mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa pamurahan ng paggawa habang humahalakhak ang mga korporasyong multinasyunal na may pakana ng Globalisasyong ito.

PROTEKSYON O REBOLUSYON?

Sa bawat araw ng pag-inog ng daigdig, walang tigil ring umiinog, pabilis ng pabilis, angGlobalisasyon ng mga ekonomya ng mga bansa, pabilis ng pabilis ang paggiling sa masang paggawa. Sa unang mga taon ng Globalisasyon, halos hindi pinapansin ang nagaganap na mga pangyayari. Hindi gaanong naaalarma ang mga unyon kung saan ito patungo. Hindi maitsurahan ang dilubyong ihahatid nito sa hanay ng paggawa. Pero sa nakalipas na ilang taon – nang magkahugis na ang halimaw ng Globalisasyon, kumagat na ang pangil at parang epidemyang kumalat ang kamandag sa katawan ng uring manggagawa – nagsimula nang maligalig ang paggawa sa halos lahat ng bansa.

Ang sumiklab na “Battle in Seattle” na dumiskaril sa kumperensya ng World Trade Organization (WTO) ay senyales na tumitindig na, kahit ang konserbatibong mga unyon sa Amerika, laban sa Globalisasyon. Itinatayo na ang mga barikada ng pakikibaka laban sa pandaigdigang salot na ito.

Sa ngayon, ang umaalingawngaw na sigaw ng mga manggagawa sa buong daigdig ay “Proteksyon!” laban sa epekto at perwisyo ng Globalisasyon sa masang anakpawis. Pero sa likod ng kahilingang ito ay ang babala ng “Rebolusyon!”, ng rebelyon ng uring manggagawa sa buong daigdig laban sa Globalisadong sistema ng kapitalismo.

Tutol ang uring manggagawa sa Globalisasyon sapagkat ito’y purong-purong para sa uring kapitalista at purong-purong anti-manggagawa. Pero kung hindi magpapaawat ang mga kapitalistang estado sa direksyong ito, obligasyon nitong protektahan ang uring manggagawa. Kung hindi, maoobliga ang masang manggagawa na maghimagsik at mag-alsa para ibagsak ang sistemang ito. Isang sistema na walang ibang iniintindi at inaaruga kundi ang interes ng kapital.

Hinahamon ng islogang “Proteksyon o Rebolusyon!” ang buong sistema ng kapitalismo. Kung may bahagyang katotohanan ang ipinagmamalaki ng kapitalismo na ito ang ultimong sistema ng lipunang may pantay na karapatan ang bawat myembro, isang sistemang mas superyor kaysa alinmang sistema ng lipunang sumibol sa kasaysayan, patunayan ito ng kapitalistang estado: Protektahan nito ang uring manggagawa sa salot na Globalisasyon! Pero kung imbes na protektahan ay babaklasin pa ang umiiral na mga proteksyon, isasakripisyo ang manggagawa sa altar ng Globalisasyon, ibig sabihin, ang kapitalismo, ang sistemang ito, ay dapat nang ihatid sa kanyang huling hantungan, sa basurahan ng kasaysayan. Palitan ng bago na mas nakatutugon sa kapakanan ng mayorya ng populasyon.

Nang sumisibol pa lang ang kapitalismo sa daigdig – mga apat na daang taon na ang nakararaan – sukdulan ang pang-aapi at pagsasamantala sa unang mga henerasyon ng uring manggagawa. Grabe ang haban ng araw ng paggawa. Umaabot ng 16 na oras. Kulang na kulang ang pasahod. Obligadong pami-pamilya ang nagtatrabaho. Pati mga batang edad pitong taong gulang. Hanggang sa bago mag-1900, halos walang mga batas paggawang pumuprotekta sa manggagawa. Walang mga istandard sa paggawa, walang mga benepisyo. Iligal ang mag-unyon, iligal ang magwelga.

Dahil sa sukdulang kahirapan at kaapihan, lumaganap ang mga rebelyon ng mga manggagawa sa huling dekada ng 1800 at unang dekada ng 1900. Sumabog ang general strikes. Lumawak ng lumawak ang organisadong paglaban at paghihimagsik ng mga manggagawa. Hanggagang sa maobliga ang mga kapitalistang estado na aprubahan ang mga batas na pumuprotekta sa paggawa.

Mula sa 16 na oras, pinaiksi ang araw ng paggawa sa 14, 12, 10 hanggang sa maging 8 oras. Ang pakikibakang ito para sa 8-oras na araw paggawa ay naging sentral na islogan ng mga kilusang manggagawa pagpasok ng 1900 sa halos lahat ng bansa. Isa-isang ring naipanalo, matapos ang mahabang sakripisyo ang karapatang mag-unyon at magwelga at ang iba pang mga karapatan at benepisyo na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon ng uring manggagawa.

Bakit natin isinasalaysay ang kasaysayang ito?

Una, para pahalagahan natin ang bawat piraso ng karapatan na tinatamasa natin sa kasalukuyan. Lahat ng ito ay pinaghirapang ipagtagumpay ng unang henerasyon ng uring manggagawa. Pinagbuwisan ng libu-libong buhay ng kilusang manggagawa sa buong daigdig. Huwag akalain ng kasalukuyang mga lider manggagawa na ang mga karapatang ito ay kusang-loob na ibinibigay ng mga kapitalistang estado. Lahat ng ito’y ipinagwagi ng manggagawa sa buong daigdig sa paraan ng matindi pakikibaka.

Ikalawa. Ipakita na para lang ipagwagi ang simpleng kahilingang 8-oras na araw paggawa, para ipagwagi ang simpleng legal na mga karapatang mag-unyon at magwelga, umabot pa sa antas ng mga rebelyon at insureksyon ang unang mga henerasyon ng manggagawa. Ibig sabihin, noon at hanggang ngayon,ganito kakunat, karamot at kalupit ang uring kapitalista at kapitalistang estado sa pagkakaloob sa uring manggagawa ngganito kasimpleng mga karapatan at benepisyo. Palibhasa’y namumuhay na parang mga hari sa ibabaw ng lipunan, ang trato nila sa uring manggagawa ay kaparis ng mga alipin at alila ng sinaunang panahon.

Ngayon – sa panahong ito ng Globalisasyon – ay parang bumabalik tayo sa yugtong dinaanan ng unang mga henerasyon ng manggagawa, sa yugto ng istorikal na pakikibaka para sa proteksyon ng ating makauring interes. Ang kaibhan, tayo ngayon ay makikibaka sa panahong nasa rurok na ng pag-unlad ang kapitalismo samantalang ang ating mga ninuno ay nakibaka sa panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo.

Ipnapakita lang nito kung anong klaseng sistema ang kapitalismo. Matapos ang ilang daang taon, kahit nasa rurok na ng pag-unlad ang kapitalismo, ang kanyang hamak na mga manggagawa ay nasa yugto pa rin ng pakikibaka para sa kanyang simpleng mga karapatan at kabuhayan. Walang kaparis ang inabante ng kapasidad ng kapitalismo na lumikha ng yaman. Ang isang taong produksyon sa kasalukuyang panahon ay katumbas ng libu-libong taon ng produksyon ng sinaunang mga lipunan. Bawat dekada ng produksyon mula 1950s ay katumbas ng ilang milyong taong produksyon ng sangkatauhan sa naunang mga panahon. Pero hanggang ngayon, ang malawak na mayorya ng mga manggagawa sa buong daigdig, kabilang ang mga manggagawa sa Amerika at mga industriyalisadong bansa, ay nakikibaka pa rin para sa simpleng karapatan sa “living wage” – ang sweldong sapat na makabubuhay ng pamilya.

Matapos ang ilandaang taon ng akumulasyon ng kayamanan ng uring kapitalista – kayamanang walang kaparis sa kasaysayan kahit sa panahon ng mga hari at emperor, kayamanang nanggaling sa pawis ng uring manggagawa – imbes na ang uring manggagawa naman ang magtamasa sa biyaya ng pagsulong ng industriya at teknolohiya, ang uring manggagawa na naman at ang uring manggagawa pa rin, ang unang pinagsasakripisyo. Pinakahuling nakakatikim sa gapatak na grasya ng modernong pag-unlad.

Panahon nang harapin at hamunin ng uring manggagawa ang kapitalistang sistema. Kung tayo’y itinuturing na “myembro” ng kapitalistang lipunan, kung may katuturan ang mga pretension nito sa pagiging sibilisado, disente at demokratiko, obligasyon ng kapitalistang estado na hindi lang protektahan at pangalagaan ang ating kapakanan. Isakripisyo na ang lahat sa altar ng Globalisasyon huwag lang ang kapakanan ng manggagawa. Kung hindi makakaisip ang kapitalistang estado ng paraan kung paano isasagawa ang Globalisasyon nang hindi isinasakripisyo at pineperwisyo ang manggagawa, ibig sabihin, walang kwenta ang sistemang ito na ang pag-andar at pag-unlad ay kalbaryo’t kastigo sa uring manggagawa. Hindi lang bangkarote kundi immoral ang isang sistemang ang isinasakripisyo sa pagnenegosyo at kompetisyon ng mga kapitalista ay ang kabuhayan at karapatan ng ordinaryong mga manggagawa. Kung ang isasagot sa atin ng gubyerno ay wala itong magagawa, talagang ganito ang kapitalismo, talagang ganito ang kalikasan ng negosyo, samakatwid, walang ibang alternatiba ang uring manggagawa kundi ibagsak ang sistemang ito.

Walang komento: