Globalisasyon at CBA ng Uri
ni Ka Popoy Lagman
NAGWAWALA sa daigdig ang Apat na Kabalyero ng Apokalipso: Gutom, Salot, Digma at Kamatayan. Nag-iwan ng bakas sa bawat sulok ng mundo.
a. Gutom. Isa sa bawat tao sa mundo (1.3 bilyon sa 6.5 bilyon) ang lugmok sa ganap na karukhaan.
b. Salot. Laganap ang epidemya ng mga dati at bagong sakit na walang lunas – kolera, tuberculosis, yellow fever, AIDS.
c. Digmaan. Apatnapu’t apat na milyong tao ang war refugees ng sumisiklab na digmaan sa iba’t ibang bayan. Sa huling 10 taon, lumipol ito ng 2 milyong bata, nanlumpo ng 5 milyon, at nang-ulila ng 1 milyon pa.
d. Kamatayan. Araw-araw, 40,000 bata ang namamatay dahil sa gutom.
Ito ang naaagnas na mukha ng higit isang siglong pag-iral ng Kapitalismo sa mundo. At ang pagkaagnas na ito ay nagbabantang magpatuloy pa sa susunod na millennium.
Sa daigdig ngayon, lumitaw ang makabagong mga propeta na nagbabandong ang ebanghelyo raw ay matatagpuan sa tinatawag na “globalisasyon”. “Globalisasyon” raw ang lunas sa mga problema ng mundo.
“Globalisasyon” ng ano?
Tambol ng mga propeta, globalisasyon ng komersyo at industriya. Economic growth para sa maraming bayan. Magpapalaki ng employment. Magpapamura ng presyo ng mga bilihin. Sa kooperasyon raw ng maraming bayan, aangat ang lahat sa ganap na modernisasyon.
Pero tandaang ang mga propeta ng globalisasyon ay sila ring mga kapitan ng industriya at mga pinuno ng kapitalistang bayan. Mga kapitan ng transnational corporations (TNCs) na ang puhunan ay naglalayag sa buong mundo. Mga pinuno ng imperyalistang bayan, pangunahin ng United States na tangan ang halos kalahati ng kalakalan sa mundo.
Nagtipon-tipon sila sa mga ahensyang gaya ng General Agreement on Tariff and Trade (GATT), World Trade Organization (WTO), at Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Itinayo ang mga ito bilang punong-himpilan na nagtutrumpeta ng globalisasyon.
Pero ang globalisasyong sinasabi nila ay maliwanag na globalisasyon lamang ng kanilang operasyon. Globalisasyon ng pagkamal ng tubo, ng pagsasamantala sa mga manggagawa ng lahat ng bayan. Ang globalisasyon ng kapitalismo.
Ang mga propeta ng globalisasyon ay nagkakaisa ngayon – hindi para wakasan ang laganap na kagutuman, hindi para puksain ang mga salot, hindi para itigil ang digmaan, at hindi para iligtas sa kamatayan ang maraming kabataan.
Ang mga propetang ito ay tagapagsulong ng dati nang misyon ng kapitalismo: ibayong tubo para sa ibayong paglago ng kapital. Ito ang dahilan kung bakit kailangang isulong nila ang “globalisasyon” ngayon.
Hindi dahil sa batid nilang umaabot na sa sukdulan ang krisis ng mahihirap sa mundo. Ang dahilan nito’y sila na mismo ang tinatamaan ng krisis ng kapitalismo.
Una, tumutumal ang tantos ng tubo (rate of profit) kahit ng pinakamalaking kapitalista simula 1970s. Limpak-limpak na tubo pa rin ito, pero ang porsyento ng kanilang tubo ay lumiliit na kumpara sa “Golden Years” ng Kapitalismo noong 1950s at 1960s.
Hinihila pababa ang porsyento ng tubo ng mga kapitalista habang lumalaki ang gastos sa teknolohiya at nagpapantay ang antas ng teknolohiya ng mga dambuhalang TNCs sa daigdig.
Ikalawa, dahil inabot na ng mga dambuhalang korporasyon ang ganap na paglaki sa kani-kanilang bayan, kailangang sumakop na ito ng iba pang palengke o teritoryo sa pagpapalawak ng kapital. Kung hindi, mabuburo ang kanilang kapital na lalo pang magpapahina ng sikad ng kapitalismo.
Katunayan, higit isang trilyon ng dolyares ang umiikot ngayon sa financial market at hindi nagagamit sa pagpapalago pa ng industriya. Kung malulutas ang pagtaas ng tantos ng tubo, tiyak na isasalang ito sa panibagong ekspansyon ng industriya.
Ikatlo, para makapagpalawak, kailangang lansagin ang itinayong mga restriksyon ng iba’t ibang grupo ng kapitalista sa kani-kanilang bayan. Sa maraming bansa, hindi basta-bastang makapasok ang dayong kapital o kung makapasok man, hindi ito makalaban “nang patas” sa kompetisyon ng lokal na puhunan.
Katunayan, may tatlong sentro ng malalaking kapital sa daigdig na matagal nang nambabakod sa isa’t isa. Kinakatawan ng grupo ng mga kapitalista sa United States (nakatipon sa NAFTA), grupo ng kapitalista sa Europe (nasa ilalim ng Euopean Community), at mga kapitalista ng Japan (may birtwal na dominasyon sa maraming bansa sa Asya). Ito ang dahilan sa islogan ng globalisasyon nag awing “patas ang labanan”, at isulong ang “free market” at “borderless economy”.
Ikaapat, kung noong araw nilulutas ang kanilang kompetisyon sa pamamagitan ng digmaan, hindi na maaaring ilunsad ang total war ng mga imperyalista para isagawa ang ekspansyon ng kani-kanilang kapital. May panganib na tumungo ito sa isang gyera nukleyar na magiging katapusan na ng mundo.
Ito ang dahilan kung bakit ang globalisasyon ay hindi totoong nakapundar sa kooperasyon ng mga kapitalistang bayan. Globalisasyon pa rin ito ng kapitalistang kompetisyon. Kung mayroon mang “kooperasyon”, ito ay idinaan sa pamimilipit ng kamay, sa pamamagitan ng economic at political pressures ng pinakamalalaking TNCs at imperyalistang bayan.
Ang lahat ng mga nabanggit ang magkakaugnay na mga dahilan kung bakit “globalisasyon” ang idinidiin ng malalaking kapitalista ngayon. Katunayan, rekolonisasyon ito ng daigdig sa ilalim ng dominasyon ng mga dambuhalang TNCs at ng numero unong imperyalistang bansa sa daigdig, ang United States.
Pagpapalaki ng tubo at ekspansyon ng malalaking kapitalista ang pangunahing layunin ng globalisasyon ngayon.
Pero kung pagpapalaki ng tubo ang pag-uusapan, hindi lamang ito makukuha sa pamamagitan ng “rekolonisasyon”, laluna kung ang pamamaraan nito ay mas pambabrasong pang-ekonomya kaysa isang gyera.
Dahil magkakapantay halos ang antas ng tknolohiya ng magkakalabang TNCs, lumiliit ang porsyento ng tubo na hinahamig ng bawat isa. Lumiliit ang tantos ng tubo ng lahat ng kapitalista. Batas ito ng pag-inog ng kapital na hindi maiiwasan ng mga kapitalista.
Pero isa pa ring dahilan sa pagliit ng rate of profit ang paglaki ng sahod at benepisyo na naipagwagi ng mga manggagawa sa abanteng kapitalistang bayan. At sa pananaw ng mga kapitalista, bagay ito na maaari pang bawiin, kaya’t siyang pinagdidiskitahan nila ngayon. Pansinin:
a. Sa US, bumaba ng $100 bawat buwan ang tunay na halaga ng sahod (real wages) ng manggagawang Amerikano kumpara noong 1977.
b. Sa Latin Amerika, bumagsak ang sahod sa industriya ng 5% at 20% naman sa agrikultura.
c. Sa Turkey, bumagsak ang real wage ng 50% mula 1977 hanggang 1987.
d. Sa Eastern Europe, dumausdos ang sweldo ng halos 50% sa Bulgaria, 26% sa Czechoslovakia, at 20% sa Romania sa loob lamang ng dalawang taon mula 1990.
e. Sa Rusya, ang real wage noong 1992 ay katumbas na lang ng 40% noong 1991.
f. Sa Pilipinas, ang kasalukuyang minimum wage sa NCR ay katumbas lamang ng P73 noong 1988.
Maliwanag na ang isa pang layunin ng globalisasyon ay paliitin ang halaga ng sahod ng mga manggagawa sa daigdig.
Paano naman magagawang ibagsak ang halaga ng sahod ng mga manggagawa?
Maraming paraan para gawin ito. Sa ilalim ng globalisasyon, mas nauso ang mga pamamaraang ikinumpol sa tinatawag na “flexibilization of labor”. Ang simpleng kahulugan nito ay matipid na paggamit ng manggagawa – ang paggamit kung kailan lamang sila kailangan sa takbo ng produksyon.
Sa ngalan ng flexibilization, ipinatupad ang “casualization” at “contractualization” ng paggawa. Pinamura o ipinako nito ang sweldo ng maraming manggagawa. Laganap din ang sistema ng “subcontracting” sa maraming industriya. Ipinasa naman nito ang overhead cost ng isang pabrika sa maraming kapitalista, at pinanatiling mababa ang sweldo sa buong industriya.
Nagagawa ito dahil na rin sa makabagong teknik sa produksyon at paggamit ng bagong teknolohiya, laluna sa komukikasyon, transportasyon at micro-electronics. Hindi na kailangang manatili sa loob ng pabrika o sa buong panahon ng produksyon ang lahat ng manggagawa. Madali nang naitatayo ngayon ang mga korporasyon sa subcontracting na ang produksyon ay batay sa order ng mga core corporations.
Sa sandaling gamitin ang bagong teknik sa isang pabrika, sumisirit ito na parang apoy sa buong industriya. Inoobliga nito ang lahat ng kapitalista na gamitin rin ito para manatili sa kompetisyon.
Halimbawa, naunang “magpauso” ng “contractualization” ng salesforce ang SM. Sa isang iglap ay naging kalakaran ito sa lahat ng department stores. At dahil uso na sa ibang bansa ang “subcontracting” sa garments industry, obligado ang mga kompanya ng damit sa Pilipinas na pairalin ito.
Ang natitirang proteksyon ng mga manggagawa laban sa pagpapabagsak ng kanilang kabuhayan ay ang mga unyon. Pero dahil alam ito ng mga kapitalista, natural na adyenda nila ang paglumpo sa unyonismo.
Ang globalisasyon ay union-busting sa pandaigdigang saklaw.
Kaya bago pa gawing islogan ang “globalisasyon”, matagal nang sumambulat ang epidemya ng union-busting sa maraming panig ng mundo. Nagaganap ito sa marami paraan.
Sa mismong balwarte ng kapitalismo, tinawag ng AFL-CIO – ang sentrong unyon sa United States – na “virtual holocaust” ang globalisasyon para sa mga unyon. Itinulad ito sa paglipol ni Hitler sa mga Hudyo noong Second World War. Kanilang patunay:
a. Sa pagitan ng 1978 at 1991, ang Steelworkers ay nalagasan ng 827,000 na miyembro. Ang United Auto Workers ay 659,000. Ang teamsters ay kalahating milyon. Ang mga unyon sa konstruksyon ay higit isang milyon.
b. Noong 1993, ang bilang ng mga kasapi ng AFL-CIO ay sindami na lamang nang ito’y magsimula noong 1955.
Ang pagkalagas ng mga unyon sa Amerika ay bunga ng kombinasyon ng globalisasyon, ng kamay na bakal ng gobyerno (gaya ng pagbuwag ni Reagan sa air controllers union noong ito’y nagwelga), at ng kainutilan ng AFL-CIO.
Dito sa atin, kahit iniuulat ng DOLE na lumalaki ang mga rehistradong unyon (7,274 na noong 1994 mula 1,804 noong 1984) at dumarami ang mga unyonisado (3.5 milyon mula 1.9 milyon) – ang mapait na katotohanan ay ito:
c. Sa 7,274 unions, ang may CBA ay 4,497 na may kabuuang myembrong 532,185. Kulang-kulang sa tatlong milyong manggagawa na “unyonisado” ang walang benepisyon ng CBA!
d. Taun-taon, papaliit nang papaliit ang bilang ng manggagawang sinasaklaw ng CBA. Noong 1990, ang bilang ng bagong narehistrong CBA ay 2,431 na sumasaklaw sa 230,025 manggagawa. Noong 1994, numipis ito hanggang 762 CBA na ang saklaw na manggagawa ay 56,942 lamang! Pinakamaliit ito mula 1974.
Kaya hindi lang indibidwal na mga kapitalista ang kumikilos para pahinain ang mga unyon. Determinado ang buong uring kapitalista, at ang mga kapitalistang gobyerno sa iba’t ibang bayan, na lumpuhin ang unyonismo.
e. Sa Australia, sinimulan ito sa tinatawag na “enterprise bargaining”. Ibinalik ang CBA negotiations sa mga lokal na kompanya sa halip na sa antas ng industriya na dati-rating nakapagtatakda ng mataas na pasahod sa industriya. Ngauon naman ay inilulusot ng Parliament ang “individual bargaining” ng mga manggagawa sa kanilang kapitalista.
Para sa mga kapitalista, hindi maaaring sabay na umiral ang unyon at kapital. Pinaliliit ng unyon ang paglago ng kapital. Sa pagwasak ng unyon, maaari nang baratin ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Mahihila na ito sa presyong latumbas ng pinakapayak na pangangailangan ng manggagawa para mabuhay at bumalik sa trabaho kinabukasan.
Ang hubad na anyo ng globalisasyon ay tunggalian ng Paggawa at Kapital
Ang kahihinatnan ng globalisasyon ay nakabatay sa magiging resulta ng tunggalian ng uring manggagawa at uring kapitalista.
Kung hindi kikibo ang mga manggagawa, magpapatuloy ang atake ng mga kapitalista para tuluy-tuloy na ibagsak ang kanilang kabuhayan. Ang tuon ng atake ay ang kanilang unyon dahil, sa isang banda, bawat unyon ay balakid sa pagsusulong ng globalisasyon at banta sa pang-aalipin ng kapital. Bawat bigwas nito ay sampal rin sa kapangyarihan ng kapital.
Dapat mabatid ng mga manggagawa na ang kaharap nila ay hindi lang ang indibidwal nilang mga kapitalista. Ang kaharap nila ay ang buong lakas ng buong uring kapitalista, kabilang ang kapitalistang gobyerno at mga ahensya nila. Kaya’t ang paglaban nila ay hindi maaaring hiwa-hiwalay.
Sa kadulu-duluhan, ang magpapasya ng kanilang hinaharap ay ang pagkilos ng buong uri laban sa pagsasamantala ng uring kapitalista. Ang pagkilos para tuluyang puksain ang pinag-uugatan ng kanilang kahirapan – ang sistema ng pagsasamantala sa pabrika. Ang sistema ng sahurang pang-aalipin.
Sa ilalim ng globalisasyon, hindi malayong pumutok ang global na paglaban ng pandaigdigang uring manggagawa
Kung aalalahanin natin ang mga makasaysayang tagumpay ng kilusang manggagawa, naganap ito sa pagsiklab ng pandaigdigang paglaban. Nagsimula ito sa paglaganap ng mga welga’t protesta sa hiwa-hiwalay na mga bayan. Tumungo ito sa sabay-sabay na pagkilos ng mga manggagawa sa iba’t ibang sulok ng mundo.
Ganito nakamit ang 8-oras na trabaho, karapatang mag-unyon at magwelga, karapatang bumoto, at “social wage” o mga benepisyo ng mga manggagawa sa lahat ng bayan. Ganito rin ang hinihinging pagkilos para mapigil ang panghahalihaw ng globalisasyon sa mundo.
Ipinasisilip na ito sa pagbangon ng kilusang unyon sa maraming panig ng mundo. Kahit ang mga konserbatibong seksyon ng kilusang manggagawa ay naoobligang gumalaw sa tindi ng opensiba ng kapital:
a. Kahit sa US ay muling bumabangon ang mga unyon. Noong 1993, naampat ng konserbatibong AFL-CIO ang isang dekada ng pagkalagas at nakarekrut ng 200,000 bagong myembro. Nanawagan rin ito ng opensiba laban sa globalisasyon. Sa harap ng pagtutol ng organisadong paggawa, muntik nang hindi makalusot ang NAFTA sa Kongreso ng US.
b. Sa Pilipinas, sinalubong naman ng malakas na protesta ang APEC Summit sa Subic. Sa lahat ng Summit, dito lamang ito nakasagupa ng pinakamilitante at pinakamalawak na protesta.
c. Senyales ng pagbangon ang nakapipilay na mga pangkalahatang welga sa South Korea, France, Israel, Ecuador, Bangladesh, at iba pa.
Hinahamon ang manggagawang Pilipino. Hahanay ba tayo sa nagaganap na pagkilos ng mga kauri natin sa ibang bayan o hahayaan na lang nating maipatupad ang adyenda ng globalisasyon sa sarili nating bayan?
Ang laban sa globalisasyon ay laban ng uri.
Ang ating pag-asa ay nasa pakikibaka ng buong uri, kabilang ang malawak na bilang ng di-organisadong manggagawa.
At para sumiklab ang laban, kailangang daanan pa ng maraming manggagawa ang karanasan ng pakikibakang papanday sa kanila sa mapagpasyang labanan.
Ang karanasan na ito ay nagmumula sa karanasan nila sa lokal na pakikibaka. Sa karanasan ng sariling welga. Kaya nga bawat welga ay paaralan ng uri.
Pero sa kalagayan ngayon na mismong ang mga lokal na pakikibaka ay pinahihina ng globalisasyon – sa unti-unting pagkabuwag ng mga unyon at paglaki ng bilang ng mga manggagawang di-organisado – hinihingi ng kondisyon ang mga pakikibakang hahatak sa pinakamalaking bilang ng mga manggagawa.
Magagawa ito sa mga kampanyang nakatuon sa interes ng buong uri. Maaaring lahukan ng buong uri. Ng lahat ng manggagawa, organisado man o hindi. Isang kampanyang bibigkis sa kanilang kagyat na interes. Dedepensahan ang kanilang hanay para di-tuluyang maigupo ng opensiba ng kapital. Kukuha ng mga kongkretong tagumpay na lalo pang magpapalakas sa kanila.
Ito ang kampanya sa Labor Legislative Agenda na nabigkis natin sa anyo ng “CBA Proposal ng Uri” noong Mayo Uno. Ito ang listahan ng mga karaingan na ihaharap natin kay Fidel Ramos, “chairman of the board” ng uring kapitalista sa Pilipinas, sa pagbubukas ng Kongreso.
Ang CBA ng Uri ay unang listahan pa lamang ng ating mga karaingan. Unang trenchera ng mga manggagawa sa panghahalihaw ng globalisasyon. Ito ang minimum na programa ng kilusang unyon ngayon.
Binubuo ang CBA ng Uri ng mga kagyat at matatalas na karaingan ng mga manggagawa laban sa globalisasyon. Napakakagyat ng mga ito, subalit napakatatalas din para ulusin ang “adyendang globalisasyon” ng mga kapitalista:
1. Patawan ng parusang kriminal ang mga paglabag ng kapitalista sa batas paggawa laluna kaugnay ng pasahod, labor standards, ULP at union busting. Itayo ang mga ispesyal na labor court na maglilitis ng mga kasong gaya nito.
2. Sugpuin ang salot ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon sa pamamagitan ng komprehensibong mga batas na maka-manggagawa.
3. Ireporma at ireorganisa ang DOLE at NLRC. Pabilisin ang resolusyon ng mga kasong isinampa ng manggagawa sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paglilitis at sagkaan ang pag-abuso ng mga kapitalista sa “due process”.
4. Ipatupad ang batas sa mimimum na pasahod batay sa prinsipyo ng living wage. Gawing standard ng minimum na sahod o take-home pay ang arawang gastos ng isang pamilya. Lusawin ang mga Regional Wage Board at balikatin ng Kongreso ang pagtatakda sa mga pagtaas ng sahod.
5. I-exempt sa income tax at sa kontribusyon sa SSS o GSIS, Pag-ibig at Medicare ang lahat ng sumasahod nang di labis sa itinakdang arawang gastos sa buhay. Palakihin ang take-home pay sa pamamagitan ng diskwento sa buwis. Itaas ng 50% ang overtime premium.
6. Ipatupad ang mga batas na nagbabawal at nagpaparusa sa run-away shop, illegal lock-out, illegal closure, illegal shutdown, illegal dismissal at lahat ng bagay na kaugnay ng unfair labor practice at union-busting.
7. Ipauna ang economic claim ng mga manggagawa sa mga kompanyang nagsasara. Isabatas ang obligasyon ng mga kompanya na magpundar ng trust fund para sa retirement, severance, gratuity at separation pay ng mga manggagawa.
8. Amyendahan ang probisyon ng batas paggawa kaugnay ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at pagwewelga. Maaari lamang i-regulate, at hindi maaaring ipagkait, ng “assumption” ng Secretary of Labor ang konstitusyonal na karapatang magwelga, pati sa mga susing industriya. Wakasan ang pagpapasa ng mga labor dispute sa NLRC. Tanggalin ang probisyon ng “free ingress-egress” ng mga produkto at personnel ng kompanya sa panahon ng welga.
9. Pabilisin ang proseso ng pag-uunyon mula rehistrasyon hanggang certification election. I-criminalize ang company unions at “sweetheart contracts”. Ipinatupad ang komprehensibong labor code para sa pag-uunyon ng public sector at pagbubuo ng mga national unions laluna sa mga industriya o sector na di angkop ang mga lokal na unyon. Iwasto ang infirmities ng mga patakaran ng gobyerno at ng batas paggawa para sa mga manggagawang overseas, agrikultural, sebisyo, at mga manggagawang kababaihan at child labor.
10. Buuin ang “Labor Inspectors” mula sa hanay ng mga lider manggagawa at aktibong unyonista. Itayo ang Ombudsman for Labor na uusig ng mga tiwaling opisyal ng DOLE at lider-unyon. Itatag ang Labor Investigation Bureau na tipong-NBI para tulungan ang mga manggagawa at unyon sa pag-iimbestiga at paglilitis ng mga lumalabag sa batas paggawa.
Mga kasama!
Kung paanong pinagsanib natin ang sama-samang pagkilos ng unyon at ang negosasyon sa kapitalista para isulong ang ating CBA, ganoon din dapat ang pagsasanib ng pakikibaka ng buong uring manggagawa at ng negosasyon sa Kongreso’t gobyerno para isulong ang CBA ng Uri.
Kung madadala sa kadulu-duluhan ang laban ng CBA ng Uri, bubuksan nito ang mainam na mga kondisyon para higit na mailantad ang kabulukan ng sistemang kapitalismo at mapakilos ang buong uri para sa pagbabagsak nito.
Kung magkakagayon, masasalubong natin ang mga puta-putaking putk ng kilusang manggagawa sa iba’t ibang bayan. Maisasanib natin ang ating sarili sa pandaigdigang paglaban ng pandaigdigang uring manggagawa.
Kung lalahukan ng maraming manggagawa, ganito ang senaryo na hinaharap natin sa pagdadala ng CBA ng Uri. Isang sustinadong kampanya ng “Negosasyon” kay Ramos at sa Kongreso. Puputok nula pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 28. Kung pagdating ng katapusan ng taon ay walang mararating na “Agreement”, idedeklara natin ang “CBA Deadlock”. Ihahanda natin ang isang “Strike Vote” pagpasok ng bagong taon sa anyo ng pinakamalaking “General Assembly” ng masang anakpawis.
Pangkalahatang welga ang maaaring patunguhan nito.
Kasama ang bayang Pilipino, isasanib natin ang ating pagkilos sa iba pang demokratikong kahilingan na tiyak na sisigabo sa susunod na taon (sa kondisyon ng isang halalan o sa kawalan nito). Kasama ang pandaigdigang uring manggagawa, isasanib natin ang ating pakikibaka laban sa globalisasyon at kapitalismo.
At hakbang-hakbang na susulong tayo para sa huling paglaban, sa huling makauring pakikibaka na wawakas sa lahat ng makauring tunggalian sa lipunan.
Susulong tayo sa mapagpasyang labanan na ang sigaw: Kasaganaan, Hindi Kagutuman! Kalusugan, Hindi Kapestehan! Kapayapaan, Hindi Digmaan! Katubusan, Hindi Kamatayan! Sosyalismo, Hindi Kapitalismo!
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
4 Hulyo 1997
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento